Inalok ng Kasal ng Isang Lalaki ang Kaniyang Nobya Ngunit Tinanggihan Siya Nito, Hindi Siya Lubos na Makapaniwala sa Naging Dahilan

“Syrish, will you marry me?” tanong ni Jon sa kaniyang nobya matapos lumuhod sa harapan nito. Nasundan naman ito nang sigawan at kantiyawan ng kanilang mga kaibigan at ilang mga taong napadaan lamang sa lugar na kinatatayuan nila.

Ngunit ilang segundo na ang nakakalipas, wala pa rin siyang sagot na natatanggap dahilan upang tanungin niya muli ang kaniyang nobya, “Syrish, sabi ko, will you marry me? Sakit na ng tuhod ko, o!” biro niya rito saka umarteng hindi makatayo dahilan upang magtawanan ang mga taong nakapalibot sa kanila.

“Jon, hindi pwede,” mahinang sagot nito saka tumakbo papalayo. Naiwan naman siyang tulala at hindi makapaniwala sa ginawa ng nobya.

Nagsimula nang magbulungan ang mga taong nakiusyoso kanina, agaran naman siyang nilapitan at itinayo ng kaniyang mga kaibigan.

“Habulin mo, Jon, baka nabigla lang ‘yon,” payo sa kaniyang ng isa niyang kaibigang si Rio, agad naman niya itong sinunod at hinabol ang dalaga bitbit-bitbit pa rin ang pinag-ipunan niyang singsing at mga bulaklak.

High school sweethearts kung tawagin si Jon pati na ang kaniyang nobyang si Syrish. Nasa elementarya pa lamang sila nang maging matalik na magkaibigan. Magkasama sila sa lahat ng bagay at suportado pa ng kani-kaniyang pamilya dahilan upang tuluyan silang makapagpalagayan ng loob.

Nasa hayskul sila nang simulang manligaw ang binata na sinagot naman ng dalaga ilang buwan lamang ang lumipas. Simula noon, mas lalong hindi mapaghiwalay ang dalawa. “Sigurado na akong ikaw ang gusto ko makasama sa habang buhay, Syrish,” sambit ni Jon noong araw nang kanilang pagtatapos na tinugunan naman ng isang yakap ng dalaga.

Mas lalo pa silang tumatag noong tumuntong sila sa kolehiyo dahilan upang makampante ang binata. Sa katunayan pa nga, kahit mga lakad niya, isinasama niya pa ang kaniyang nobya. Mapa-inuman man ito o selebrasyon ng kaarawan ng mga kaibigan niya, nandoon ito.

Advertisement

Lumalim pa ang pagmamahal niya sa dalaga nang makapagtapos sila ng kolehiyo. Agad kasi itong pumasok sa trabaho’t sinasabi sa kaniya ang mga pangarap nito para sa kanilang dalawa.

“O, kapag nakaipon na tayo, gusto ko magpakasal na tayo agad, ha? Gusto ko na kasing magkaanak para kapag lumaki sila, hindi malayo yung edad nila sa atin!” sambit nito, isang araw nang sunduin niya ito sa trabaho.

“Masusunod lahat nang gusto mo, Boss Syrish!” tugon niya sabay saludo dahilan upang humagikgik nang tawa ang dalaga.

Noong araw na ‘yon, habang tumatakbo siya upang mahabol ang dalaga, pilit niyang tinatanong sa sarili, “Ano bang maling ginawa ko?” habang pigil-pigil ang mga luhang nais nang kumawala mula sa kaniyang mga mata.

“Syrish!” sigaw niya nang mawala sa paningin niya ang imahe ng dalagang tumatakbo.

Pilit niya itong hinanap at doon niya ito nakita sa isang sulok ng kalsada, nakatungo’t umiiyak. Agad niya itong nilapitan at niyakap.

“Kung hindi ka pa handa, makakapaghintay naman ako, mahal ko. Akala ko kasi gusto mo na agad magpakasal, eh, pasensya ka na,” bulong niya dito ngunit lalo lang itong humagulgol.

“Huwag ka humingi ng pasensya, ako dapat ang humingi sa’yo nito,” sagot nito’t pilit na kumawala sa kaniyang bisig at lumuhod sa kaniyang harapan, “Patawarin mo ako, Jon, hindi kita maaaring pakasalan,” dagdag pa nito dahilan upang unti-unting tumulo ang kaniyang luha.

Advertisement

“Ba-bakit, Syrish? Ano bang problema?” nanginginig niyang tanong.

“Nabuntis ako ni Rio,” hikbi nito, napabuntong hininga na lamang siya saka malakas na sinipa ang basurahang nasa kaniyang harapan.

Hindi na siya nagsalita pa, itinayo niya ang dalaga’t hinatid sa bahay nito. Lumong-lumo siyang umuwi ng kanilang bahay. Nais man niyang suntukin, bugbugin, o kitilin ang kaniyang kaibigan, wala siyang magawa kundi tanggapin na lamang ito. ‘Ika niya sa sarili, “Wala, eh, mahal ko, hindi ko naman pwedeng pigilan siya at ipalaglag ang pinagbubuntis niya.”

Ilang buwan lang ang nakalipas, nagpadala ng mensahe ang dalaga bago ito magpakasal sa kaniyang kaibigan at nais siyang imbitahan. Hindi niya alam ang isasagot, hindi niya kayang masilayang ikasal ang tanging babaeng minahal niya sa matalik niyang kaibigan dahilan upang pilitin niyang mamuhay sa ibang bansa at simula noon, hindi na niya nasilayan ang dalaga.

Marami siyang balitang natatanggap tungkol sa sayang natatamasa ng dalaga dahilan upang kahit masakit, pilitin niyang maging masaya para dito.

Upang maibaling ang atensyon sa ibang bagay, ginawa niya ang lahat upang mawili sa trabaho. Sa katunayan, pumapasok pa siya sa isang restawran pagkatapos ng kaniyang trabaho sa opisina upang huwag lamang magkaroon ng oras na mag-isip tungkol sa naturang dalaga na hindi naman kalaunan, tuluyan niyang nakalimutan.

Wala pa man siyang babaeng muling mamahalin, natutunan naman niyang ibigay ang minamahal niya sa taong nakatakda para talaga dito. ‘Ika niya, “Hihintayin ko na lang ang sinumang para talaga sa akin, kahit pa sa kabilang habang buhay.”

Paminsan, kailangan nating isuko ang minamahal natin para sa ikakasiya nito. Mahirap man at masakit, dito natin mapapatunayan ang tunay na pagmamahal.