
Ginamit na Dahilan ng Presong Ito ang Pandemya Upang Makatakas sa Kulungan; Makalaya na nga ba Siya nang Tuluyan?
“Gusto mo bang makatakas dito?”
Pabulong lamang ang pag-uusap ng magkosang sina Berto at Gary upang hindi marinig ng kanilang mga kakosa sa loob ng selda.
“Paano?” tanong ni Gary kay Berto.
“May offer si Kalbo. Gagawan nang paraan. Sasakyan natin ang nangyayari ngayon sa labas. Game ka ba? Maliit na halaga lang. 3,000 piso, makakaeskapo na ako. Madali lang sa iyo iyan. May ipon ka, ‘di ba?”
Si Kalbo ay ang kanilang warden sa presintong iyon.
“Paano nga? Sabihin mo kung anong plano,” giit ni Gary.
Napangiti naman si Berto.
“Kapag binayaran natin si Kalbo, siya mismo ang magpapatakas sa atin. Kaya lang, kailangan nating mawala kaagad. Ang sasabihin, nagkaroon ng hawahan ng virus dito sa loob. At dahil nagpositibo tayo, kailangang i-cremate kaagad ang mga labi natin. Pero siyempre kunwariang alabok lang iyon. Diskarte mo na kung paano mo ipapaliwanag sa pamilya mo. Kakasa ka ba?” tanong ni Berto.
“Oo kakasa ako. Miss na miss ko na ang asawa at mga anak ko. Hindi na sila dumadalaw rito dahil sa buwisit na pandemyang iyan.”
Kaagad na naipagbigay-alam kay Kalbo ang balak. Limitado lamang ito, top secret. Ang binulungan lamang ay ang mga presong nakakapag-ipon o may koneksyon. Bigatin ang mga makakasabay nila sa pagtakas: isang artistang nahulihan ng ipinagbabawal ng gamot, isang drug lord, at isang politikong napatunayang guilty sa kasong pandarambong.
Ang game plan: magiging press release na sila ay nagkaroon ng mapamuksang virus, at bilang pagtalima, kinakailangang sunugin kaagad ang kanilang mga labi sa pamamagitan ng cremation.
“Tatandaan mo, Gary. Sa hudyat ni Kalbo, makakalabas tayo ng seldang ito. Mamayang gabi. Isa-isa lamang ang pagtakas. Ang daan natin, sa likod. Alam mo na ‘yan,” paalala ni Berto.
At hindi naglaon, matagumpay ngang naisakatuparan ang kanilang plano, Nakalabas silang lima. Sila lamang kasi ang nakapagbayad kay Kalbo. Matulin silang nagtatatakbo. Bahala na kung paano sila muling haharap sa kani-kanilang mga pamilya.
Nabalitaan na nga ng kani-kanilang mga pamilya ang “kinahinatnan” nila. Ibinigay sa kani-kanilang mga pamilya ang urn na kinalalagyan umano ng kanilang mga alabok. Si Gary ay nakikipanuluyan muna pansamantala sa isang tagong property ni Berto.
“Gary, mag-iingat ka sa pagbabalik mo sa pamilya mo. Tiyakin mo na walang makakakita sa iyo,” paalala ni Berto kay Gary.
Kaya naman, pinaghandaan ni Gary ang kaniyang pag-uwi sa kanila.
Isang gabi, lumakad na si Gary at umuwi na sa kanilang bahay. Tiniyak niyang walang nakapansin sa kaniya. Inakyat niya ang bakuran ng kanilang bahay, at nakapasok sa loob sa pamamagitan ng kanilang bintana.
Nang nasa labas na siya ng kuwarto, napansin niyang nasa altar na ang urn na kinalalagyan umano ng kaniyang alabok. Wala man lamang tulos na kandila. Hindi na ito pinansin ni Gary. Ang mahalaga, nakabalik na siya. Nakahanda na ang kaniyang gagawing paliwanag sa kaniyang ginawang pagpuga sa loob ng kulungan.
Subalit pagbukas niya ng pinto ng kuwarto, natigilan siya sa kaniyang nakita. Hindi nag-iisa sa kama ang kaniyang misis. Ito ay nakakulong sa bisig ng isang lalaki, hubad-baro!
Pagkakita sa kaniya ng misis, nagsisisigaw ito na tila nakakita ng multo.
“Multo! Multo!” takot na takot na histerya ng kaniyang misis. Nagising ang lalaking kayakap nito at napabalikwas nang makita si Gary sa tapat ng pinto.
“Anong ibig sabihin nito? Sino siya?!” galit na sabi ni Gary sa asawa.
“G-Gary, huwag mo naman kaming multuhin… pasensiya ka na kung pinagpalit kita. Hindi ko kaya na walang lalaki sa buhay ko. May mga pangangailangan din ako na kailangang matugunan,” nangangatal na paliwanag ng kaniyang nangangalunyang misis, sa pag-aakalang pinagmumultuhan siya ni Gary.
“Hindi pa ako multo, Loida. Totoo ako. Ako si Gary. Hindi totoo na nacremate ako dahil sa pandemya. Taktika para makapuga kami. Hayop ka! Ginawa ko ito para makasama ka, pero anong ginawa mo? Ito lang ang madadatnan ko, ha?” galit na galit na sabi ni Gary sa asawa.
“Dapat bumalik ka sa kulungan! Isusumbong ko ito sa pulis,” saad ng lalaki. Nagpanting ang mga tenga ni Gary. Nagdilim ang mga paningin. Dinaluhong niya ang lalaki. Nabunot niya ang kaniyang patalim sa kaniyang bulsa.
Wala na siyang ibang maalala kundi ang pag-unday ng kaniyang mga kamay, ang pagtilamsik ng mapulang likido sa kaniyang mukha, ang nakapaninindig-balahibong tili ng misis na si Loida…
Wala siyang pinagsisisihan. Wala. Himas-himas niyang muli ang rehas sa dating selda. Sa pagkakataong ito, wala na siyang planong umeskapo pang muli. Para saan pa? Alam niyang wala na siyang babalikan pang pamilya dahil tuluyan na siyang itinakwil ng mga ito nang dahil sa nangyari.