Inday TrendingInday Trending
Inakala ng Kasambahay na May Mabuting Kalooban ang Amo, Lumabas ang Totoong Kulay Nito Dahil sa Isang Pinggang Pilak

Inakala ng Kasambahay na May Mabuting Kalooban ang Amo, Lumabas ang Totoong Kulay Nito Dahil sa Isang Pinggang Pilak

Bago pa lang naninilbihan si Ditas sa bahay ng Pamilya Rivas. All around ang trabaho ng babae – naglalaba, nagluluto, naglilinis, namamalantsa at iba pa.

Mabait si Senyora Margarita at malaki ang tiwala nito sa kanya. Pinatira rin siya ng babae kasama ang kanyang mga anak sa maliit na bahay sa likod ng mansyon. Sadya talagang pinagawa iyon ng namayapang asawa ng Senyora para sa kasambahay.

“Ditas, bumili ka nga ng prutas sa palengke dahil naghahanap ng sariwang prutas ang Senyorita Marinela mo, kaya heto ang pambili ha! Mamasahe ka na lang para mabilis kang makabalik,” utos ng amo.

“Opo, Senyora!” aniya rito.

Sa tuwing uutusan siya nitong mamili ay binibigyan siya ng amo ng sobrang pera para pamasahe. Malayo-layo kasi sa subdivision ang palengke kaya kung lalakarin ito ay siguradong pagbalik ay hingal-kabayo.

Masuwerte siya sa amo dahil palagi itong nagbibigay ng pera kapag namamalengke siya, ‘di gaya ng ibang amo ng mga kakilala niyang kasambahay na mararamot at hinahayaang maglakad ng malayo ang mga ito.

Kapag may handaan naman sa mansyon ay hindi nakakalimot ang amo na bigyan silang mag-iina ng pagkain.

“Wow, inay ang sasarap naman niyan!” manghang sabi ng anak na si Liezel nang dalhan sila ng ina ng isang pinggang spaghetti na may kasamang tatlong pirasong pritong manok at kapirasong hiwa ng cake galing sa mansyon.

“Masarap talaga iyan, nagpa-cater kasi si Senyora dahil kaarawan ng anak niyang si Senyorita Marinela,” aniya.

“Lalo na itong pritong manok at spaghetti,” anito.

“Ako naman gusto ko itong cake! Inay, sana palaging ganito ‘no? Sana palagi tayong binibigyan ng masasarap na pagkain ni Senyora Margarita,” wika naman ng anak niyang si Chari.

“Hayaan niyo sa susunod na linggo ay si Senyora naman ang magseselebra ng kanyang kaarawan. Mas bongga iyon at mas maraming bisita ang dadalo kaya tiyak na mayroon na namang masasarap na pagkain sa mansyon.”

“Talaga po, inay?” masayang sabi ng bunsong si Chari.

“Oo, anak!”

Mabilis na lumipas ang mga araw at sumapit ang inaabagang kaarawan ni Senyora Margarita.

Umaga pa lang ay nagsimula na siyang maglinis. Mula sala, sa kusina at sa harapan ng mansyon. Gusto kasi ng Senyora na malinis ang buong mansyon bago dumating ang mga bisita kapag sumapit ang hapon.

Ipinahanda sa kanya nito ang mga kurtinang gagamitin para sa bintana at mantel para sa hapagkainan. Inilabas talaga ni Senyora Margarita ang mamahaling kurtina at mantel para sa espesyal na okasyong iyon.

Maya-maya ay dumating na rin ang catering service. Nakita ni Ditas na marami na namang ipinasok na pagkain ang mga catering staff kaya siguradong makakatikim na naman ng masasarap na pagkain ang kanyang mga anak.

Matapos maihanda ang lahat ay inutusan ng Senyora na pakainin muna ang mga staff na nagdala ng pagkain.

“Ditas, ikaw na muna ang bahala sa kanila ha? Bigyan mo sila ng makakakain!”

“Opo, Senyora!”

Malugod namang tinanggap ng mga staff ang pagkaing inihanda para sa mga ito.

‘Di nagtagal ay dumating na rin ang mangilan-ngilang bisita sa mansyon. Sinabihan naman ni Ditas ang dalawang anak na pumirmi muna sa tinitirhang bahay para hindi makagulo sa mga bisita.

“Mga anak, dito muna kayo sa loob, ha? Mamaya ay dadalhan ko na lang kayo ng pagkain. Huwag na huwag kayong mag-iingay, maliwanag ba?”

“Opo, inay. Basta po magdala kayo ng masarap na pagkain mamaya,” sabi ni Liezel sa kanya.

Nagsimula nang magkasayahan sa mansyon. Dumating ang mga mayayamang kaibigan ni Senyora Margarita at malalapit na kamag-anak. Suot pa ng babae ang pinakamaganda nitong damit na ipinatahi pa sa isang sikat na designer. Ilang oras ring tumagal ang selebrasyon hanggang sa nag-uwian na ang mga bisita.

Pagkatapos magligpit ni Ditas ng mga dapat ligpitin ay may iniabot si Senyora Margarita.

“Ditas, dalhin mo ito sa mga anak mo. Hindi mo kasi sila pinalabas kanina, e!” wika ng babae na dala ang isang malaking pinggan na kulay pilak na punumpuno ng iba’t ibang masasarap na pagkain. May morcon, tinilad na lechon, pansit, menudo, macaroni salad at tinapay na ilan sa mga handa kanina.

“Naku, maraming salamat po Senyora! Maligayang kaarawan po ulit!” bati niya rito.

“Paki-ingatan na lang iyang kulay pilak na pinggan ha? Napakamahal nang bili ko riyan!” paalala pa ng babae.

“Huwag po kayong mag-alala, Senyora at ibabalik ko ‘to sa inyo ng buong-buo.”

Nang dalhin niya sa mga anak ang mga pagkain ay tuwang-tuwa ang mga ito.

“Inay, ang sasarap na naman po ng mga pagkain ni Senyora!” sabi ni Liezel.

“Pahingi pong lechon at macaroni salad!” wika naman ni Chari.

Matapos kumain ay hinugasan agad ni Ditas ang malaking pinggan. Nang ibabalik na niya ito sa mansyon ay di sinasadyang dinambahan siya ng malaking aso na alaga ni Senyora Margarita. Sa sobrang pagkabigla ay nabitawan niya ang pinggan at nabasag.

“Dyusko, ang pinggan ni Senyora!”

Agad niyang ipinaalam sa amo ang nangyari at hindi niya inasahan ang naging reaksyon nito.

“Ano, nabasag ang pinggan ko?!” malakas nitong sigaw.

“Pasensya na po, hindi ko po sinasadya. Si Dugal po kasi bigla akong dinambahan!” paliwanag niya rito.

“Aba, pati ang alaga kong aso ay sinisi mo sa kapabayaan mo! Dapat pala ay hindi ko na lang binigyan ng pagkain ang mga anak mo kung alam ko lang na mapeperhuwisyo ang mamahalin kong kasangkapan! Anong ibabayad mo riyan, e mahirap pa kayo sa daga? Kung hindi dahil sa kagandahang loob ko ay hindi ka magkakaroon ng trabaho at hindi kayo magkakaroong mag-iina ng matitirhan!” galit na litanya ni Senyora Margarita.

“Iawas niyo na lang po sa suweldo ko ang nabasag kong pinggan,” aniya.

“Hay naku, kulang pa ang kakarampot mong suweldo na pambayad sa binasag mo! Buwiset na buhay ‘to, sinira mo ang espesyal na araw ko!” sabi pa ng babae at umalis na sa kanyang harapan.

Naiwang lumuluha si Ditas sa ginawang pangmamaliit sa kanya ng amo. Biglang lumabas ang tunay na kulay nito. Pakitang tao lang pala ang ipinakitang kabaitan ni Senyora Margarita.

Nagdesisyon si Ditas na umalis na sa mansyon ng amo dahil sa mga sinabi nito sa kanya. Mas nanaisin pa niyang mamalimos sa kalye kaysa araw-araw nitong ipamukha sa kanya ang nabasag niyang pinggan.

Napagtanto rin niya na gaano man kaganda ang pakikitungo ng isang tao ay lalabas at lalabas ang totoong pag-uugali nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement