Inday TrendingInday Trending
Hiniwalayan ng Dalaga ang Nobyo para sa mga Kaibigan, Nanghina Siya nang Malaman ang Katotohanan

Hiniwalayan ng Dalaga ang Nobyo para sa mga Kaibigan, Nanghina Siya nang Malaman ang Katotohanan

“Hihiwalayan mo ako dahil sa mga kaibigan mo?” pag-uulit ni Roel sa sinabi ng kasintahan, isang gabi habang sila’y naglalakad-lakad sa parkeng paborito nilang puntahan.

“Oo, Roel, pasensiya ka na. Mas una ko silang nakilala kaysa sa’yo. Wala ka pa man sa buhay ko, sila na ang kasama ko sa mga hamon ng buhay. Kasama ko sila sa mga tagumpay at pagbagsak ko. Kaya ngayong ayaw nila sa’yo bilang karelasyon ko, hindi ko matiis na nagagalit sila sa akin sa tuwing magkasama tayo,” sagot ni Rhian habang malayo ang tingin.

“Diyos ko, Rhian, sigurado ka bang tunay na kaibigan mo sila?” tanong nito sa kaniya.

“Oo, naman,” agad niyang tugon.”Kasi kung tunay silang kaibigan, magiging masaya sila kung saan ka sasaya. Hindi nila kailangang ilayo ka sa taong mahal mo at mangialam sa personal mong buhay. Ang kaibigan, ibinigay ng Diyos para gabayan at suportahan ka, hindi ang ilayo ka sa nagpapasaya sa’yo,” paliwanag nito na ikinarindi niya.

“Tama na ang satsat, Roel, buo na ang loob ko, ayoko nang ipagpatuloy ang relasyong ito,” wika niya saka hinubad at isinauli rito ang bigay nitong singsing na tanda ng kanilang pagmamahal at agad nang umalis doon.

Mahirap man ang desisyong pakikipaghiwalay sa nobyong mahal na mahal niya at tunay na nag-alaga sa kaniya, ginawa pa rin ito ng dalagang si Rhian alang-alang sa ikatatahimik ng kaniyang mga kaibigan.

Simula pa kasi noong siya’y magpasiyang pumasok sa isang relasyon, humigit kumulang isang taon na ang nakararaan, napansin niya ang malaking pagbabago sa pakikitungo ng mga ito sa kaniya.

Kung dati’y palagi silang maingay at nagtatawanan sa tuwing magkakasama, ngayo’y palagi na lang silang tahimik at may kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan na labis na nagbigay sa kaniya ng kalungkutan dahilan upang diretsahang niyang tanungin ang mga ito.

At nang malaman niyang ito ay dahil sa nobyo niya, roon na siya bahagyang nakaramdam ng pangongonsensya. Wika pa ng isa sa mga ito, “Iyon na lang kasi ang palagi mong kasama. Nakakalimutan mo kami sa tuwing yayayain ka no’ng kumain,” dahilan upang ganoon na lang siya magpasiyang humiwalay sa binatang ito para masalba pa ang relasyon sa mga kaibigan.

Kahit na lingid ito sa kaniyang kagustuhan dahil ito ang talagang nagbigay saya at nagpagaan sa buhay niya, ito’y hiniwalayan niya pa rin noong araw na ‘yon. Umuwi man siyang luhaan, lahat iyon tiniis niya para sa kaniyang mga kaibigan.

Kaya lang, kahit na hiwalay na sila ng kaniyang nobyo, ganoon pa rin ang nararamdaman niya sa tuwing sila’y magkakasama pagkatapos ng klase. May pagkakataon pang may pinay-uusapan ang mga ito na hindi niya alam, bigla-biglang nagtatawanan at bukod pa roon, may mga lakad pa ang mga ito na hindi niya alam.

Magugulat na lang siyang may makikita na siyang mga litrato sa social media na magkakasama ang mga ito sa isang kainan habang siya, naghihintay sa yaya ng mga ito.

Sa tuwing magtatanong naman siya, laging sinasabi ng mga ito, “Ay, nawala ka sa isip namin,” dahilan upang ganoon na lang siya labis na makaramdam ng kalungkutan.

Isang araw, pagkatapos ng kaniyang klase, labis siyang natuwa nang makitang nakaupo sa isang lamesa sa kanilang kantin ang mga ito dahilan upang magdahan-dahan siyang pumunta rito upang magulat niya ang mga ito.

Ngunit siya ang nagulat nang marinig niya ang usapan ng mga ito.

“Napakadesperada na talaga ni Rhian na maging kaibigan tayo, ano? Isipin mo ‘yon, simula pa lang naman noong una, kinaibigan lang naman natin siya para may utusan tayo, tapos hanggang ngayon, pinagsisiksikan niya ang sarili sa grupo natin!” sambit ng isa na ikinagulat niya.

“Sinabi mo pa! Kita mo, hiniwalayan niya pa ang poging si Roel para lang sa atin? Papalipasin ko lang talaga ang ilang buwan, lilingkisan ko ‘yang lalaking ‘yan!” tugon pa ng isa na lalo niyang ikinabigla dahilan upang siya’y mapatakbo sa palikuran at doon labis na umiyak.

Doon niya nilabas lahat ng sama ng loob na mayroon siya mula sa mga katotohanang narinig. Nang maramdaman niyang tila naggagabi na, agad na siyang nag-ayos ng mukha at nagpasiyang lumabas.

At labis niyang ikinatuwa dahil paglabas niya, ang dating nobyong si Roel ang sumalubong sa kaniya. May bitbit-bitbit itong panyo at ilang paborito niyang pagkain.

“Kwentuhan tayo roon sa parke? May dala akong ice cream, french fries, chichirya…” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil agad na niya itong niyakap.

“Tama ka nga, Roel, pasensiya ka na,” iyak niya habang yakap-yakap ito.

Ang pagkakataong iyon ang naging muling simula ng kanilang pagmamahalan. Wala man siyang kaibigan ngayon, mayroon namang lalaking handang gawin ang lahat para sa kaniya.

“Mabuti na ngang mawalan ng kaibigan kaysa magkaroon ng kaibigang peke at mapangsamantala,” sambit niya sa sarili nang makasalubong ang mga ito sa kanilang paraalan.

Advertisement