Inday TrendingInday Trending
Simula Nang Mabaldado ay Nasa Bahay na Lamang ang Mister na Ito; Mapatunayan Pa Kaya Niya sa Sarili na May Silbi Siya?

Simula Nang Mabaldado ay Nasa Bahay na Lamang ang Mister na Ito; Mapatunayan Pa Kaya Niya sa Sarili na May Silbi Siya?

“Mahal, naihanda ko na ang almusal ninyo ni Jep-jep ha. May sinaing na rin para sa tanghalian. Huwag mo na lamang inintindihin ang hapunan dahil uuwi naman ako kaagad,” bilin ni Belinda sa kaniyang mister na si Omar.

Hinawakan ni Omar ang kaliwang kamay ng misis, na siyang kumakayod ngayon sa pamilya. Naaksidente kasi si Omar sa kaniyang trabaho kaya baldado na ang mga paa nito: naka-wheelchair na lamang siya.

“Maraming salamat, mahal, sa lahat ng mga pagtitiyaga at pag-aalaga mo sa akin ng mga anak mo. Alam kong nahihirapan ka na rin. Kung hindi lamang sana ako inutil, malamang ay ako ang nagbabanat ng buto para sa pamilyang ito,” naiiyak na namang sabi ni Omar. Hanggang ngayon, naaawa pa rin siya sa kaniyang sarili.

“Ano ka ba, mahal? Mag-asawa tayo, magkabiyak. Partner tayo sa buhay. Tulungan tayo. Huwag ka nang malungkot. Basta ipangako mo sa akin na ikaw na ang bahala kay Jep-Jep at sa ilang mga gawaing-bahay rito na kaya mo naman. Kapag hindi mo na kaya, ako na ang bahala,” nakangiting turan ni Belinda. Hinawakan niya ang kanang pisngi ng mister. Pinisil-pisil.

Ginagap naman ni Omar ang kamay nito. Dinala sa mga labi. Hinagkan-hagkan.

“Kung may suwerte mang dumapi sa buhay ko, ikaw ‘yun. Napakasuwerte ko na ikaw ang naging misis ko.”

“Sus nambola pa… oh siya, aalis na ako mahal, mag-ingat kayo rito ni Jep-Jep. Sabay na kami ni Carla pauwi,” bilin ni Belinda. Si Carla ang panganay nilang anak na nasa Grade 12 na.

Tumango-tango naman si Omar. Kumaway. “Ingat, mahal.”

Kaysa magmukmok at isipin ang kinahinatnan niya, mas pinili ni Omar na asikasuhin ang mga gawaing-bahay na kaya naman niya, para naman wala nang intindihin ang misis o si Carla sa kanilang pag-uwi.

Nakapaghuhugas siya ng mga pinagkainan sa gripo sa laundry area.

Nakapagkukusot-kusot ng mga damit at isinasampay sa kanilang bakuran.

Nakapagba-vacuum ng sahig.

Ayaw niyang maging pabigat. Noon, malaki ang sinusweldo niya at talaga namang kayod-kalabaw rin.

Balak niyang magpakabit ng internet sa bahay at bumili ng laptop. Nais niyang humanap ng trabaho. Uso naman ngayon ang work-from-home at online jobs. Magbabaka-sakali siya upang makatulong sa mga gastusin sa bahay.

Maya-maya, isang text message ang natanggap ni Omar. Mula sa drayber ng school service ni Jep-Jep, na nag-aaral na bilang Grade 1 sa isang pampublikong paaralan. Hindi raw ito makakapagsundo. Labis na namroblema si Omar. May eksamin pa naman si Jep-Jep. Handang-handa na nga ito dahil nag-aral sila kagabi.

Pumalahaw ng iyak si Jep-Jep nang malaman ito.

“Tatay, ‘di ako puwede absent, magagalit si titser!” ngumangalngal si Jep-Jep.

“Eh anak, walang magsusundo sa iyo. Absent ka na lang muna? Kakausapin ko na lang ang Ma’am mo…”

Ngunit nagmaktol si Jep-Jep. Nagpapadyak. Gustong pumasok sa paaralan.

Natataranta na si Omar. Hindi niya alam ang gagawin. Wala naman siyang app para makapag-book ng taxi. Wala rin silang mga kapitbahay na may sasakyan. Malayo rin ang traysikel sa kanila.

May parang bombilyang sumindi sa itaas ng kaniyang ulo.

“Sige, akong bahala, anak. Makakapasok ka. Kunin mo na ang bag mo at aalis na tayo,” utos ni Omar.

“Eh sino po maghahatid sa akin sa school?”

“Sino pa nga ba? Eh ‘di ako!”

“Paano po, Tatay? Hindi po kayo nakakalakad?”

Tinapik ni Omar ang kaniyang sinasakyang wheelchair.

“Eh para saan pa’t may mga gulong itong inuupuan ko? Malapit lang naman ang school mo. Tara na anak at baka mahuli ka pa.”

At napangiti na si Jep-jep. Ang galing talaga ng Tatay niya!

Walang pakialam si Omar kahit na pinagtitinginan sila ng mga tao habang sila ay nasa kalsada patungo sa paaralan ng anak.

Nakakandong sa kaniya ang anak habang pinaaandar niya ang wheelchair. Tagaktak ang pawis niya sa init. Hindi niya ininda. Masaya siya sa ginagawa niya.

Pagdating sa paaralan, namangha ang gurong tagapayo ni Jep-Jep nang makita ang mag-ama.

“Nakakaantig naman ng puso ang ginawa ninyo, sir,” naiiyak na papuri ng guro.

“Gagawin ko ho ang lahat para sa mga anak ko,” nakangiting sabi ni Omar.

Sinabi ni Omar ang naging sitwasyon nila sa kaniyang misis. Sinabi nito sa kaniya na maaga na lamang siyang magta-time out sa trabaho para masundo ang anak.

Pagkauwi sa bahay, nagtaka si Omar kung bakit sabik na sabik si Carla na ipakita sa kaniya ang cellphone nito.

“Tay, sikat na kayo ni Jep-Jep! May isang netizen na nakakita sa ginawa ninyong paghatid kay Jep-Jep, at ipinost ito sa social media. Viral na, ‘Tay! Nakakapagbigay raw kayo ng inspirasyon, sabi rito.”

At doon na nga nagsimula ang kaliwa’t kanang panayam mula sa mga pahayagan at TV shows upang marinig ang kaniyang kuwento.

“Ipinagmamalaki ka namin, mahal,” naiiyak na papuri ni Belinda sa kaniyang mister.

May mababait ding concerned netizen na nag-ambag-ambag upang mapalagyan na siya ng residential internet connection at laptop upang makapagsimula na siyang maghanap ng trabaho.

Advertisement