Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap na Kalahok ang May-ari ng Kompaniya; Iyon ay Upang Malaman kung Sino ang Karapat-Dapat na Maging Bagong Mukha Nila

Nagpanggap na Kalahok ang May-ari ng Kompaniya; Iyon ay Upang Malaman kung Sino ang Karapat-Dapat na Maging Bagong Mukha Nila

Mahaba na ang pila ng mga kandidata sa labas ng building ng kompanyang ’yon kung saan gaganapin ang pagpili ng susunod na magiging ‘mukha’ ng kanilang cosmetics line na ngayon ay namamayagpag na ang pangalan sa buong Pilipinas.

Naroon din ang siyang may-ari ng naturang kompaniya na si Miss Tania Buendia, ngunit hindi siya naroon para magpakilalang ‘boss’ kundi isa sa mga kandidata. Gusto kasi niya na makilala nang lubos ang mga ito sa tunay nilang katauhan at magagawa lamang niya iyon kung magiging isa siya sa kanila. Ginagawa niya iyon upang mapili niya ang babaeng karapat-dapat na magrepresinta ng tunay na kahulugan ng salitang ‘kagandahan’ na siyang adbokasiya naman ng kaniyang kompaniya.

Bago kasi maitayo ni Tania ang kompanya niyang ito ay katakut-takot na pang-iinsulto at panlalait ang naranasan niya sa ibang tao dahil sa kaniyang kondisyon sa balat—Virtiligo—kung saan nagkakaroon ng pagkakabatik-batik ang kaniyang kulay. Iyon ang dahilan kung kaya naisipan niyang gumawa ng sariling mga produkto na para sa lahat ng klase ng balat ng tao, mayroon man ’yang kakaibang kondisyon o normal na katulad ng sa karamihan. Kaya ngayon ay nais niyang magkaroon sila ng mukhang magrerepresenta ng tunay na kagandahan ng isang babae, na hindi lamang sa panlabas na anyo bumabase.

Nakapostura na si Tania at nakipila kasama ng iba pang kandidatang naroon. Ni hindi niya na pinagkaabalahan pang takpan ang kaniyang mga pekas upang lalo iyong mapansin ng mga tao sa kaniyang paligid. Nang magsimula siyang makakuha ng atensyon ay halos gusto niya nang mapailing agad sa klase pa lang ng tinging ipinupukol sa kaniya ng mga kandidata.

“Sigurado ka bang sasali ka rito at makikipagkompitensiya sa amin?” tanong ng isa sa mga ito.

“Sinabi mo pa, mare! Ang lakas ng loob!” tatawa-tawa namang komento rin ng isa pa.

“Bakit naman hindi, e, sabi naman sa ads nitong contest na ’to, bukas daw para sa lahat ang kompetisyon?” sagot naman niya habang pasimpleng sinisilip ang name tag na suot ng mga ito at doon ay napag-alaman niyang ‘Joan’ at ‘Mina’ pala.

“Good luck na lang sa ’yo, Miss Dalmatian!” huling komento naman nito bago sila naghagalpakan lahat, kasabay ng iba pang kandidata na sa dinami-rami ng bilang ay wala man lang nagawang magsalita nang pabor para sa kaniya.

Nang akmang magsasalita nang muli si Tania ay bigla na lang niyang narinig ang tinig ng isang dalaga. “Ang sasama ng ugali n’yo. Bakit ganiyan ang trato n’yo sa kaniya? Baka nakakalimutan n’yong pare-pareho lang tayong kandidata rito at walang kahit sino man sa atin ang may karapatang magdesisyon kung sino ang dapat at hindi dapat sumali rito! Hindi naman kayo ang may-ari nito!” galit na bulyaw ng nasabing babae sa mga kandidatang nangungutya kanina kay Tania.

Unang tingin pa lang niya rito ay talagang humanga na siya sa angkin nitong kagandahan, at ganoon din sa pangangatuwiran nito. Tila ito lang ang naiiba sa mga kandidatang ngayon ay nakasasalamuha niya.

“Huwag mo silang pansinin, ha? Naku, hindi naman pangit ’yang kondisyon mo sa balat. Sa totoo lang ay marami akong kakilalang photographers at artists na gustong-gustong isama sa photoshoot ang mga may Virtiligo dahil sa kakaiba n’yong ganda. Tandaan mo, hindi dahil naiiba ka sa karamihan ay hindi ka na maganda. Maganda tayo sa sarili nating paraan, kaya laban lang!” nakangiti pang sabi sa kaniya ng babaeng napag-alaman niyang Desire ang pangalan ayon sa name tag nito.

Doon ay napangiti si Tania. Mukhang sa wakas ay nahanap na niya ang susunod na magiging mukha ng kanilang kompaniya, kaya naman nagpaalam muna siya rito na magbabanyo lang saglit upang makapagbihis na siya at masimulan na ang pag-a-announce sa napili.

Nagsimula nang magsalita ang emcee sa maliit na stage upang ianunsyo ang pagdating ng may-ari ng kompaniya… at ganoon na lang ang gulat ng lahat nang si Tania ang kanilang nakita! Ipinaliwanag niya sa mga ito ang naging basehan ng kaniyang pagpili kaya naman napahiya ang karamihan sa kanilang mga sarili.

Inanunsyo niya na si Desire ang nanalo sa patimpalak at labis naman ang galak ng dalaga. Masaya rin naman si Tania dahil bukod sa nakapagbigay siya ng isang malaking leksyon sa mga kandidatang naroon, ngayon ay nahanap na niya ang susunod na magrerepresenta sa kaniyang kompaniya!

Advertisement