Saksakan ng Suplada ang Dalaga sa Mga Kapitbahay, Nang Maharap Siya sa Isang Panganib ay Isa Pa sa mga Ito ang Tumulong sa Kanya
Bagong lipat pa lamang sa Barangay Sta. Ana ang pamilya ni Karen dahil nang matanggal sa trabaho ang ama, kinailangan nilang maghanap ng mas maliit na tahanan. Malaki ang pagbabago sa buhay ng dalaga dahil sanay siyang mamuhay na mayaman.
Kaya ganoon na lamang ang pagsusuplada ng babae sa mga kapitbahay. Mahihirap, mababaho, mga patay gutom. Ganoon ang tingin niya sa mga ka-barangay. Sa tuwing siya ay naglalakad papunta sa sakayan ng jeep, ang mga kapitbahay niyang nakakasalubong ay binabati siya.
“Good morning! Kayo pala iyong bagong lipat, ano?” bati ng isang Ginang na nagtitinda ng mga gulay.
Hindi man lang tiningnan ni Karen ang matanda. Dire-diretso lamang ito sa paglalakad nang nakataas pa ang ulo at nakasimangot. Nakatakip pa ang kanyang panyo sa ilong na tila bahong baho sa mga kapitbahay.
Mabait at magaling makisama ang mga magulang ni Karen. Kaya labis ang pagtataka ng mga tao sa inuugali ng dalaga. Madalas tuloy ay napag-uusapan siya ng mga tao.
“Iyong anak nila Mang Homer at Aling Lorna, maganda sana ano? Kaya lang saksakan ng suplada! Aba’y akalain mo, kapag binabati ng mga tao kapag dumadaan siya e hindi man lang namamansin! Ni hindi man lang ngumiti!” kwento ng isang Ginang sa isa niyang kumare.
“Nako, oo nga! E aanhin mo ang ganda kung ganyan ang asal mo? Nako e ang tingin ata sa sarili pagkataas taas. Pasalamat siya at mabait ang kanyang ama’t ina.” sagot naman ng isa.
Nakarating ang tsismis sa mga magulang ni Karen. Kaya naisip ng mag-asawa na kausapin ang anak at itanong kung bakit ganito ang inuugali ng dalaga.
“Anak, pwede kaba naming makausap ng Papa mo?” tanong ni Aling Lorna.
“Bakit, Mama? Sige po.”magalang namang sagot ng dalaga.
“E nababalitaan ko’y panay daw ang pagsusungit mo sa mga kapitbahay. Anak, sinasabi ko sa’yo hindi magandang pag-uugali iyan.” sermon ng kanyang ina.
“At isa pa, anak, dapat matuto kang makisama dahil bago pa lamang tayo sa lugar na ito. Itrato mo ang mga tao kung paano gusto mong matrato.” bilin naman ng kanyang ama.
“Mama, Papa, paano ba naman kasi? Sa tuwing dadaan ako diyan e parang pagnanakawan ako ng mga tao. May isa pang lalaki na mukhang basurero ang panay ang tingin sa akin. Kinikilabutan ako! Yuck!” paliwanag ni Karen.
Nagalit na ang kanyang ama.
“Aba?! Sinong nagturo sa iyo ang manghamak ng ibang tao? At sino ang nagturo sa iyong manghusga nang dahil sa itsura? Anak, sinasabi ko sa’yo. Matuto kang makisama.” galit na sabi ni Mang Homer.
Tila nainis pa ang dalaga. Para sa kanya, hindi siya naiintindihan ng kanyang mga magulang. Nagpaalam na siya, sinabing matutulog at may pasok pa kinabukasan.
Lumipas ang ilang araw at ganoon pa rin ang asta ng dalaga.
Isang araw ay madilim na nang makalabas sa opisina ang dalaga, naglalakad siya pauwi dahil wala nang tricycle. Madilim na ang kalsada, kaya’t naisipan niyang kunin ang cellphone sa bag upang buksan ang flashlight. Laking gulat nito nang may biglang may umakbay sa kanyang lalaki.
Nanigas sa takot ang dalaga. Hindi niya mamukhaan ang lalaki dahil may takip ang mukha nito. Walang ibang tumatakbo sa isip niya kung hindi ang pagbibintang na isa ang lalaki sa mga kapitbahay niya. Natigilan siya nang magsalita ang lalaki.
“Holdap ito. Ibigay mo sa akin ang cellphone at wallet mo, kung hindi isasaksak ko sa tagiliran mo itong kutsilyo. Subukan mo ring sumigaw, sigurado ko sa’yo hindi ka makakauwi ng buhay.”pabulong na sinabi ng holdaper sa kanya.
Umiiyak na sa takot ang dalaga. Kinuha niya ang kanyang wallet at cellphone sa bag. Nasindak ng lubos ang babae nang biglang may malakas na bakal ang tila tumama sa matigas na bagay. At biglang tumumba at napahiga sa kalsada ang holdaper na nambiktima sa kanya.
Paglingon niya, nakita niya ang isa sa mga kapit bahay na sinusungitan niya. May dala itong tubo na gawa sa bakal na siyang inihampas nito sa kriminal. Agad na tumawag ng pulis ang dalawa.
Nang mahuli na ang holdaper, napag-alaman na isa pala ito sa mga nakatakas na bilanggo malapit sa kanilang lugar.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mang Homer at Aling Lorna sa lalaking tumulong sa kanilang anak.
Lumapit si Karen sa binata, at nagulat ang binata nang bigla siyang yakapin ng supladang babae.
“Maraming maraming salamat sa tulong mo!” umiiyak pa rin si Karen sa takot. Kung hindi dumating ang kapitbahay, malamang ay isa na siyang malamig na bangkay ngayon.
Magmula noon, natuto nang makisama at makipagkapwa tao si Karen. Hindi na rin siya nangmamata ng mga tao nang dahil lang sa panlabas na anyo ng mga ito.