Marami ang Naiirita sa Lalaking “Bida-Bida” sa Kanilang Trabaho; May Magtangka Kayang Kilalanin at Pagsabihan Siya Mula sa Kanila?
Nakabusangot na naman ang mga kasamahan sa trabaho ni Chrezia nang pumasok sa opisina. Nakatingin ang mga ito sa kani-kanilang mga cellphone.
“Oh… anong nangyayari? Bakit sambakol na naman ang mga mukha ninyo?” usisa niya sa kanila.
“Hindi ka pa ba nagchecheck ng Messenger? Nakakairita na talaga yung favorite colleague natin. Ang bida talaga! Gumawa na naman siya ng group chat nating lahat. Tinalo pa niya ang supervisors natin ah. Ang ingay-ingay na naman niya. Siya na naman ang nagbibigay ng mga reminders na dapat ay trabaho ng mga supervisors natin!” bulalas ng isa nilang kasamahan.
Ang tinutukoy nilang kasamahan sa trabaho na mahilig gumawa ng mga group chats ay si Jeric, isang beki, na kinaiinisan nang marami sa opisina dahil sa “bida-bida” ito. Ang terminong bida-bida ay taguri nila sa mga kasamahang “makuda” o maraming sinasabi sa group chat upang magpasakit sa mga kasamahan.
Lagi rin nitong idinedetalye sa group chats kung ano na ang mga ginagawa nito, kung nasaang coffee shop siya, kung ano ang kinakain niya sa hapunan, at marami pang iba. Bagay na ikinaiirita na ng iba.
“Hindi ba nakakaramdam ang tao na ito na wala tayong pakialam sa mga sinasabi niya; na ginagawa natin ang mga trabaho natin, kaya hindi niya kailangang paalalahanan tayo?” turan naman ng isa.
“Kayo talaga, huwag na lang ninyong intindihin. Baka doon siya masaya sa ginagawa niya, so ibigay natin ang hilig,” saad naman ni Chrezia.
“Ayoko kasi talaga sa mga epal at pabibo eh. I mean, ok lang naman na maging mapagmalasakit, pero itong ginagawa niya kasi, pabida lang. Masabi lang na may ginagawa siya. Makakahanap din siya nang katapat niya,” turan naman ng isa nilang kasamahan.
Isang araw, nakasabay ni Chrezia sa meryenda si Jeric. Umupo ito sa kaniyang tabi dahil sila lamang noon ang nasa canteen.
“Hello Chrezia kumusta ka na? Alam mo, nahihilo ako kaninang umaga kaya kailangan kong kumain ngayon,” sabi nito.
Bagama’t hindi naman sila malapit sa isa’t isa, hinayaan na lamang ni Chrezia na magkuwento.
“Oh talaga? Bakit? Masama ba ang pakiramdam mo?” tanong nito.
“Hindi naman. Nahilo kasi ako sa pagcheck ng feature ng bago kong cellphone. Papalit-palit kasi ako ng phone. Kada buwan gusto ko bago ang gadgets ko eh. Alam mo ba, 40,000 lang ang bili ko rito. Doon na lang ako sa mura kasi alam ko namang papalitan ko rin naman ‘to. Hindi naman kaso sa akin ang pera…”
At tuloy-tuloy na ibinida ni Jeric ang mga bagay na kung tutuusin ay hindi na dapat sinasabi sa iba. Nakaramdam ng pagkairita at awkward na pakiramdam si Chrezia. Ang prinsipyo niya kasi, kapag hindi naman tinatanong, huwag sabihin.
“Jeric, excuse me lang ah… puwede ba ‘ko maging honest sa ‘yo?” maya-maya ay sansala ni Chrezia sa kaniyang katrabaho.
“Sure, sige…” tugon naman at pagpapahintulot ni Jeric.
“Aware ka ba na maraming nabubuwisit sa ‘yo rito sa workplace natin dahil sa pagiging bida-bida mo?”
Natameme naman si Jeric sa diretsahang pananalita ni Chrezia.
“Alam mo, unsolicited advice lang, iwasan mo ‘yang mga ganiyan mo kasi hindi nakakatuwa para sa iba na ayaw ng ganiyang karakter. Sa akin kasi kaya ko naman i-handle kahit paano. May mga bagay kasi na hindi na dapat sinasabi sa kapwa mo,” sabi ni Chrezia. At inisa-isa niya ang mga sinasabi ng kaniyang mga kasamahan kung bakit irita sila kay Jeric.
“Pakisabi na lang sa mga kasamahan na naiirita sa akin, hindi ko naman intensyong maging pabida sa harapan nila. Minsan kasi nakukulangan ako sa mga supervisors natin. Dapat sila na ang gumagawa ng mga reminders sa group chats natin, kasi iyon ang pinakamadaling paraan para makausap ang lahat,” paliwanag ni Jeric.
“Naiintindihan naman kita sa puntong iyan,” tugon naman ni Amelia.
“Saka, wala kasi akong kasama sa bahay. Sa buhay. Maaga akong naulila kaya independent talaga ako. Sanay akong naghahanap ng pansin, para maramdaman ko namang may nagpapahalaga sa akin. Wala na nga akong kasama sa bahay, tahimik pa ako? Saan na lang pupulutin ang buhay ko? Kaya nag-iingay ako… paraan ko iyon para mapanatili ko ang katinuan ko. Iniisip ko kasi na para ko na kayong pamilya,” paliwanag ni Jeric.
Nabagbag naman ang damdamin ni Chrezia kay Jeric. Mahirap nga naman ang sitwasyon nito.
Simula noon, naging magkaibigan na sina Jeric at Chrezia. Nalimitahan na rin ang pagpapabida ni Jeric sa mga group chats. Kapag may pumupula o naiinis na mga kasamahan, si Chrezia na mismo ang nagtatanggol dito. Tunay ngang hindi dapat husgahan ang isang tao; kailangang kilalanin muna ito.