
Pinaalis ng Babae ang Kambal na Nagtitinda ng Banana Cue sa Harap ng Bahay Niya; Laking Gulat Niya Nang Muling Magpakita ang mga Ito
Tuwang-tuwa si Nadia dahil nanalo siya sa lotto. Tumataginting na limampung milyong piso ang napasakamay niya. Ang dating isang kahig isang tuka ay biglang yaman na, ngunit sadya talagang pinagbabago ng salapi ang pag-uugali ng tao gaya niya na tinubuan ng kayabangan sa katawan nang makatikim ng mariwasang buhay.
Grabe kung magmataas ng noo ang babae sa mga kapitbahay niyang dukha. Sa isip niya ay napakamalas ng mga ito dahil mahihirap pa rin ‘di tulad niya na milyonarya na.
Nang magkaroon ng maraming pera ay pinatigil na niya sa pagtatrabaho bilang construction worker ang asawa niyang si Milo, hindi na raw nito kailangang magtrabaho pa dahil limpak-limpak na ang kuwarta nila at hindi basta-basta mauubos. Ipinagiba niya ang maliit nilang barung-barong at nagpatayo ng bahay na bato. Malaki iyon, maganda, mala-palasyo. Bukod doon ay bumili rin siya ng mga mamahaling sasakyan at kumuha ng mga katulong. Mas lalo niyang ininggit ang mga kapitbahay.
“Iba na talaga kapag mayaman, kumportable na ang tinitirhang bahay, masarap ang mga kinakain, nakakapagmaneho ng mamahaling kotse at pinagsisilbihan ng mga muchacha ‘di tulad ng iba riyan, mahihirap pa sa daga at hanggang ngayon ay mga hampaslupa pa rin,” pagpaparinig niya habang nasa balkunahe ng malaki niyang bahay.
Pinagbubulungan tuloy siya ng mga ito.
“Nakatikim lang ng maraming pera itong si Nadia, akala mo’y kung sino na? Ni hindi rin naman nakatapos ng pag-aaral ‘yan at hamak lang na tindera ng singkamas sa palengke. Galing din naman sa lusak, akala mo kung sinong magmataas!” wika ni Aling Linda.
“Kaya nga eh, parang hindi rin nagmula sa hirap ang gag*. Tumama lang sa lotto naging matapobre na. Nag-iiba talaga ang kulay ng tao kapag nakahawak ng salapi,” sabad naman ni Aling Trining.
Kahit alam na pinagtsitsismisan siya ng dalawang ale ay ipinagkibit-balikat lang iyon ni Nadia. Inggit lang kasi ang mga ito sa kanya.
“Tingnan mo ang mga tsismosa nating kapitbahay, anak. Ang laki ng inggit ng mga ‘yan sa atin dahi mayaman na tayo, samantalang sila ay mga pobre pa rin. Kaya ikaw, napakasuwerte mo na kami ng papa mo ang mga magulang mo kundi ay magagaya ka sa mga ‘yan,” sabi niya sa siyam na taong gulang na anak na si Jenny. “Teka, nasaan ba ang papa mo, parang hindi ko napagkikita rito sa bahay?” tanong pa niya.
“Nagpaalam po, magka-casino raw po kasama ‘yung mga bago niyang amigo. Magpaparami raw po ng pera,” tugon ng bata.
Napangiti si Nadia.
“Ganoon ba? Hayaan mo ang papa mong mag-casino para kapag nanalo siya’y mas dumami pa ang pera natin, mas lalo tayong magiging mayaman para mas lalo pa tayong kainggitan,” aniya.
Maya-maya ay napansin ni Nadia ang kapitbahay niyang kambal na sina Mikaela at Mylene na parating.
“O, gaya ng mga ‘yan. Laking suwerte mo naman sa dalawang ‘yan na mga ulila na nga, dukha pa. Mga hindi nakapag-aral kaya pagtitinda lang ng banana cue ang alam,” sambit pa niya.
Tahimik lang naman na nakatingin ang anak.
Nang sumapit ang tanghali. Galit na galit at sumigaw na dumungaw sa balkunahe ang ginang. Gigil na gigil siya sa kambal niyang kapitbahay dahil sa malakas ang boses ng mga ito habang nagtitinda sa harap ng bahay niya. Doon kasi nakapuwesto ang magkapatid.
“Hoy, mga buwisit na kambal!”
Napalingon naman sa kanya ang magkapatid na napahinto sa pagsigaw.
“Magsitigil nga kayo! Ang ingay ninyo! Hindi makatulog ang anak kong si Jenny sa malakas niyong boses! Baka gusto ninyong ipa-barangay ko kayo!” aniya sa malakas ding boses.
“Pasensya na po, Aling Nadia. Nilalakasan po namin ang boses para makatawag ng mga mamimili. Hindi po namin intensyong maka-istorbo,” sagot ni Mylene.
“Eh, bakit hindi niyo na lang ilako yang mga paninda ninyo para hindi kayo nakakaperhuwisyo!”
“Gustuhin man po namin ngunit hindi po maaaring mapagod ang kapatid kong si Mylene sa paglalakad. Mahina po kasi ang puso niya at madaling makaramdam ng pagkahapo kapag naglalakad kaya dito na lamang po kami nagbebenta. Pinayagan naman po kami ni Aling Lorna na dito kami magtinda sa labas ng bahay niya,” paliwanag naman ni Mikaela.
Ang totoo, gusto ni Mikaela na huwag nang isama ang kapatid sa pagtitinda ngunit mapilit ito at ayaw magpaiwan sa kanilang tinitirhang barung-barong dahil naiinip.
Kahit narinig ng ginang ang dahilan ng kambal ay wala siyang paki, sa halip ay mas lalo pa niyang hinamak ang dalawang dalagita.
“Tigilan niyo nga ako! Akala ba ninyo ay madadala ako sa paawa epek ninyo? Kasalanan ng mga tamad ninyong magulang kung bakit naging ganyan ang buhay ninyo. Nabuhay silang mahirap at namat*y pa ring mahirap, mga mangmang kasi kaya walang pinatunguhan ang mga buhay, Laking malas niyong magkapatid at sila ang mga magulang ninyo!” matalim na salitang sabi ni Nadia. Ang lakas ng loob ng ginang na kahit na siya man mismo ay hindi rin naman nakatapos sa pag-aaral.
Kahit sobrang nasaktan ay hindi pinatulan ng magkapatid ang ale. May paggalang pa rin sila rito.
Ngunit hindi pa rin nakuntento si Nadia, matapos ang insidenteng iyon ay inireklamo niya sa barangay ang kambal. Nakaka-istorbo lang daw ang ingay ng mga ito habang nagtitinda. Dahil malakas siya sa kapitan ay pinagbigyan ang hiling niya. Pinagbawalan na ang magkapatid na magtinda sa harap ng bahay ng ginang. Walang nagawa ang dalawang dalagita kundi ang lumipat ng ibang puwesto. Sayang, malakas pa naman ang puwestong iyon kung saan malapit sa simbahan, sa palengke at paradahan ng traysikel kung saan maraming mamimili.
Makalipas ang maraming taon
“Jenny, ikuha mo nga ako ng isang basong tubig. Pakitingnan mo rin ‘yung niluluto mong tuyo at baka masunog,” sabi ng may edad nang si Nadia.
Naging masaklap ang hagupit ng karma sa buhay nilang mag-anak. Naubos ang napanalunan niyang pera sa lotto dahil nalulong sa sugal ang asawang si Milo na hindi matanggap ang nangyari hanggang sa nagkasakit nang malubha. Nasaid lahat ng pera nila sa bangko sa pagpapagamot sa mister ngunit bumigay rin ang katawan nito at binawian ng buhay. Pati siya ay dinapuan ng karamdaman at na-stroke kaya ngayon ay nakahiga na lamang siya sa matigas na papag. Naibenta na niya kasi ang mala-mansyong bahay at mga ari-arian at lumipat ulit sila sa maliit na barung-barong kung saan sila dati nakatira. Halos isumpa din siya ng mga katulong nila na hindi niya binayaran ang serbisyo bago umalis sa kanila. Paano niya mababayaran eh, walang-wala na talaga sila. Sobrang lupit sa kanila ng tadhana kaya lugmok na lugmok siya dahil nakita pa ng mga kapitbahay na minaliit at hinamak niya noon ang kanyang paglagapak. Walang makakapagsabi na mula sa pagiging milyonarya ay babalik pala siya sa putik na pinanggalingan niya, balik ulit siya sa pagiging dukha.
“Ito na po ang tubig, mama. Tapos na po akong magluto ng pananghalian natin,” sagot ng anak niyang si Jenny na dalaga na. Dahil balik sa hirap ay hindi na rin nito naipagpatuloy ang pag-aaral at siyang pumalit sa ina sa pagtitinda ng singkamas sa palengke na pinagkukunan nila ng panggastos sa araw-araw. Umuwi nga lang ang dalaga sa bahay nila para ipagluto ang ina at babalik din sa pagtitinda.
Maya-maya ay may narinig silang busina ng sasakyan sa labas. Nang dumungaw si Jenny sa bintana ay nakita niya ang isang magara at napakagandang kotse na huminto sa tapat ng bahay nila.
“Wow, ang ganda naman ng kotse na ito! Mas maganda pa sa mga naging kotse namin dati,” manghang sambit ng dalaga sa isip.
Bumaba mula sa kotse ang isang magandang dalaga, kasunod ang isa pa. Laking gulat ni Jenny nang mapansing magkamukhang-magkamukha ang dalawang babae na nakasuot ng magagandang kasuotan.
Nang bigla siyang may naalala.
“’Di kaya sila ‘yung pinadalhan ko ng sulat para manghingi ng tulong? Malamang sila na nga, mukhang mayayaman, eh,” bulong pa niya sa sarili.
Agad niyang ipinaalam iyon sa kanyang ina.
“Mama, may dalawang babae sa labas. Sila na yata ‘yung sinulatan ko para bigyan tayo ng tulong.”
“Aba, eh, papasukin mo sila,” sagot ni Nadia na inayos ang sarili kahit nakaratay sa higaan. Kinuha nito ang suklay sa tokador na malapit sa higaan at ginamit iyon sa buhok na puno na ng uban.
Ang sinasabi ng anak ay ang sikat na foundation na nagbibigay ng tulong sa mga taong nangangailangan lalo na sa mga walang-wala gaya nila. Sumulat ang dalaga para manghingi ng pambili ng gamot niya pero ‘di nila akalain na sa dinami-rami ng mga nanghihingi ng tulong ay sila ang napili. Personal na pinupuntahan ng mga staff ng foundation ang mga napiling tao o pamilya na tutulungan para personal din na ibigay ang hiniling na tulong gaya ng pera, pagkain, gamot at iba pa.
“Kumusta po?” tanong ng isa sa kanilang mga bisita.
Nanlaki ang mga mata ni Nadia nang makilala ang mga ito. Hindi siya maaaring magkamali, lumipas man ang maraming taon ngunit hindi niya malilimutan ang mga mukhang iyon.
“M-Mikaela, M-Mylene?”
Hindi siya makapaniwala na kaharap niyang muli ang kambal na sobra niyang minaliit noon. Mula nang pinagbawalan niya ang mga ito na sa harap ng bahay niya magtinda ay hindi na nagpakita ang dalawa sa kanya at balitang umalis na sa lugar nila, ngunit ang magkapatid na dukha noon ay ubod na ng yaman ngayon. Tiyak niyang siya naman ang ipapahiya ng mga ito sa mga ginawa niya. Natatandaan pa niya kung paano niya pinaalis ang dalawa sa harap ng bahay niya habang nagtitinda ng banana cue at kung anu-anong masasakit na salita pa ang ibinato niya sa pobreng magkapatid na ngayon ay hindi na niya magagawa dahil sa panamamit pa lang ng kambal ay mas nakakaangat na ito sa kanya.
“Natatandaan niyo pa pala kami, Aling Nadia. Narito po kami dahil ang sulat ng inyong anak na si Jenny ang napili namin. Kayo ang napili namin na bigyan ng tulong,” wika ni Mikaela.
Hindi halos makapagsalita si Nadia dahil sa sobrang hiya at panliliit.
“B-bakit kami pa ang napili ninyo? Hindi kami karapat-dapat sa tulong ninyo,” sambit ng ginang.
Muling nagsalita si Mikaela.
“Sa totoo lang po ay gusto naming magalit sa inyo noon dahil sa ginawa ninyong pagpapaalis sa amin sa labas ng bahay ni Aling Lorna. Mula noon ay humina ang kita namin sa pagtitinda. Mas lalong sumama ang loob namin nang maliitin niyo ang aming mga magulang na yumao na. Ngunit nagpapasalamat pa rin kami sa kanila dahil tinuruan nila kami ng aking kapatid ng mabuting asal, tinuruan nila kami na huwag magtatanim ng galit sa aming kapwa. Ang sabi nila’y maging mapagkumbaba kami upang mas kasiyahan kami ng kapalaran. Nagbunga naman ang lahat ng paghihirap namin dahil kami naman ang sinuwerteng nanalo sa lotto na nagbigay sa amin ng magandang buhay. Naipagamot ko sa ibang bansa ang sakit sa puso ng aking kapatid na ngayon ay maayos na ang lagay. Ipinagpatuloy din namin ang aming pag-aaral hanggang sa pareho kaming nakatapos sa kolehiyo,” hayag ni Mikaela.
“Ngayon nga po ay isa ng ganap na doktora si Ate Mikaela at ako naman po ay guro na nagtuturo sa isang pampublikong paaralan,” sabad ni Mylene.
Mas lalong nanliit si Nadia. Buti pa ang magkapatid, mga titulado na ‘di tulad ng anak niya na hindi nakatapos man lang sa hayskul.
“B-bakit kami ang gusto ninyong tulungan sa kabila ng ginawa ko sa inyo? Dapat nga ay parusahan ninyo ako, ” naluluha nang sabi ni Nadia
“Sa tingin po namin ay napagdusahan niyo na ang inyong kasalanan dahil sa naging buhay ninyo ngayon. Dahil kami naman ang nakakaangat, gusto namin na ibalik sa Diyos ang magandang kinabukasan na ibinigay Niya sa amin sa pamamagitan ng pagtulong sa inyo dahil alam namin ang pakiramdam na maging mahirap,” wika ni Mikaela na hinawakan ang mga kamay ng ginang.
Hindi na napigilan ni Nadia ang sarili at napahagulgol na sa harap ng magkapatid. Humingi siya ng tawad sa mga ito at nagsisi sa mga nagawa niyang kasalanan.
Tinanggap naman ng kambal ang taos puso niyang pagpapakumbaba. Bukod sa mga gamot na hiling ni Jenny ay inabutan sila ng mga pagkain at pera ng magkapatid. Binigyan din ng kambal ng scholarship ang dalaga para maipagpatuloy nito ang pag-aaral.
Mapagbiro talaga ang tadhana, kung sino ang inaapi mo noon ang siyang nakakaangat ngayon at ikaw na nanghahamak noon ang sadlak sa putik ngayon. Kaya ugaliin na palaging nakaapak ang mga paa sa lupa para ang ganti ng langit ay hindi makamtan.