Walang Oras Sa Pagluluto ng Masusustansyang Pagkain ang Mag-asawa, Natauhan ang Mga Ito sa Sinapit ng Kaisa-Isang Anak
Nag- iisa lamang ang anak nina Rico at Michelle, ngunit dahil sa labis na pagtatrabaho ay wala na silang oras upang mapakain ng masusustansyang pagkain ang limang taong gulang na bata.
“Mama, ano pong ulam?”tanong ng kakagising lang na batang si Seth.
“Ay, wala pa nga pala. Nako, Rico! Magpadeliver ka na lang ng pizza. Marami pa akong kailangang tapusing trabaho.” utos ni Michelle.
Nang kinagabihan nama’y nagluto na lamang ang mag-asawa ng tocino at hotdog, sa pagmamadali dahil may pupuntahan pa silang mga kliyente.
Maganda na ang sinimulang business ng dalawa, kumikita na sila ng mahigit sa P100,000 kada buwan. At dahil wala nang sapat na oras upang makapagluto, panay na lamang ang order ng mga ito sa mga fast food restaurants.
Kapag may kaunting oras pa, nakakapagluto naman ang mag-asawa. Ngunit puro processed foods kagaya ng hotdog, tocino, at mga de-lata tulad ng tuna, corned beef, at mga instant noodles. Nasanay na ang batang si Seth sa mga kinakain kaya’t hindi ito nagrereklamo.
Isang araw ay dumalaw ang Lola ng bata, ina ni Rico.
“Ano ba naman itong kusina ninyo? Puro kayo mga ganitong pagkain. Hindi na ata nakakakain ng gulay at prutas ang apo ko. Anong sustansya na lang ang mayroon sa katawan nito?” nag-aalalang sabi ng matanda.
“Nako, Mama. Tingnan mo nga, ang bigat bigat ni Seth. Ang taba taba, tapos hindi naman nagkakasakit. Pinaiinom ko naman yan ng vitamins. Wala kaming oras para makapagluto. Dumarami ang kliyente namin.” mabilis na sagot ni Rico.
“Ganoon ba? Hihintayin niyo pa bang magkasakit? At hindi porket hindi payat ang anak ninyo e ibig sabihin malusog iyan.” sabi ng matanda, habang nakatingin sa apo na nagmemeryenda ng mga tsitsirya, french friesat soft drinks.
“Bahala na Mama, basta hindi naman namin pinababayaan si Seth,” sagot ni Michelle.
“Pinapaalalahanan ko lang kayo.” malungkot na sabi ng matanda.
Isang araw, nakita ni Michelle ang anak na tila masakit ang ulo at nahihilo.
“O, anak. Bakit? Anong problema?” tanong ng ina.
“Mommy, sakit po ng ulo ko. Pati po ng tiyan ko.”sagot ng bata, na namumutla na sa nararamdaman.
“Ganoon ba? Rico! Si Seth, mukhang magkakalagnat. Pwede bang dalhin mo muna sa ospital? May gagawin pa kasi ako para sa meeting natin bukas.” pakiusap ni Michelle kay Rico.
“May ginagawa pa ako e. Mahalaga ito. Magagalit si Sir Nick kapag hindi ito naipresent sa kanya bago mag alas sais.” sagot naman ni Rico.
Napagdesisyunan ng mag-asawa na hayaan na lang munang makapagpahinga ang anak. Tingin ng ina’y lalagnatin lang ang bata.
Umalis ang mag-asawa kinagabihan upang ipakita ang presentation sa isang kliyente. Naging matagumpay ang kanilang ginawang presentation, ngunit laking gulat nila sa kanilang nakita nang makauwi sa kanilang bahay.
“Seth? Seth!” sigaw ni Michelle nang makita ang anak na nakahiga sa kama ngunit puro suka ang gilid ng unan nito.
“Rico! Si Seth! Bilisan mo at istart mo na ang kotse. Dadalhin na natin siya sa pinakamalapit na ospital. Bilisan mo!” ang utos ng tarantang ina.
Mabilis namang nakarating ang mag-anak sa ospital. Idineretso sa emergency room ang bata dahil nahihirapan na ito sa paghinga.
Nang mahimasmasan ang anak, lumabas ang doktor na tumingin sa bata.
“Nasaan ho ang mga magulang ni Seth?” tanong ng doktor.
“Kami ho. Ano pong nangyari? Kamusta na po ang anak namin? Ayos na po ba siya?” takot na takot na tanong ng mag-asawa.
“Huwag na po kayong mag-alala, ayos na ang bata at maaari na rin kayong makauwi maya maya. Ngunit kailangan ho nating pag-usapan ang kalusugan ng anak ninyo.” sagot ng doktor.
Nagpunta ang tatlo sa opisina ng doktor, at doon sinimulan ang mga tanong.
“Tanong ko lang po, anong mga madalas na kinakain ng anak ninyo?” panimula ng doctor.
“Sapat na pagkain po. Kaya lang kadalasan umoorder lang naman ho kami sa labas.”agad na sagot ni Rico.
“Malakas po siyang kumain, at madalas ay masigla siyang bata. Wala naman pong problema sa kanya. Kaya gulat po kami nang magkaganyan siya ngayon.” dagdag pa ni Michelle.
“Ganito ho kasi iyan, ang isang bata kailangan niyan ng magandang nutrisyon. Araw araw, lumalaki sila. Kung ang pinapakain ninyo e puro fast food at processed foods, ano sa tingin ninyo ang mangyayari?” paliwanag ng doctor na nagpabalik-balik pa ang tingin sa kanilang dalawa.
Natahimik ang sila pareho.
“Busy lang ho sa trabaho.” pag amin ni Rico.
“Hindi dahilan ang trabaho. Kalusugan na ho ng anak ninyo ang nakasalalay dito. Nandito lang ho ako para magpaalala. Pero kung itutuloy ninyo ang mga gawi ninyo, ikinalulungkot kong sabihin pero hindi magiging maganda ang kalusugan ng anak ninyo.”
Natauhan ang mag-asawa. Magmula noon ay naglaan na sila ng oras upang mapakain ng tama ang anak. Palagi na nilang sinasamahan ng gulay at prutas ang kada plato na ibinibigay sa anak.
Natutunan nilang mas mahalaga sa trabaho ang kalusugan ng kanilang pinakamamahal na anak.