Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Pangarap Ko Para sa Pamilya Ko - Inday Trending

Pangarap Ko Para sa Pamilya Ko

Lumaki si KJ sa piling ng kaniyang lola, kinuha kasi siya nito mula sa kaniyang mga magulang sa probinsya. Mahirap lang kasi ang mga magulang ni KJ at lima silang magkakapatid, kaya upang mabigyan siya ng mas maginhawang buhay at kinabukasan ay kinuha na siya ng kaniyang lola at isinama sa kaniya.

Isang retired teacher ang lola ni KJ na si Lola Tess. Nag-iisa lamang ang anak nito, ang ina ni KJ. Maagang nabuntis ang dalaga at sumama sa nobyo nito sa probinsya, pinabayaan na lamang ito ng mga magulang dahil sa galit ng lolo ni KJ.

Ngunit pagkatapos ng libing ng asawa ni Lola Tess ay muli niyang hinanap ang anak upang siya ay makasama, ang asawa niya lang naman kasi ang galit sa anak. Doon nga niya nakita ang hirap ng naging buhay ng anak, ayaw namang sumama ng ina ni KJ kaya si KJ na lang ang kaniyang isinama.

Munting bata pa lamang noon si KJ at nangako naman si Lola Tess na bibigyan ng maayos na buhay ang apo, gaya ng buhay na ipinamalas niya sa kaniyang anak.

Mabait na bata si KJ. Kailanman ay hindi niya pinasakit ang ulo ng kaniyang lola.

“Lola, first honor po ako ulit!” masayang balita ng batang lalaki sa kaniyang lola.

“Naku, talaga apo? Napakatalino naman talaga ng apo ko!” puri ni Lola Tess sa apo at hinalikan ito sa noo.

“Talaga po! Paglaki ko po, maghahanap ako ng trabaho sa malalaking mga kompanya sa Maynila. Magsusumikap ako hanggang sa yumaman ako, tapos kukunin natin sila mama, papa, tsaka mga kapatid ko. Magsasama-sama na tayong lahat ulit. Magpapagawa ako ng malaking mansyon! Hindi na tayo makakaranas pa ng hirap,” puno ng pangarap na pahayag ng batang si KJ sa kaniyang lola. Natawa na lang si Lola Tess sa kanyang apo.

“Ikaw talagang bata ka. Pero sige, maganda iyang mga pangarap mo. Sana naman nandito pa ako sa mundong ibabaw pag natupad mo na iyang mga pangarap mo,” napatakbo naman si KJ palapit sa matanda.

“Lola naman! Huwag ka namang magsalita ng ganyan. Magkakasama pa ulit tayo nila mama. Magiging masaya pa tayo,” bigla namang nalungkot ang batang si KJ, “Ah basta lola! Tutuparin ko lahat ng pangako ko sa’yo! Basta hintayin niyo lang ako.”

Dadalawa lang sila ni KJ na magkasama sa bahay. Nasa malayong probinsya ang mga magulang at kapatid ni KJ kaya silang dalawa lang ang parating magkasama. Matanda na si Lola Tess pero lahat naman ay ginagawa niya para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pinakamamahal na apo, gaya ng pangako niya sa anak niya. Isang retired teacher si Lola Tess. Pagkatapos magretiro sa kanyang serbisyo ay nagpatayo siya ng isang grocery store kung saan nila kinukuha ang kanilang kabuhayan ni KJ. Dito rin nila kinukuha ang kanilang araw-araw na pangangailangan.

Mabilis na lumipas ang mga taon at nakapagtapos na nga ng pag-aaral si KJ. Gaya nga ng kaniyang plano noong siya ay bata pa ay lumawas siya nang Maynila at doon sinubukan ang kaniyang swerte. Nag-apply siya sa napakaraming kompanya ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya matanggap-tanggap.

Pinanghihinaan man ng loob ay hindi pa rin sumuko ang binata. Patuloy pa rin siyang lumaban sa hamon ng buhay. Subok lang nang subok at sigurado siyang matatanggap din siya.

Hindi nga siya nabigo at natanggap din siya sa isang malaking kompanya. Gaya ng kaniyang pinangarap mula ng siya ay bata pa, sa wakas, ay masisimulan na niyang abutin ang kaniyang mga pangarap para sa kanila ng kaniyang lola at para sa kanilang pamilya sa probinsya.

Dahil likas na masipag, matalino, at madiskarte si KJ ay hindi kataka-taka na agad siyang kinatuwaan ng kanyang mga boss. Makalipas lamang ang mahigit isang taon ay agad din namang na-promote ang binata.

Habang pataas nang pataas ang kanyang posisyon ay mas nagsusumikap pa si KJ sa kanyang trabaho. Hindi siya tumitigil hanggang hindi siya ang nagiging pinakamagaling sa kanilang kompanya. Hindi din nagtagal ay unti-unti nang natupad ni KJ ang kaniyang mga pangako.

Nagpagawa siya ng isang mala-mansyon na bahay para sa kanyang lola at kinuha niya sa probinsya ang kaniyang mga magulang at mga kapatid. Siya na din ang nagpaaral sa kanyang mga kapatid, habang ang kaniyang mga magulang naman ay tumutulong na lang din sa tindahan ng kaniyang lola na mas pinalago pa ng binata.

“Naku apo, maraming salamat sa lahat ng iyong pagsisikap para sa ating pamilya. Proud na proud ang lola sa’yo,” naiiyak na tugon ng matanda isang gabi pagkauwi ni KJ mula sa trabaho. Ngumiti naman ang binata at hinagkan sa noo ang kanyang lola.

“Ako nga po ang dapat na magpasalamat sa iyo ‘la eh. Nang dahil sa’yo kaya naririto ako ngayon at natutupad lahat ng pangarap ko, dahil ikaw ang nagbigay sa’kin ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko,” pasasalamat ng binata sa kaniyang lola. Ngumiti lamang ang matanda at pumikit na para magtulog na. Pinuntahan lang kasi ito sa kwarto ng kaniyang apo para tingnan ang lagay nito.

Naging matagumpay at masaya sa buhay ang pamilya nila KJ. Hindi man naging perpekto ang buhay nila pero dahil parati silang nagdadamayan at nag-uunawaan ay mas tumibay at tumatag ang kanilang samahan. Gaya ni KJ, nagsumikap din ang kaniyang mga kapatid at naging matagumpay sa buhay. Sabay-sabay nilang tinupad ang kanilang mga pangarap kasama ang kanilang pamilya.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.