Inday TrendingInday Trending
Ang Mala-gayumang Pabango ni Editha

Ang Mala-gayumang Pabango ni Editha

“Goodbye!”

Isang halik sa pisngi at kindat, nagpaalam na si Editha, 30 na taong gulang at maposturang babae, sa kanyang ka-date na isang mayamang negosyante na nakilala niya sa isang pagdiriwang. Inihatid siya nito pauwi dahil may mamahalin naman itong kotse. Bago ito umalis, iwinasiwas pa nito ang kanang kamay bilang tanda ng pamamaalam. At parang ginagawa ng isang tinedyer, nag-flying kiss pa ito, na tinugon naman ni Editha; kunwaring kinuha ang lumipad na halik at ipinadapo sa kanyang mga labi.

“Hoy Editha! Para kang nagmumurang-kamatis diyan! Pumasok ka na nga rito sa loob ng bahay at baka may makakita pa sa iyo! Kahiya-hiya!” saway ng kanyang inang si Aling Medring.

Nagmano muna si Editha sa kanyang ina bago pumasok sa loob ng kanilang bungalow-type na bahay. Pasalampak na inihiga ang sarili sa sofa habang tinatanggal ang mga sapatos gamit ang mga daliri ng kanyang mga paa.

“Baka akala mo Editha, binibilang ko ang mga damuhong naghahatid sa iyo rito araw-araw. Aba, sa loob yata ng isang linggo ay tatlo o apat. Baka mabuko ka ng isa sa mga iyan,” paalala ni Aling Medring.

“Nay, pagbigyan n’yo na ho ako. Minsanan lamang ito. Ineenjoy ko lamang po. Hayaan n’yo silang mahumaling sa aking halimuyak,” natatawang saad ng babae.

Napamulagat si Aling Medring at napaantanda. Hindi siya makapaniwala sa ganoong pananaw ng kanyang anak, na malapit nang matawag na “matandang dalaga”.

“Kanina, may mga umoorder ng pabango rito, at gusto nila yung ginagamit mo,” pag-iiba ng usapan ng ina.

“Naku ‘Nay, kapag bumalik sila, pakisabi na hindi ko ibinebenta yung ginagamit ko. Ako lang ang pwedeng gumamit no’n.”

Gumagawa ng sariling pabango si Editha. Dati siyang nagtatrabaho sa pagawaan ng mga pabango sa France, at nang makaipon, bumalik sa Pilipinas upang magtayo ng sariling negosyo ng pabango. Madali namang maubos ang kanyang mga pabango na ibinebenta niya sa pamamagitan ng online selling.

Subalit ang pinakaespesyal na ginawa ni Editha, ay ang “Gayuma” na tanging siya lamang ang gumagamit. Kaya gayuma ang itinawag niya rito, dahil simula nang gamitin niya ito, halos nahuhumaling sa kanya ang mga lalaking nakakaamoy nito. Hindi lumalagpas ang araw ni Editha na walang makikipagkilala sa kanyang lalaki “in all walks of life.” Mula sa simpleng karpintero hanggang sa CEO, talagang humaling na humaling sa kakaibang halimuyak ni Editha. Kahit ang mga t*mboy ay napapalingon at nagtatangkang makipagkilala sa kanya.

Sa dami ng mga gustong makipagmabutihan kay Editha, tatlo lamang ang pinaunlakan niyang mailabas at mai-date siya. Ang una ay si Chris, 25 taong gulang, na isang gwapong dance instructor. Tatlong beses silang lumabas, hanggang sa ayain siya nito sa “biglang liko.” Papayag na sana siya, kaya lang, napag-alaman niyang baon ito sa utang, at talagang naghahanap lamang ito ng magiging sugar mommy.

Ikalawa naman ay si Mario, kaedad niya, na isang dekano sa isang sikat na pamantasan sa Maynila. Subalit hindi niya natagalan ang pakikipag-date dito dahil masyadong “akademiko” ang mga namumutawi sa bibig nito. Hindi niya masakyan. Hindi niya maunawaan.

At ang huli nga ay si Nestor, na 50 taong gulang na negosyante. Medyo napapanot na ang bumbunan, pero bawi naman sa kapal ng bulsa at pitaka. Annulled na raw ito sa kanyang asawa, at ang mga anak ay nasa ibang bansa na’t may sari-sarili ng pamilya. Naisip ni Editha, kung pipili rin lamang siya ng makakasama sa buhay, eh yung may sinasabi na, at makakatulong sa kanya upang mapalago ang kanyang negosyong pabango.

Matapos ang mga ritwal bago matulog, pinagmasdan ni Editha ang kanyang sarili sa salamin. Maganda pa rin naman siya. Seksi. Sariwa. Minsan nga, nagugulat pa ang mga lalaki kapag sinasabi niyang 30 gulang na siya. Mukha lamang daw siyang nasa 24 o 25. Mga bolero, makaiskor lang, naiisip ni Editha.

Kinuha niya ang 350ml na pabango na kanyang ginagamit, at nagwisik ng bahagya sa kanyang katawan. Kakaiba talaga ang halimuyak nito. Para sa kanya, swerte ang pabango na iyon sa kanya, kaya tipid na tipid siya sa paggamit nito.

Kinabukasan, muling nag-aya ng date si Nestor. Reserved na raw sila sa isang mamahaling restaurant. Susunduin siya nito sa ganap na alas siyete ng gabi. Excited si Editha. Matapos magbihis, inilabas niya ang bagong biling pulang bag. Nang maisukbit niya ito sa balikat, napaisip si Editha. Hindi ba masyadong pula? Hindi ba ako mukhang kerida? Napanood kasi niya sa isang pelikula na ang kulay pulang bag daw ay “bag ng mga kabit”. At syempre, hindi mawawala ang pagwisik ng pabango niyang “Gayuma”.

Sa kotse pa lamang ay nagtatawanan at masaya ang pag-uusap nina Nestor at Editha. Magkahawak pa ang kanilang mga kamay.

“I like your scent, Editha. Parang ikaw. Mamahalin. Espesyal,” papuri ni Nestor kay Editha.

“Thanks, Nestor. I’m flattered,” namumungay pa ang mga matang tugon naman ni Editha.

Masuyo pa siya nitong inalalayan pagkababa sa kotse, at sa pagtungo nila sa kanilang reserbadong mesa sa loob ng first class na restaurant.

Nagpaalam siya saglit upang magtungo sa powder room. Saglit siyang nag-retouch. Nang magwiwisik na siya ng kanyang pabango, napansin niyang wala ito sa kanyang bag. Hinalungkat niya ang loob ng shoulder bag, subalit wala talaga. Baka naiwanan ko, hayaan mo na nga, usal ni Editha.

Pagkabukas niya sa pinto ng powder room, isang babae ang humarang sa kanya. Nagulat na lamang siya nang sampalin siya nito ng ubod-lakas!

“Hello, kabit. Ako lang naman ang legal wife ni Nestor.”

Napamaang si Editha. Isang sopistikadang ginang ang kaharap niya ngayon. Sa likod nito ay ang umaawat na si Nestor. Nakatingin na sa kanila ang mga tao, gayundin ang mga waiter.

“A-akala ko annulled na kayo?”

Humalakhak ang ginang. “How stupid this woman! Iyan ba ang sinabi niya sa iyo? I just had my trip to Maldives with my amigas. Hindi kami naghiwalay, hindi kami legally separated, at lalong hindi kami annulled!”

Nagitla si Editha sa rebelasyon ng ginang.

“Stop this Nemesia!”

“No, you stop Nestor! Napakawalanghiya mo! Ibinigay ko sa iyo ang lahat, pati ang pamamahala sa mga negosyo ni Papa, pero ito lang ang igaganti mo sa akin? Hindi n’yo mabibilog ang ulo ko. For your information, kaibigan ko ang may-ari ng restaurant na ito. Nang malaman niya na nagpareserve ka rito, tinawagan niya ako para pasalamatan. Akala niya, ako ang isasama mo rito,” paliwanag ng ginang.

“I’m sorry honey…”

“I don’t need your explanation, Nestor. Saglit lang akong nawala? The damage has been done. Kung press release mo na annulled na tayo, pwes, we will make it happen!” Galit na galit na sabi ni Nemesia. Pagkaraa’y humarap ito kay Editha.

“At ikaw na malanding babae, patatawarin kita ngayon dahil pwedeng nabiktima ka lang ng aking mahusay na asawa. Kapag nakita ko ulit ang pagmumukha mo, at naamoy ko ang masangsang mong amoy, I’ll promise, manghihiram ka ng mukha sa aso!”

Nahintakutan si Editha, at halos lumubog sa kanyang kinatatayuan. Nagtatakbo siya palabas ng restaurant at pinara ang unang taxi na kanyang nakita. Hindi niya alam kung paano siya nakauwi dahil tigmak ng luha ang kanyang mukha dahil sa natamong kahihiyan.

Pagkauwi sa bahay, mabuti na lamang at tulog na si Aling Medring. Dumiretso siya agad sa kwarto at ibinagsak ang sarili sa kama. Hinding hindi na mangyayari ito kahit na kailan!

Mula noon, hindi na ginamit ni Editha ang kanyang pabangong “Gayuma”. Ibinigay niya ang kanyang oras sa paggawa at pagbebenta ng mga pabango, gayundin sa pag-aalaga sa kanyang matandang ina. Isang aral ang naiwan sa kanya. Huwag paglaruan ang pag-ibig at pakikipagrelasyon, dahil baka ang pag-ibig ang siyang “maglaro” sa iyo sa darating na takdang panahon. Kinalimutan niya ang “bangungot” na karanasan na iyon at muling nagpatuloy sa buhay.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement