Pinagtawanan ng Dalaga ang Katrabahong Palaging Fishball at Kikiam Ang Ulam, Ninais Niyang Lumubog sa Lupa nang Malaman ang Pinag-ipunan Nito

“O, Jasper, bakit nag-iisa ka na naman dito? Siguro masarap ang ulam mo, ‘no?” bati ni Ele sa kaniyang katrabaho, isang araw habang naghahanap sila nang makakainan ng kaniyang kaibigan.

“Naku, hindi, ito nga lang, o,” sagot ni Jasper saka ipinakita sa kanila ang pagkaing nasa lamesa at hinigop ang libreng sabaw dito.

“Kikiam at fishball na naman?” tawang-tawang sambit niya saka naupo sa tabi ng binata, dahil sa kaniyang ingay, nagtinginan ang ibang mga empleyadong kumakain. 

“Ah, eh, oo, binili ko d’yan sa labas,” kamot-ulong tugon ng binata, bakas sa kaniyang mukha ang kahihiyan.

“Ano ka ba naman, Jasper! Saan mo ba ginagastos ang sweldo mo, ha? Nakakatawang nakakawa ka naman! Mas masarap pa kinakain ng aso ko sa pagkain mo ngayon, eh,” sambit niya pa dito habang tatawa-tawa.

“Hoy, Ele, kumain ka na d’yan! Dalian mo na, kailangan na nating matapos lahat ng dokumento sa opisina,” saway sa kaniya ng kaniyang kaibigan nang mapansing hindi na natutuwa ang kanilang katrabaho.

“Totoo naman, eh,” habol pa niya saka nagsimula nang kumain, bahagya pa rin siyang natatawa habang sumusubo ng pagkain ang binata dahilan upang layasan sila nito, “Asar talo!” sigaw niya pa saka humalakhak nang tawa.

Halos tatlong taon nang nagtatrabaho ang dalagang si Ele sa isang sikat na kumpanya ng mga damit. Sa tagal ng pagtatrabaho niya rito, marami na siyang nakasalamuhang tao at halos lahat ng mga ito’y may lihim na galit sa kaniya.

Advertisement

Sa katunayan pa nga, muntikan na siyang matanggal sa trabaho noong nakaraang taon dahil siniraan siya ng isa niyang katrabaho sa mga nakakataas. Palagi niya kasi itong tinutuksong mabaho dahilan upang palaging pagtawanan ng mga kapwa nila empleyado at iyon ang naging mitsa upang siraan siya nito.

Palakaibigan naman talaga siya kaya lang kung minsan, sumosobra na ang kaniyang mga biro dahilan upang kainisan siya ng karamihan. Maswerte na nga siyang may isa siyang malapit na kaibigan na kahit anong biro niya, hindi siya iniiwan. 

Ngunit tila naubusan din ito ng pasensya nang pagtawanan niya ang isa nilang katrabahong halos araw-araw, kikiam at fishball ang inuulam sa tanghalian dahilan upang sigawan siya nito at pangaralan pagkaalis ng naturang binata. Umirap lamang siya bilang tugon sa pangaral ng kaibigan saka bumalik na sa kaniyang trabaho.

Matapos ang araw na ‘yon, hindi na niya nakita pa ang binatang kaniyang pinagtawanan. Palagi niya itong hinahanap tuwing sasapit ang pananghalian. Ika niya, “Sayang, wala na naman akong mapagtatawanan! Sarap pa namang asarin no’n, pikon at umaalis bigla,” saka humalakhak.

“Ano na namang iniisip mo d’yan? Para kang timang, natawa mag-isa,” sambit ng kaniyang kaibigan.

“Naalala ko lang kasi si Jasper, sayang, hindi ko na siya makita, mukhang nagtatago sa akin ‘yon,” natatawa niyang sagot saka luminga-linga.

“Naku, kung ako sa’yo, tigilan mo na si Jasper at kumain na lang tayo doon sa bagong bukas na restawran d’yan sa may kanto! Mukhang masasarap ang pagkain doon, eh,” yaya ng kaniyang kaibigan.

“May kikiam at fishball ba doon? Baka nandoon si Jasper!” biro niya pa saka tumawa nang napakalakas. 

Advertisement

“Wala! Tumigil ka na nga kakatukso doon, kawawa na nga yung tao, eh! Halika na!” inis na saad ng kaniyang kaibigan saka siya hinila paalis ng kanilang kantin.

Halos malaglag ang kaniyang panga nang makita ang bagong bukas na restawran. Bukod sa mura ang mga pagkain dito, maganda pa ang disenyo nito dahilan upang tanungin niya ang isang serbidor kung sino ang may-ari nito.

“Si Sir Jasper Macaraig po. Balita ko po d’yan po siya nagtrabaho sa kabilang kanto habang inaayos ‘to. Baka kilala niya po siya,” nakangiting tugon nito, halos manigas naman siya sa kaniyang kinauupuan dahil sa mga narinig.

Kahit hindi makapaniwala, nagmadali siyang kumain. Ika niya, “Nakakahiya kung makikita niya akong kumakain dito, Diyos ko!”

Ngunit bago pa man siya matapos, naupo na ito sa kanilang lamesa at nangamusta. Halos hindi niya maharap ang naturang binata. Pangiti-ngiti lang siya sa gilid habang kinakausap ito ng kaniyang kaibigan ngunit sa loob-loob niya, nais na niyang magpakain sa lupa.

Lalo pa siyang nakaramdam ng kahihiyan nang humingi ng tawad ang kaniyang kaibigan dahil sa ginawa niyang pamamahiya noon.

“Naku, wala ‘yon, nakakatawa naman kasi talaga kung gaano ako katipid noon, pero kita niyo naman, nagbunga ang pagtitipid ko,” sambit pa nito saka siya kinindatan.

Hindi na niya sinayang ang oportunidad na iyon upang humingi ng tawad sa binata. Labis ang pagsisising kaniyang nararamdaman. Ika niya, “Ngayon, ako ang katawa-tawa, masarap nga ang pagkain ko, wala naman akong ganito kagandang restawran,” dahilan upang tapik-tapikin siya nito bilang tanda ng pagpapatawad.

Advertisement

Simula noon, unti-unting nagbago ang dalagang si Ele. Bukod sa naging maingat na siya sa mga birong lumalabas sa kaniyang bibig, ginawa niyang inspirasyon ang katrabahong si Jasper upang maging matipid at pasukin ang mundo ng pagnenegosyo.

“Siguro nga, mas mabuting maghirap ako ngayon, kaysa maghirap ako sa hinaharap. Kung dati pa ako nagtipid at nag-ipon, siguro may sarili na rin akong restawran,” ika niya saka siya nangako sa sariling isang araw, magiging matagumpay din siya sa buhay.

Hindi man ngayon, naniniwala siyang dadating ang oras ng kaniyang tagumpay. Lalo na’t unti-unti nang dumadami ang kaniyang mga kaibigan dahil sa ugaling pinapakita niya ngayon.

Likas talaga sa atin ang pagiging mapagbiro, ngunit ingat lang, dahil baka ang iyong binibiro, isa palang taong piniling maghirap muna sa ngayon upang malasap ang tagumpay ng hinaharap.