Nang Dahil Lamang sa Isang Kodigo

Magkaibigan ang mga magulang nila Hans at Arnold kaya halos magkapatid na ang turingan ng dalawa. May kaya ang pamilya nila Arnold at si Hans naman ay ang kabaligtaran.

Nag-iisang anak itong si Hans at si Arnold naman ay may isang kuya na laging pinagmamalaki ng kanilang magulang. Ito ang dahilan kung bakit lumaking may inggit sa puso si Arnold. Ang kanyang tingin ay lagi na lamang siyang anino ng kanyang kapatid.

Dahil nag-iisang anak naman si Hans, lubusan ang pag-aasikaso at pag-aalaga sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Kahit na kapatid ang turing ni Hans kay Arnold ay nag-uumpisa na rin itong tubuan ng inggit sa kaibigan sapagkat magaling ito sa lahat ng bagay. Madalas ay maikumpara pa silang dalawa sapagkat pareho ang pinapasukan nilang paaralan at magkaklase pa sila.

“Bakit hindi mo tularan si Hans, Arnold. Hindi lang magaling sa klase pati na rin sa larangan ng sports ay magaling din. Aba, nakapasok agad siya sa basketball team,” wika ng ama ni Arnold.

“Ang hindi ko kasi maintindihan sa’yo, anak, ay kung bakit mas magaling siya gayong parehas lang kayo ng pagsasanay na ginagawa tapos ay hindi ka makakapasa. Sayang naman sapagkat parehas kami ng ama ni Hans na nasa basketball team noong araw. Pati na rin ang kuya mo. Siguro ay kulang ang ginagawa mong pag-eensayo,” dagdag pa niya.

Inis na inis si Arnold tuwing ikinukumpara siya sa kanyang kapatid lalo na sa kaniyang kaibigang si Hans.

“Sila na naman ang magaling at ako na naman ang hindi. Ako na naman ang hindi makakapagbigay ng karangalan sa apelyido ng magulang. Sawang-sawa na ako,” bulong niya sa kaniyang sarili.

“O, itong major exam ninyo, baka mamaya ay bagsak ka na naman. Subukan mong magpaturo kay Hans nang sa gayon ay hindi ka pumalya sa pagsusulit,” dagdag pa ng kanyang ama, “Bakit kasi parang wala kang kahilig-hilig sa pag-aaral bata ka. Hindi lahat ay maaari mong iasa sa amin ng mama mo,” aniya.

Advertisement

Ang lalong kinakainis ni Arnold ay ang pagsabihan siya ng kanyang ama na walang hilig sa pag-aaral gayong ginagawa naman niya ang lahat upang maungusan ang kaniyang mga kaklase. Ang kaso nga lamang ay hindi ito sasapat upang maungusan niya ang kaibigang si Arnold.

“Tol, nakapag review ka na ba sa exam?” tanong ni Hans kay Arnold, “Halos inumaga na nga ako sa pag-aaral kagabi kasi hinintay ko pa si tatay na makauwi. Naputulan kasi kami ng kuryente,” aniya.

“Nakapag-aral naman ako kahit paano. Kung gusto mo, mamayang gabi ay sa amin ka na muna magpalipas ng gabi para makapag-aral ka,” paanyaya niya sa kaibigan.

“Naku, h’wag na. Nakakahiya naman sa inyo. Alam ko ay sa papa mo na nga nagutang si tatay para kahit paano ay mabayaran ang kuryente namin,” tugon ni Hans.

Nagsimula na ang pagsusulit. Alam ni Arnold na kahit anong review na kanyang gagawin ay hindi pa rin siya makakakuha ng mas mataas na marka laban sa kaniyang kaibigan kaya imbis na magsunog ng kilay buong gabi ay gumawa siya ng kodigo. Habang nagsusulit ay nakita ni Hans ang maling ginagawa ng kaniyang kaibigan. “Arnold, anong ginagawa mo? Bawal ‘yan. Baka mamaya ay mahuli ka. Alam mo namang mapapatalsik ka sa eskwelahang ito kapag napatunayang nandaraya ka,”bulong niya sa kaibigan.

“Itago mo na ‘yan, Arnold. Hindi tama ‘yan. Maiintindihan naman nila tita at tito kung hindi mataas ang makukuha mo. Kaysa isugal mo ang pag-aaral mo sa maling bagay na ganiyan,” wika pa niya.

Ngunit hindi nagpatinag si Arnold. Hindi siya nakinig sa babala ng kaniyang kaibigan. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pangongodiko. Kahit anong tago niya ay hindi ito makakawala sa matalas na mata ng nagbabantay sa kanila. Nang makita niyang papalapit na ito sa kaniya ay agad niyang ibinato ang kodigo sa kaniyang kaibigang si Hans. Ikinagulat naman nito ng binata.

“Ano ang ibinato mo kay Hans, Arnold?” kumpronta ng guro. “Kitang kita ko ang papel na ibinato mo kay Hans.”

Advertisement

“Hans, ibigay mo sa akin ang papel ngayon na,” sambit pa ng guro. Nagulat ang guro nang makita niya ang isang kodigo. “Alam ninyong bawal ito. Sino sa inyo ang gumawa nito? Kanino ang kodigo? Wala bang aamin sa inyo?” galit niyang sigaw.

“Hindi po akin ang kodigo na ‘yan. Iniabot po sa akin ni Hans ang papel na ‘yan at nang makita ko na kodigo ito ay agad ko pong ibinalik sa kanya. Nag-aral po ako buong gabi kaya wala po akong balak na mandaya,” nakayukong sambit ni Arnold.

“Tol, anong ibig sabihin nito? Bakit ako ang itinuturo mo? Hindi po sa akin ang kodigo na ‘yan. Aminin mo na Arnold, hindi sa akin ‘yan,” pagmamakaawa ni Hans.

Ngunit walang imik si Arnold. Hinayaan na lamang niyang akuin ni Hans ang kanyang pagkakamali. Hindi na pinagpaliwanag ng eskwelahan si Hans at agad siyang pinatalsik. Dahil naging balita ang kaniyang pandaraya ay hindi na rin siya nakapasok pa sa ibang eskwelahan. Naging dahilan ito upang tuluyan ng huminto ng pag-aaral ang binata at tuluyan na ring nagkagalit ang dalawa.

Makalipas ang ilang taon ay nagkita muli sina Hans at Arnold. Ang rinig kasi ni Arnold ay hindi na nakapag-aral itong si Hans na lubusan niyang ikinakukonsensiya. Nasira din ang pagkakaibigan ng dalawa dahil sa kanyang kagagawan. Nais sana niyang iwasan ang dating kaibigan ngunit ito na ang unang lumapit sa kanya.

“Uy, Arnold! Ikaw na ba ‘yan?” masayang bati ni Hans sa dating kaibigan. Iwas naman si Arnold sapagkat magpahanggang ngayon ay nahihiya siya sa kaniyang ginawa.

“Mabuti naman, Hans. Ikaw? Kumusta ka?” nahihiya niyang sambit sa binata.

“Hans, gusto ko sanang humingi ng patawad sa lahat ng nagawa ko noon. Nasira ko tuloy ang buhay mo,” paghingi niya ng despensa.

Advertisement

“Ano ka ba, Arnold matagal na ‘yon! Wala na sa akin ‘yon. Ang katunayan nga ay gusto kong magpasalamat sa iyo,” aniya.

“Anong ibig mong sabihin?” pagtataka ni Arnold.

“Hindi ba nang mapatanggal ako sa eskwelahan ay walang tumanggap sa akin. Sa totoo lang ay masama ang loob ko sa iyo noon. Ngunit hindi ako pinanghinaan ng loob. Naghanap ako ng ibang paraan upang maging maayos naman ang buhay namin. Mula sa mga naipon ko ay nag-invest ako sa stock market. Nag-aral ako kung paano ang kalakaran dito. Maging ang ekonomiya natin ay aking ding pinag-aralan. Ngayon ay nag te-trade na ako. Dahil dito ay napalago ko ang aking naipon at saka naman ako pumasok sa mga negosyo,” aniya

“Minsan naiisip ko na hindi magandang karanasan ang pagkakabintang sa akin ngunit may paraan pala ang Diyos para sa lahat ng tao. Kaya gusto ko ring magpasalamat sa’yo. Ikaw ang nagbigay daan upang pasukin ko ang mundo ng trading,” aniya.

Napagtanto ni Arnold na talagang mahusay itong si Hans. Mula sa puntong iyon ay tinanggap na niya na kahit siguro kailan ay hindi niya mahihigitan ang pagsisikap ng kababata. Muli silang nagka-ayos at ngayon ay matalik na magkaibigan muli.

May mga pagsubok na minsan ay nais na nating bumitaw. Ngunit kung titibayan lamang natin ang ating loob at titignan natin ang lahat ng positibo, kadalasan ang pagsubok na ito ay nagdadala pa sa atin ng kakaibang biyaya.