Inday TrendingInday Trending
Ikinalat ng Dalaga sa Facebook ang Litrato ng Lalaking Di Nagpaupo sa Kanya sa LRT, Di Niya Akalaing Muli Silang Magkikita

Ikinalat ng Dalaga sa Facebook ang Litrato ng Lalaking Di Nagpaupo sa Kanya sa LRT, Di Niya Akalaing Muli Silang Magkikita

Kabadong gumising ang babaeng si Maricar dahil ngayon ang araw na pupunta siyang Makati para sa interview bilang sekretarya sa isang malaking kumpanya. Bago matulog ay inihanda na niya ang plantsadong blouse pati na rin ang resume na ipapasa.

Sumakay na ng LRT ang dalaga. Punuan na ang tren kaya’t naisip niyang sumakay sa parte kung saan pwede ang babae’t lalaki. Nagbabakasakali siyang may magpapaupo sa kanya.

Pagkasakay ay tinapatan niya ang isang binata na tahimik na nakaupo sa may dulo ng tren. Tahimik din niyang pinakikiramdaman ang lalaki at umaasang paupuin siya nito. Ngunit matapos makaraan ang tatlong istasyon ng tren ay nakaupo pa rin ang lalaki, at siya nama’y nakatayo pa rin sa harap nito. Ramdam niyang wala na siyang planong paupuin ng binata.

Sa inis ni Maricar ay kinuha niya ang kanyang cellphone at palihim na kinuhanan ng litrato ang lalaki. Agad niyang ipinost ito sa Facebook na may caption pang nanggagalaiti.

“Tingnan niyo itong lalaki na ito! Kapal ng mukha. Kaninang kanina pa ako nakatayo sa harap niya. Hanggang ngayon hindi ako pinapa-upo! Akala mo kung sinong umasta. Walang galang sa mga kababaihan! Hindi man lang maawa sa akin. Pasikatin natin ‘to!”

Nang makarating na sa bababaang istasyon, agad agad lumabas ang babae. Gigil na gigil pa rin siya sa lalaking hindi nagpaupo sa kanya. Nang marinig niya ang cellphone na tunog nang tunog. Napakarami na palang nag like at nag comment sa post niya.

May mga kumampi sa kanya. Ang sabi pa ng isa, “Ang kapal naman niyan!”

“Hindi na nahiya, kalalaking tao hindi man lang magpaupo ng babae!”

Pero mayroon ding mga kontra sa kanya. “Bakit, ate? Buntis ka ba? May kasama ka bang bata? Bakit ka naman pauupuin?”

Ang isa pa ay “Baka pagod iyang lalaki. Ano naman kung hindi ka paupuin? Senior ka ba?”

Lalo lamang nainis si Maricar. Nang maalala niya ang rason ng pagpunta niya doon. Agad agad siyang nagmadali dahil malapit na siyang ma-late sa interview na pupuntahan.

Nang makapasok sa building ay nakita niya ang halos sampung kakompetensiya sa posisyon na ina-apply-an. Lalong kinabahan ang dalaga dahil mukhang magagaling ang kasama.

Nagsimula na silang tawagin isa-isa. Dahil ang apelyido ng babae ay Sevilla, alam niyang mamaya pa siya tatawagin. Kaya para mawala kahit papaano ang kaba, nag check muna siya ng Facebook upang makita ang post niya.

Nagulat siya ng makitang sobrang trending na ng kanyang post. Naalala niya ang inis sa lalaking hindi nagpaupo sa kanya.

Maya’t maya pa ay tinawag na ang kanyang apelyido.

“Sevilla? Maricar Sevilla? You’re next. Come inside, please.” ang sabi ng babae sa kanya. Pagkapasok ay nakita niya ang malawak na kwarto ng CEO ng kumpanya. Iyon ang magiinterview sa kanya.

Binulungan siya ng babae, “Good luck ha. Saka wag mo masyadong istress-in si Sir. Mabait yan pero bagong opera ‘yan sa appendix niya, hindi pa makalakad ng maayos. Saka mainit din ulo niya dahil nag commute pa siya kanina papasok, yung driver kasi niya biglaang nag- resign.”

Kinabahan naman lalo si Maricar. Iniisip niya’y baka dahil sa init ng ulo ay hindi siya tanggapin nito sa trabaho.

Nakatalikod ang boss at nakatanaw sa binata nang lumakad si Maricar papalapit dito.

“Good morning, Sir. I am Maricar Sevilla, applying as your secretary.” pagbati ng dalaga sa nakatalikod na lalaki.

Halos makagat ng babae ang kanyang dila nang humarap ang lalaki. Laking gulat nito nang makita ang mukha ng kanyang kausap.

“Yes? I think I know you.” sagot ng binata. Namumukhaan ng binata ang babae.

Hindi na makasalita si Maricar.

“Ikaw ba iyong kasabay ko sa LRT kanina?” nakangiti na ang binata, nakatingin sa mga mata ng dalaga.

“Uh, yes sir! Ako nga po iyon.” nabuhayan ng loob ang dalaga. Umaasa siyang hindi pa nakikita ng lalaki ang pinost niya sa Facebook. Nasa isip niya’y pagkalabas ay buburahin na niya agad agad ang post.

“Tama. At ikaw rin ang nagpahiya sa akin online. Diba?” ika ng lalaki.

Nanginig ang tuhod ng babae. Parang gusto na niyang magpakain sa lupa dahil sa kahihiyan.

“Anyways, ituloy na natin ang interview. Let’s forget about what happened.” sabi ng binata. Nakahinga ng maluwag ang dalaga sa pag-iisip na wala lang iyon sa lalaki.

Nagpatuloy ang interview. Natapos ang kanilang tanungan, at sinabihang maghintay sa lobby.

Matapos ang ilang minuto, nilapitan siya ng isa sa mga tauhan nito.

“I’m sorry to say this, but you are not hired. Pasensiya na po, nabalitaan po kasi ng lahat ang nangyari.” nahihiyang sabi ng tauhan.

Nagulat si Maricar nang lumabas ang pinahiyang lalaki at sinabi sa kanyang, “Sa kompanyang ito, hindi namin kailangan ng mga taong walang pang-iintindi at bigla bigla ang mga ginagawa sa buhay. Lalo na ang mga taong masyadong mataas ang sarili, at walang alam sa salitang pagkakapantay- pantay. Good luck on your next job interviews. Makakaalis ka na.”

Hiyang hiya ang babae. Labis ang pagsisisi nito sa kanyang ginawa. Pagkauwing pagkauwi ay binura niya ang inilagay sa Facebook.

Natutunan ng dalaga at tamang kahulugan ng panghuhusga sa kapwa, at lalong mali na ipahiya pa ang iba para lamang makakakuha ng simpatya.

Advertisement