Inday TrendingInday Trending
Imbes na Kampihan ng Manager sa Pagsaway sa Kustomer ay Siya pa ang Sinabon Nito; Mahirap ba ang Magsuot ng Face Mask?

Imbes na Kampihan ng Manager sa Pagsaway sa Kustomer ay Siya pa ang Sinabon Nito; Mahirap ba ang Magsuot ng Face Mask?

Abala si Viy sa pag-aayos ng mga paninda nang may dumating na kustomer at pumasok sa kanilang kapehan. Agad siyang humarap dito at puno ng siglang binati.

“Good afternoon po, ma’am. Welcome po sa Baraks Coffee Shop!” bati niya.

“Good afternoon,” bati rin nito.

Nakatingala ang babae sa menu na nakapaskil sa mataas na bahagi ng stall at namimili ito nang mapansin ni Viy na wala man lang itong suot na face mask. Kaya hindi siya nagdalawang-isip na kausapin ito at pinakiusapang suotin ang face mask dahil iyon naman ang naging protokol sa lahat mula noong nagkapandemya.

Ngunit imbes na sundin siya’y nagbingi-bingihan ito at hindi man lang siya sinunod ng babae. Nagpatuloy lang ito sa pagpili ng nais orderin.

“Miss, isang caramel macchiato,” anito.

“Ma’am, bago ko po sana gawin ang order ninyo, maaari po bang suotin niyo muna ang face mask ninyo, ma’am?” magalang niyang pakiusap. “Hindi lang po kasi ako ang naiilang sa inyo, kung ‘di pati rin ang iba pa naming kustomer,” dugtong niya.

Inirapan siya nito saka muli’y hindi nito pinansin ang sinabi niya. Imbes ay mataray itong tumayo sa kaniyang harapan at nanghahamon ang mga tingin. Sa nakikita niya’y walang balak ang babaeng sundin ang pinapakiusap niya. Kaya imbes na patulan ang babae’y mas pinili na lamang niyang balewalain ito at ibaling ang atensyon sa ibang kustomer na nakapila at halata rin ang inis sa mga mukha nito dahil sa babaeng pasaway.

Hindi pa man niya nakakausap ang sumunod rito’y pasigaw na itong sininghalan siya.

“Aba! Ganyan mo ba asistehin ang mga kustomer mo, miss? Napakabastos mo naman sa’kin! Ano bang akala mo, wala akong pambayad?!” galit na wika nito habang ang dalawang braso ay nakahalukipkip sa may dibdib.

“Ma’am, hindi ko po kayo minamaliit, pero bawal po kasi iyang ginagawa ninyo. Simpleng pagsuot ng face mask ay hindi niyo ginagawa. Policy po namin iyan dito. Kaya walang dahilan para sundin ko ang order ninyo,” aniya.

Nanatili ang hinahon sa bawat salita kahit na ang totoo’y nanggigigil na rin siya sa pasaway na kustomer.

Ngunit imbes na tumahimik ay nagwala ito at hinanap ang manager nila. Agad namang lumabas si Sir Lance at hinarap ang nagwawalang babae. Sinumbong nito ang ginawa niya at tinawag siyang bastos ng babae. Ngunit imbes na ipagtanggol at kampihan siya ni Sir Lance ay kinampihan nito ang kustomer nila. Ayon sa paniniwala ni Sir Lance ay “Customer is always right” pero sa ginagawa nito’y hindi naman katanggap-tanggap ang salitang iyon.

Nagalit sa kaniya si Sir Lance at sinabon siya sa harapan ng babaeng kustomer. Pero imbes na magpakumbaba ay lumaban si Viy, kahit na alam niyang dahil sa ginawa ay pwede siyang tanggalin nito sa trabaho.

“Aba! Tingnan mo, sir, bastos talaga itong tindera mo!” anang kustomer saka siya dinuro-duro.

“Kung bastos ako’y mas wala kayong modo at hindi marunong sumunod sa bawat patakarang ipinapatupad ng gobyerno, ma’am! Simpleng pagsuot ng face mask upang maproteksyunan niyo ang inyong sarili pati na ang ibang tao ay hindi niyo pa magawa!” sagot niya.

“Wala akong pakialam at wala kang pakialam kung ayaw kong magsuot ng face mask!” muling singhal nito. “Pandemya ngayon at ikaw pa ang may ganang magmataas sa’kin! Hindi mo ba alam na ang hirap maghanap ngayon ng trabaho? Tingnan natin kung saan ka pupulutin kapag tinanggal ka rito!”

Tabinging ngumiti si Viy dahil sa sinabi ng babae.

“Alam niyo naman palang may pandemya, pero kahit simpleng pagsuot ng face mask ay hindi niyo pa magawa nang tama,” aniya. May himig pang-iinsulto. “Alam ko po na mahirap ang mahanap ng trabaho ngayon, pero alam niyo ma’am kung ano ang mas mahirap? ‘Yong kagaya niyo! Kagaya mong pasaway! Ikaw ang nagpapahirap sa kagaya kong nagsusumikap sa buhay para lang makapagtrabaho,” aniya.

Tinanggal niya ang apron saka kinuha ang bag at nagpaalam na magbibitaw na sa trabaho. Hindi na kailangang patalsikin siya. Siya na mismo ang aalis sa trabaho niya. Ang buong akala niya’y ipagtatanggol siya ng kaniyang manager dahil sa maling ginawa ng kustomer. Iyon naman pala’y ilalaglag pa siya nito. Ano’ng silbi ng mga polisiya na pinatutupad ng tindahan nila kung kukunsintihin lamang nila anuman ang gustuhin ng kustomer?

“Sorry sa nangyari, Viy, hindi mo naman kailangang umalis,” ani Lance matapos niyang hingin ang sweldo.

“Hindi na po, sir, nakapagdesisyon na ako. Alam kong masyado akong nagmamataas na kung tutuusin ay hindi naman ako kawalan sa trabahong ito. Pero grabe naman, sir, hindi mo man lang ako kinampihan kanina, imbes ay mas kinampihan mo ang maling kustomer na iyon dahil ang habol mo ay ‘yong sales, pero ‘di mo naisip ‘yong iba pang kustomer na maayos na sumusunod sa protokol. Iyon ang mas masakit e. At iyon ang nakakainis, kaya mas maiging umalis na lang po ako,” litanya niya sa manager na si Lance.

Wala itong nagawa sa naging desisyon niya. Mas maigi na iyong wala siyang trabaho kaysa magkaroon siya ng kasama sa trabahong kaya siyang bitawan sa oras ng kapahamakan.

Kahit alam niyang mahirap, susubukan na lamang niyang humanap ng ibang mapapasukan na uunahin ang kapakanan ng mas nakararami.

Advertisement