
Hinamak ng mga Tao Maging ng mga Hurado ang Babae dahil sa Katabaan Niya: Hindi Nila Akalain na Ganito Pala ang Kaniyang Talento
“Mica, anak, bumangon ka na riyan. Ang sabi ng papa mo ay kakanta ka raw sa simbahan ngayon,” wika ni Sylvia sa dalaga.
“‘Ma, masama po ang pakiramdam ko ngayon. Maaari po bang sa isang linggo na lang po ako kumanta sa simbahan? Saka naalala ko nga po pala na may kailangan pa po akong tapusin na proyekto,” paliwanag naman ni Mica sa ina.
“Anak, ilang beses ka nang umaatras sa kompromiso natin sa simbahan. Napapansin ko na gumagawa ka na lang ng paraan para umiwas. Aminin mo nga sa akin, ayaw mo bang kumanta sa simbahan?” tanong muli ng ginang.
“Alam n’yo naman po kung bakit ayaw ko, ‘ma. Pagtatawanan lang po nila ako, do’n. Sino naman po ang nais na makakita ng isang matabang babae na kumakanta? Mapapahiya lang po ako. Si papa lang naman at ikaw ang mapilit na kumanta ako. Hindi n’yo man lang inisip kung ano ang sasabihin sa akin ng ibang tao,” malungkot na wika pa ni Mica.
“Anak, hindi ba bata ka pa lang ay nais mo nang maging isang singer? Paano ka naman mapapahiya, e, ang galing galing mong umawit! Sige na at bumangon ka na riyan. Ipakita mo sa lahat ang iyong talento,” pagkumbinsi pa ng ina.
Ngunit kahit anong sabihin ni Sylvia ay ayaw pa rin ni Mica na kumanta sa simbahan. Napilitan tuloy ang ginang na kausapin na ang kaniyang asawa.
“Mababa talaga ang tiwala ng anak mo sa kaniyang sarili. Ayaw na namang lumabas ng silid. Hindi pa raw siya handang kumanta sa simbahan. Sa tingin ko ay pabayaan na lang muna natin siya. Baka mamaya ay lalong mawalan ng tiwala sa kaniyang sarili,” paliwanag ni Sylvia sa asawa.
Nanghingi ng tawad ang ginoo sa pamunuan ng simbahan dahil muling hindi kakanta si Mica sa kanilang programa.
Hindi masisi ng mag-asawa ang pagkawala ng tiwala ng anak sa kaniyang sarili. Madalas kasi itong maging tampulan ng tukso sa kaniyang paaralan dahil nga mataba ito. Kahit anong gawing pagdi-dyeta ni Mica ay nahihirapan siyang magbawas ng timbang. Kaya kahit na magaling talaga siyang kumanta ay napapangibabawan ito ng hiya dahil sa kaniyang pisikal na anyo.
Nang hapon ring iyon ay pumasok sa eskwela itong si Mica. Sinalubong siya ng kaniyang guro at inaayang sumali sa isang patimpalak sa pag-awit.
“Narinig ko kung paano ka kumanta, Mica. Ang talentong ganiyan ay hindi lang basta tinatago. Huwag kang mahiya nang dahil lang sa timbang mo. Hindi mahalaga ang pisikal na anyo. Ang mahalaga ay kung ano ang laban ng isip mo at ng iyong kalooban. Magaling ka, Mica, kaya sana ay sumali ka,” sambit ni Ginang Reyes.
Nagdadalawang-isip si Mica kung sasali siya sa patimpalak. Nais niya itong gawin dahil pagod na pagod na rin siyang magtago sa anino ng kaniyang malaking pangangatawan. Ngunit takot rin siyang mapahiya.
Habang tinitingnan ni Mica ang poster ay nilapitan siya ng maldita niyang kaklase na si Jenny.
“Huwag mong sabihin sa akin na sasali ka riyan? Ang mga kompetisyon na ganiyan, dapat bukod sa may talento ka ay may maganda at kaaya-aya ka ring itsura. Pero paano ‘yan, Mica, wala ka na ngang talento ay wala ka pang magandang itsura! Kaya tumabi ka riyan at ang laki mong hambalang sa daraanan ko. Itatala ko ang aking sarili para naman makita nila ang tunay na superstar!” pagmamayabang ni Jenny.
Nagtatawanan ang magkakaibigan habang pinag-uusapan ang kaawa-awang si Mica.
“Hahayaan mo na lang ba na patuloy ka nilang maliitin, Mica? Ipakita mo sa kanila ang angkin mong talento. Tiyak kong titiklop ang mga ‘yan! Ako ang bahala sa iyo. Tutulungan kitang mag-ensayo,” wika ni Ginang Reyes nang makitang nalulungkot si Mica.
Pinalakas ni Ginang Reyes ang loob ng dalaga at sumali ito sa patimpalak. Lahat ay nagtatawanan kapag nakikita ang pangalan ni Mica sa listahan.
Lumipas ang mga araw at dumating na ang gabi ng patimpalak. Lahat ay magagara ang kasuotan at nakapostura. Habang si Mica ay nasa gilid at hiyang hiya.
“Ilang kumot ang ginamit mo para magkasya sa iyo, Mica? Ibang klase ka rin, ano? Sinabihan na kita pero tumuloy ka pa rin sa kompetisyon na ito. Sanay na sanay ka nang napapahiya. Kung ako sa iyo ay uuwi na ako. Baka mamaya ay hinahanap na rin ng nanay mo ang mga kumot na sinampay niya!” pang-aalaska pa ni Jenny.
Muling pinanghihinaan ng loob itong si Mica.
“Huwag mo silang intindihin, Mica. Narinig ko na kung paano kumanta ‘yang si Jenny. Pasalamat talaga siya at maganda siya!” nakangiting sambit ni Ginang Reyes.
“Huminga ka nang malalim at pakawalan mo ang lahat ng pag-aalinlangan sa iyong sarili. Magaling ka, Mica, iyon ang mahalaga!” dadgag pa ng guro.
Isa-isang nagkantahan sa entablado ang mga kalahok. Nang pagkakataon na ni Mica, dahil sa sobrang kaba ay bahagya siyang natalisod.
Isang hurado ang natawa sa nangyari.
“Sandali lang, baka mamaya ay magiba ang entablado sa laki ng dalagang iyan!” pabulong na biro ng lalaki sa kaniyang mga kasamang hurado.
Natagalan si Mica sa pagtitig sa kawalan.
“Kakanta ka ba o lilitsunin este aalis ka na lang diyan sa entablado? Kanina pa kami naghihintay!” muling sambit ng hurado.
Patuloy naman sa pagtawa ang ilang manonood kabilang na si Jenny.
Sa lakas ng hagalpakan ng marami ay sinimulan na ni Mica ang pagkanta. Lahat ay natulala sa ganda ng boses ni Mica! Ipinagpatuloy ni Mica ang pag-awit. Humanga ang lahat dahil ang taas at abot ni Mica ang lahat ng mga nota.
Pagtapos kumanta ni Mica ay nagkaroon ng kaunting katahimik at saka nagpalakpakan ang lahat.
“Binabati kita, Mica! Natapos mo ang kanta. Hindi na mahalaga ngayon kung manalo ka o hindi. Dahil sa ginawa mong ito ay simula na ng pagtitiwala mo sa iyong sarili!” masayang masayang wika ni Ginang Reyes.
Natapos na ang lahat ng mga kalahok na umawit.
Tulad ng inaasahan ng lahat ay nanalo sa patimpalak si Mica dahil sa husay at ganda ng kaniyang pag-awit. Pahiyang pahiya naman si Jenny dahil talo siya.
Sa unang pagkakataon ay nakalimutan ni Mica ang kaniyang timbang.
Masayang masaya ang dalaga sa kaniyang tropeyo. Ang hindi niya alam ay naroon pala ang kaniyang mga magulang at nanood din ng kaniyang pagtatanghal.
“Binabati ka namin, anak! Labis ka naming ipinagmamalaki. Napakagaling mo! Tinaob mo ang lahat ng mga mang-aawit!” wika pa ni Sylvia.
Ilang sandali pa ay nilapitan ng hurado itong si Mica. Humingi ito ng tawad dahil sa pagpapahiyang ginawa nito kanina sa dalaga. Matapos ay inalok niya ng kontrata itong si Mica upang maging isang ganap na mang-aawit!
Hindi makapaniwala itong si Mica sa tagumpay na kaniyang nakamit. Dito na siya nagsimulang magkaroon ng kompyansa sa kaniyang sarili. Kahit na mabigat ang kaniyang timbang ay hindi ito naging hadlang para ibigin at hangaan siya ng maraming tao.