Inday TrendingInday Trending
Makalipas ang Sampung Taon ay Muling Nagkrus ang Landas Nila ng Kaniyang Ama; Malaman na Kaya Niya ang Dahilan Kung Bakit Siya Nito Ipinamigay?

Makalipas ang Sampung Taon ay Muling Nagkrus ang Landas Nila ng Kaniyang Ama; Malaman na Kaya Niya ang Dahilan Kung Bakit Siya Nito Ipinamigay?

“Dok, kanina pa po kayo hinihintay ni Mr. Santillan, sa Room 306. Doon po naka-admit ang asawa niya,” ani Clea, ang kasama niyang nars. “Ikaw kasi ang nakatokang mag-opera kay Mrs. Santillan, dok,” dugtong nito.

Marahas siyang napalingon sa gawi ni Clea. “B-bakit ako? Hindi ba’t si Dok Ralfh ang mag-oopera sa kaniya?”

“May importanteng lakad si Dok Ralfh bukas, emergency at hindi niya kayang ikansela kaya sa’yo niya ipinasa si Mrs. Santillan,” nakayukong paliwanag ni Clea.

Kakaunti lang sa ospital na pinapasukan niya ang nakakaalam na kamag-anak niya si Mr. Santillan, sa katunayan ay ito ang kaniyang ama at dala niya ang apelyido nito. Ngunit alam rin ng iilan kung ano ang nangyari sa kanila… itinakwil at ipinamigay siya nito na animo’y isang gamit na wala nang pakinabang. Mabuti na lang at may babaeng laon na taglay ang mabuting puso ang umampon sa kaniya’t inalagaan siya at pinag-aral.

Mabibigat ang mga paang naglakad si Bernadeth patungo sa Room 306 upang makipagkita sa amang matagal nang hindi nagpakaama sa kaniya. Nang makita siya nito’y nakita niya ang dagling pagdaan ng saya at pananabik sa mukha saka pumalit ang panghihinayang. Lumabas ito sa silid ng asawa upang makausap siya nang mas masinsinan. Pinili nilang pumunta sa kantina ng ospital at doon nag-usap.

“Balita ko’y ikaw ang gagawa ng operasyon ni Minerva bukas,” anito.

Tumango siya bilang pagsang-ayon. Ang dami niyang nais sabihin at itanong, pero walang ni isang salita ang lumalabas sa bibig niya.

“May tiwala ako sa’yo, Bernadeth, alam kong maililigtas mo ang asawa ko sa bingit ng kam@tayan, sana’y iligtas mo siya. Iyon lang ang nais kong hilingin sa’yo,” anito.

Mariin niyang naikuyom ang kamao sa sinabi ng ama. Ano’ng karapatan nitong humiling ng pabor sa kaniya pagkatapos ng lahat ng ginawa nito sa kaniya? Gusto niyang umiyak at sumbatan ito, pero hindi niya magawa. Tila namanhid ang kaniyang dila at wala itong kakayahang gumalaw upang magsalita.

Akmang tatayo na ito upang magpalaam nang magsalita siya.

“Paano kayo nakasisigurong ililigtas ko ang asawa niyo?” aniya. May talim na nakatitig sa mga mata ng ama. “Sa tingin mo ililigtas ko ang babaeng naging dahilan kung bakit niyo ako itinapon?” Hindi niya napigilan ang pagpiyok ng boses.

“Bernadeth,” mahinang usal ng ama.

“Hindi ba’t mas magandang pagkakataon ito upang gantihan ko kayo?” naghahamon niyang sambit. “Sa ganitong paraan, mas malinis ang paghihiganting gagawin ko. Magpapanggap ako na ginawa ko ang lahat para mailigtas siya, sa gano’ng paraan, walang makakahalata na sinadya kong hindi gawin ang lahat dahil gusto ko talaga siyang mawala! Hindi ka ba natatakot sa maaari kong gawin, papa?” aniya.

Binigyang diin niya ang salitang “papa” upang ipaabot rito ang pagkasuklam niya sa ginawa nito sampung taon na ang nakalilipas.

Malalim na bumuntong hininga ang ama saka nagsalita.

“Alam kong kaya mong gawin ang bagay na iyon, Bernadeth, kaya nga tayo nandito ngayon at nag-uusap, dahil gusto kong makiusap na huwag mong sayangin ang narating mo para lang sa galit mo sa’kin. Masaya ako kung nasaan ka man ngayon, anak. Masaya akong nakikita kang nakasuot ng damit pang-doktor na noon pa mang bata ka’y pangarap mo na,” anito. Nakatingin nang diretso sa mga mata niya.

“Pero alam mo ba na kung mas pinili kong makasama ka noon ay tiyak akong wala ka d’yan sa posisyong kinaroroonan mo ngayon, Bernadeth? Pinili kong magsakripisyo para sa magandang kinabukasan mo. Alam kong kailanman ay hindi mo ako mapapatawad sa ginawa ko, pero sana maisip mo na kung hindi kita ibinigay noon kay Anna, hindi ka makakapag-aral, hindi mo makakain ang masarap na pagkaing nakakain mo ngayon at hindi ka sana naging doktor,” umiiyak nitong wika.

“Isa kang doktor, anak. Kaya ng mga kamay mong magligtas ng buhay, at nasa sa iyo iyon kung ayaw mong iligtas si Minerva, pero nais kong malaman mo na masaya ako sa nakikita kong Bernadeth ngayon,” anito saka nagpaalam.

Nang tuluyang mawala sa paningin niya ang ama ay saka niya binitawan ang mga luhang kanina pa nais pumatak. Galit siya dahil mas pinili nitong isakripisyo siya at ibigay sa tiyahin niyang si Anna. Mas pinili nitong makasama si Minerva kaysa sa kaniya. Balewala naman sa kaniya ang lahat ng yaman noon, dahil para sa kaniya isang kayamanan na ang makapiling ang ama matapos silang iwanan ng ina. Ngunit mas pinili nitong ipamigay siya. Humahagulhol pa rin siya at nais niyang magalit… sa kung kanino’y hindi na niya alam sa ngayon.

Katatapos pa lang ng isang matagumpay na operasyon. Kaya mas pinili ni Bernadeth ang bumalik sa kaniyang opisina upang magpahinga nang may kumatok sa pintuan. Nang kaniyang pagbuksan ay nakita niya ang kaniyang ama.

“Maraming salamat, anak, maraming maraming salamat,” mangiyak-ngiyak na sambit ng ama hawak-hawak ang kaniyang kamay.

“G-ginawa ko lang ang trabaho ko, dahil tama ka. Isa akong doktor, at kaya kong magligtas ng buhay. Iyon lamang ang ginawa, wala nang iba,” aniya.

“Salamat pa rin, anak. Wala akong ibang kayang sabihin kung ‘di ang magpasalamat lang,” anito saka maya maya ay nagpaalam na.

Nang makalayo na ito ng ilang distansya’y nagsalita si Bernadeth.

“Minahal niyo man lang ba ako, ‘pa? Noon bang nawala ako sa tabi niyo, namiss niyo man lang ba ako?” mangiyak-ngiyak niyang tanong.

Umiiyak na lumingon ang ama sa gawi niya ngunit nanatili na lamang ito sa kinatatayuan.

“Walang araw, Bernadeth, na hindi ako nangulila sa iyo. Alam ng Diyos kung gaanong araw-araw kitang hinahanap at pinapangarap na sana’y dumating ang araw na makita kitang muli, nakangiti sa’kin at yayakapin ako nang walang kahit anong galit sa puso mo. Walang magulang na hindi mahal ang kanilang mga anak. Mahal na mahal kita, anak, mas pinili ko nga lang magsakripisyo, dahil ayokong nakikita kitang nahihirapan,” tumatangis nitong sambit.

Wala na ang ama sa kaniyang harapan, ngunit hindi pa rin maawat ni Bernadeth ang sarili sa pag-iyak. Hindi man sa ngayon, pero alam niyang darating ang panahon na dadalaw siya sa ama, ngingitian ito at yayakapin na wala nang kahit anong galit mula sa kaniyang puso. Darating din ang araw na iyon… sa tamang panahon. Tuluyan niya munang paghihilumin ang sugat na bunga ng kahapon.

Advertisement