Ang Suwail na Anak

“Kayla, tulungan mo naman ako maglaba dito, anak!” Narinig niyang sabi ng kanyang ina.

Agad na sumubsob si Kayla sa binabasang libro nang marinig ang yabag ng kaniyang ina na papalapit.

“’Nay, nag-aaral po ako.” Lingon niya nang sumungaw ang ina sa kaniyang maliit na kwarto.

“Ganun ba ‘nak? Sige, ako na ang bahala,” nakakaunawang sagot ng kaniyang ina.

Bahagyang nakadama si Kayla ng awa sa ina subalit nanaig ang kanyang katamaran at bumalik sa pagkakahiga nang masiguradong nakaalis na ang ina. Maya-maya pa ay mahimbing na uli siyang natutulog.

Pasado alas dose na nang magising ang dalagita. “’Nay, wala tayong pagkain?’” Bakas ang iritasyon sa mukha ng dalagita.

“Naku, ano’ng oras na ba? Hindi ko na namalayan ang oras. Tumanggap din kasi ako ng labada mula kina Minda,” nagmamadaling tumayo ang kanyang ina mula sa paglalaba at pumasok sa bahay.

“Ano ba naman ‘yan ‘nay, gutom na gutom ako dahil kanina pa ako nag-aaral, tapos walang pagkain?” reklamo niya sa ina. Kahit na ang totoo ay natulog lang siya.

Advertisement

“Pasensiya na ‘nak, hindi na ako nakapaghanda dahil may ginagawa nga ako,” paliwanag ng ina.

Saglit itong namalagi sa kusina. Maya-maya ay hinain ang iniluto nito. “’Nay, isda na naman? Wala ba tayong ibang pagkain?” muling reklamo ni Kayla.

“Wala ‘nak. Alam mo naman, nagtitipid tayo dahil magka-college ka na sa Agosto, at nag-iipon tayo ng pangmatrikula mo para dun sa eskwelahan na gusto mong pasukan,” sabi ng kaniyang ina.

Nagdadabog na lang na nagsimula nang kumain si Kayla.

“’Nak, pwede bang ikaw na lang ang maghugas ng kinainan natin?”

“’Nay kailangan ko na matapos yung ginagawa ko dahil ipapasa ko na ‘yon bago mag alas singko,” nakasimangot na pangangatwiran ni Kayla sa ina.

Napabuntong hininga ito. “Sige, ako na lang. Mamaya pagkatapos kong maglaba.”

Tuluyan na siyang tumalikod upang bumalik sa kanyang silid at tumunganga.

Advertisement

Nag-iisang anak si Kayla. Silang dalawa na lamang ng kaniyang ina ang naging magkasama simula nang sumama sa ibang babae ang kanyang ama.

Masasabi niya na napakabait ng kanyang ina. Mahal na mahal siya nito kaya’t ganoon na lamang kung pagpasensiyahan siya nito. Subalit hindi pa din siya makontento. Sa tingin niya ay mas higit pa sa simpleng buhay ang nararapat sa kaniya. Kaya naman naiirita siya kapag damang-dama niya na mahirap ang kanilang pamumuhay.

Hindi niya na nakilala ang ama. Wala siyang ka-alam-alam tungkol dito. Gusto niyang usisain ang ina tungkol dito, subalit sa tuwina ay nagagalit ang ina niya pag nagtatanong siya, bagay na ipinagtataka niya dahil bihira itong magalit.

“Kayla, paano kung mayaman ang tatay mo?”

Kumislap ang mga mata ni Kayla. “Alam mo, hindi ko pa naisip ang posibilidad na iyan. Wala kasi talaga akong ka-alam-alam tungkol kay tatay.”

“Bakit hindi mo pasikretong alamin? Siguro naman may pictures na tinatago ang mama mo kahit papaano?” tanong sa kanya ng kaibigan si Thea.

“Oo nga, ano? Sige, pag nagsimba si Nanay sa Linggo.”

Nang sumapit ang araw ng Linggo, nagpanggap si Kayla na may sakit upang hindi na siya pilitin ng ina na sumamang magsimba. Kailangan niyang maisakatuparan ang kaniyang imbestigasyon kung gusto niyang mahanap ang ama.

Advertisement

Nang makaalis ang ina ay agad siyang pumunta sa kwarto nito upang mangalkal. Matagal siyang nangalkal upang maghanap ng impormasyon na magtuturo sa kaniya sa ama.

Susuko na sana siya sa paghahanap ngunit may isang litratong aksidenteng nahulog mula sa libro na kasama ng mga dokumento.

Ganun na lamang ang pagtahip ng kanyang dibdib nang makita ang mas batang imahe ng kanyang ina, kasama ang isang lalaki. Nang tingnan niya ang likuran ng larawan, mas na-excite siya dahil sa mensahe na nakasulat dito.

“Marso 19, 2003

Mahal,

Maligayang kaarawan. Nais kong maging parte ng bawat kaarawan na ipagdiriwang mo.

Noel Cruz”

Ito ang taon ng kanyang kapanganakan! Sigurado siya na ito ang kanyang ama!

Advertisement

Hinanap niya ang lalaki sa Facebook. Dahil common ang pangalan ng lalaki, madami siyang nakita ngunit buti na lang, may larawan siyang pagbabasehan.

Sa wakas, nakita niya ito. Ganun na lamang ang panlalaki ng kaniyang mata nang mapag-alaman na mayaman ito. Nakita niya ang lahat ng detalye tungkol dito kagaya ng pagkakaroon nito ng anak, at ang pagiging anak niya sa labas.

Ngunit hindi nito pinigilan ang kagustuhan niyang makilala ang ama at maambunan ng maalwan nitong buhay, Kaya naman nagdesisyon siya na hahanapin niya ang ama.

“Ano’ng ginagawa mo?” Tila kulog sa kaniyang pandinig ang galit na boses ng kaniyang ina.

Sinubukan niyang itago ang larawan subalit hindi siya nagtagumpay dahil nahablot na ‘yon ng kanyang ina.

“’Nay… may hinanap lang po… Aksidente lang p—” hindi na siya pinatapos ng ina dahil nagulantang na siya sa malutong na sampal nito.

“Nay!” Ito ang unang beses na napagbuhatan siya nito ng kamay.

“Sinabi ko na sa’yo dati pa na ‘wag mo nang hanapin ang tatay mo, hindi ba?!”

Advertisement

“’Nay, karapatan ko malaman kung sino ang ama ko!”

“Hindi mo na kailangan—”

“Bakit ‘nay? Tinatago mo ba na nanira ka ng pamilya?” Hindi niya na nakontrol ang lumabas sa kaniyang bibig. Magsisi man siya ay hindi niya na mabawi ang sinabi.

Natigagal ang ina. Maya-maya ay nawalan ng ekspresyon ang mukha nito.

“’Nay—”

“Lumayas ka sa pamamahay ko!” ito ang unang beses na nakita ni Kayla na galit na galit ang ina.

“’Nay—”

“Pagbalik ko ay dapat wala ka na rito, Kayla.” Tumalikod na ito at umalis.

Advertisement

Umiiyak na humabol siya sa ina subalit tila wala itong naririnig.

Wala siyang nagawa kundi ang umalis ng bahay. Kilala niya ang ina. Mabait ito kaya matindi ito kung magalit. Itatapon siya nito palabas ng bahay kung hindi siya aalis. Kaya naman kumuha siya ng iilang piraso ng gamit at umalis ng bahay. Hahanapin niya ang ama.

Dahil madaming impormasyon ang nakalap niya mula sa Facebook, madali niyang natunton ang subdivision na kinatitirhan ng ama. Nalula siya sa ganda at garbo ng mga bahay.

Papasok sana siya nang pigilan siya ng guard. “Ineng, saan ka pupunta?”

“Sa tatay ko ho. Si Noel Cruz.”

Nagkatinginan ang dalawang guard. May ini-radyo.

“Sandali lang ho Ma’am ha, itatawag ko lang sa bahay ni Mr. Cruz.”

Nakaramdam ng pananabik si Kayla. Siguradong matutuwa ang ama pag nagkita sila.

Advertisement

Maya-maya ay may kotseng dumating mula sa loob ng subdivision. Lumabas mula doon ang pamilyar na lalaki, ang lalaki sa larawan.

Nakakunot ang noo na lumapit ito sa kanya. “Ikaw ang anak ni Lily?”

Hindi nakasagot si Kayla. Tumango lamang.

“Pinadala ka ba ng nanay mo dahil napag-isip isip niya na na kailangan niya ng pera?” Iritableng tanong nito.

Hindi mainitindihan ni Kayla ang sinasabi ng ama. Ngunit alam niyang iniinsulto nito ang mabait niyang ina.

“Sabihin mo sa nanay mo, ‘wag ka na niya papuntahin dito. Ako na lang ang ko-contact sa inyo. Baka makita ka pa ng asawa ko.” Yun lamang ang sinabi nito at tumalikod na. Narinig pa niyang nagpasalamat ito sa guard dahil daw napigilan siya ng mga ito!

Dahil likas na maldita, hindi napigilan ni Kayla na ipagtanggol ang ina.

“Mr. Noel Cruz!” Malakas na tawag niya rito. Napahinto ito sa paglalakad at nilingon siya.

Advertisement

“Hindi ho namin kailangan ni nanay ang pera mo. Ang kailangan ko ho sana ay tatay, pero alam ko na kung bakit galit na galit si nanay sa inyo! Hindi pala kayo marunong umako ng responsibilidad. Hindi niyo na kailangan magpakita pa sa amin. Kahit kailan!”

Bago pa man ito magsalita ay taas noo na siyang tumalikod. Saka pinakawalan ang pinipigil na luha.

Kailangan niyang humingi ng tawad sa ina. Napakalaki ng kasalanan niya rito.

Nang umuwi siya sa bahay ay tila tunaw na ang galit ng ina. Tila inaantay siya nito sa kanilang maliit na balkonahe.

Nang makita nito ang mugto niyang mata, wala itong sinabi. Niyakap lamang siya ng mahigpit.

“Sorry sa lahat, ‘nay. Magiging mabuti na akong anak simula ngayon.”

Natawa na lamang ang ina sa sinabi niya.