Isang text message ang bumungad sa aantok-antok pang si Clifford, 35 taong gulang, binata, at isang matagumpay na financial advisor ng isang malaking insurance company sa bansa.
Anak, umuwi ka na muna rito sa Ilocos. Mahina na ang tatay mo. May sakit siya.
Nagmula ito sa pinakamamahal niyang ina, si Rowena. Sinulyapan ni Clifford ang relong pambisig. 5:00 ng madaling-araw. Miyerkules ngayon, at marami pa naman silang kliyente na dapat asikasuhin. Hangga’t maaari, ayaw niyang lumiban, nagbabakasyon, o nawawala sa opisina. Target niyang ma-promote bilang area manager kaya nagsusumikap siyang pag-igihin ang trabaho upang may mapatunayan pa sa kanyang mga magulang.
Matapos makapagpaalam at payagan naman ng kanyang manager, inihanda ni Clifford ang kanyang mga gamit. Maingat niyang tinupi ang mga damit, ang mga sapatos, at ilang mga personal na gamit na kakailanganin niya sa mahaba-habang pananatili at pagbabalik sa Ilocos. Isinilid ang mga ito sa maleta.
Lumaking sanay na tumayo sa mga sariling paa si Clifford, gayundin ang kanyang mga kapatid na sina Rachelle at Olga, na may sari-sarili ng pamilya, at matatagumpay na rin sa negosyo at trabaho.Naninirahan siya ngayon sa isang condominium sa Ortigas kung saan naroon ang kanyang trabaho. Agad siyang bumyahe patungong terminal ng provincial bus patungong Candon.
Isang retiradong sundalo ang kanilang ama. Si Mang Gerilliado, o mas kilala sa tawag na Ka Gerry. Habang nasa pamprohinsiyang bus si Clifford, binalikan niya ang gunita ng nakalipas. Natatandaan niya, napakahigpit na magulang ng kanilang ama. Alas kuwatro pa lamang ng umaga, kailangang gising na ang lahat. Alas singko, kailangang nakabihis na ng uniporme at sabay-sabay na kakain sa komedor batay sa pagkakaayos ng upuan. Uupo ito sa kabisera ng mesa, katabi sa kanan ang kanilang nanay, at silang magkakapatid.
Bawal malaglagan ng pagkain sa pinggan, kahit isang pirasong mumo pa ito. Bawal din magkalatugan ang mga kubyertos. Tahimik dapat kapag ngumunguya. Magsasalita lamang kapag kinakausap. Kailangan ding may isa sa kanila ang magliligpit ng kinainan, at maghuhugas nito kaagad.
May curfew din sila sa pag-uwi. Bago mag-alas sais ng gabi, kailangang nsa bahay na ang lahat. Alas siyete, kailangang nakakain na, at alas otso, kailangang tulog na ang lahat. Ito ang kinaugaliang pamamaraan na kanilang nakasanayan. Labis kung magparusa ang kanilang ama.
Naranasan nilang magkakapatid na mapaluhod sa isang batya na punumpuno ng munggo, asin, o kaya’y patalunin sa loob ng isang oras, kapag may nagagawa silang munting pagkakamali. Kapag natuwa naman ang kanilang ama, todo rin ang ibinibigay sa kanilang gantimpala, lalo na kapag sila ay may parangal sa eskwela.
Matipid magsalita ang kanilang ama. Subalit kapag nagsalita na ito, tumitiklop na sila. Lagi itong seryoso, mukhang istrikto, at hindi mabibiro. Subalit ni minsan ay hindi nila nakitang nagalit o pinagbuhatan nito ng kamay ang kanilang ina. Maayos din nitong nasusuportahan ang kanilang mga pangangailangan at pag-aaral.
Hindi nito ibinibigay ang kanilang mga kapritso. Nang mauso ang family computer, sinubukan niyang humingi ng permiso sa kanilang ina na bilhan sila nito. Sabi naman nito, kailangan munang ikonsulta sa kanilang ama. Katakot-takot na sermon ang natikman nila rito. Sa huli, kailangan daw nilang paghirapan ang pambili ng family computer. Siya ang pinaglinis ng buong kabahayan sa loob ng isang buwan. Matapos nito, saka siya binilhan ng family computer.
Kung patatagan ng ugali at prinsipyo ang pag-uusapan, nasa unahan yata ng pila ang kanilang ama. Ayaw nito sa utang. Hindi ito umuutang at ayaw nitong nagpapautang. Kahit sa mga kamag-anak nito, bago niya tulungan sa aspetong pinansyal, kailangan munang paghirapan. Hindi rin ito nagpapapunta ng kahit na sinong bisita sa kanilang tahanan. Para sa kanya, ang tahanan ay isang personal at pribadong balwarte ng isang mag-anak.
Natatandaan niya, dahil sa labis na higpit ng kanilang ama, kaya maagang nag-asawa ang kanilang Ate Rachelle. Agad itong bumukod ng tirahan, dahil sabi nga ng kanilang ama, kapag may mga asawa na sila, kailangan nilang umalis sa poder nito. Sumunod naman ang kanyang Ate Olga, Siya na lamang ang naiwang walang asawa.
Matapos ang halos 10 oras na byahe, nakarating na rin sa Barangay Bagar sa Candon, Ilocos Sur si Clifford. Malaki na ang pinagbago ng kanilang barangay. Tahimik pa rin naman, subalit mga gawa na sa semento at kadalasang may ikalawa o ikatlong palapag na ang mga bahay. Parang nasa Maynila ka na rin.
“Anak, Clifford, buti naman at nandiyan ka na,” bungad ng kanilang ina. Sinbalubong siya nito ng yakap at halik.
“Ano bang nangyari kay Tatay, Nay?”
Ang alam niya, rayuma lamang ang iniinda ng kanyang ama. Malakas pa ito sa kalabaw.
“Mamaya mo malalaman. Kapag dumating na ang mga ate mo.”
Hindi pa man natatapos ang kanyang ina, isang malaking van ang pumarada sa tapat ng kanilang bahay. Sina Rachelle at Olga, kasama ang kanilang mga anak. Kasama ni Olga ang asawa. Ang asawa naman ni Rachelle ay nasa ibang bansa raw.
“Si Tatay? Ano bang nangyari? May sakit ba siya?”
Hindi sumagot ang kanilang ina. Maya-maya, lumabas sa silid nito ang kanilang ama. Parang wala namang iniindang sakit! Nagsilapit ang mga apo nito kina Rowena at Olda, nagmano at humalik. Sumunod naman silang tatlong magkakapatid. Pinaupo sila ng kanilang ama sa sofa.
“Ano pong sakit n’yo, Tatay? Nagpacheck-up na po ba kayo?” untag ni Rowena.
“Wala akong sakit. Lalong hindi pa ako nanghihina.” Matiim na sagot ni Ka Gerry.
At kung titingnan nga ang matikas pa ring pagkakaupo ni Ka Gerry sa likmuan nito, tila ngang wala itong nararamdamang kakaiba sa kalusugan.
“Eh bakit ho kayo nag-text sa amin na nanghihina na kayo? Na may sakit kayo? Hindi n’yo ba alam na kabang-kaba ako kanina pa’t halos himatayin na sa pag-aalala? Isinama ko pa ang mga bata rito. Umabsent tuloy sa klase. Ako rin, kailangan ako sa restaurant, para lang makapunta rito.” Galit na sabi ni Rowena.
“Ako rin, may meeting nga kami ngayon, pero hindi ako umattend dahil sa text n’yo. Niloloko n’yo ho ba kami? Mahalaga ho ang oras diba? Iyan po ang turo n’yo sa amin. So ano po ito?,” segunda naman ni Olga.
“Mga anak, huwag naman kayong ganyan sa amin ng tatay n’yo,” sansala ng kanilang ina. Sumingit agad si Clifford.
“Eh bakit nga ho kasi kayo nagtext ng madaling-araw sa amin, pinapunta n’yo kami rito ng alanganing oras para lang—”
Hindi na natapos ang sasabihin ni Clifford nang magsalita na ang kanilang ama.
“Gusto ko lang kayong makita. Nami-miss ko kayo.”
Natahimik ang tatlong magkakapatid.
“Masama ba kung gusto kong makasama ang mga anak ko, at ang mga apo ko? Simula nang magkaroon kayo ng kanya-kanyang buhay, hindi na kayo dumalaw rito. Matanda na kami ng nanay n’yo. Kung hindi ko pa naisip na ipasabi sa inyo na may sakit ako, hindi pa kayo uuwi.”
May garalgal sa tinig ng kanilang istriktong ama. Ngayon lamang nilang narinig ang mga gayong pahayag sa itinuturing nilang leon ng pamilya. Ang mabalasik na leon, ngayon ay mistulang tupa sa kanilang harapan!
“Patawarin n’yo ako mga anak kung may pagkukulang man ako sa inyo noong mga bata pa kayo. Kapakanan n’yo lang ang aking iniisip kaya naging mahigpit ako sa inyo. Tingnan n’yo naman ang mga nangyari sa buhay n’yo. Naging matagumpay kayo sa buhay.”
“Tay, hindi po kami galit sa inyo,” lumuluhang sabi ni Rowena. “Aaminin ko po, kaya ako nag-asawa ng maaga para makatakas mula sa inyo. Pero maniwala po kayo, hindi po kami galit. Sino po kami para magalit? Isa po kayong mabuting ama sa amin.”
Tumayo sina Rowena at Olga at yumakap sa kanilang ama’t ina. Sumunod na rin si Clifford. Maya-maya, nagsisunuran ang mga anak nina Rowena at Olga at nakiyakap na rin. Nagkatawanan sila, ang pinakamalakas na tawanan na naganap sa kanilang pamilya. Minabuti nilang sulitin ang pagkakataon at ang kanilang vacation leave upang makasama pa ang kanilang mga magulang, lalo na ang kanilang istriktong tatay.
Nang papauwi at pabalik na ang tatlong magkakapatid, palihim silang nag-usap-usap. Napagkasunduan nilang babawi sila sa kanilang mga magulang, at madalas na silang dadalawin, kahit walang okasyon.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.