Inday TrendingInday Trending
Nakatanggap ng Ayuda ang Ginang Mula Sa Lokal Na Pamahalaan; Isang Diskarte ang Naisip Niya Upang Patuloy na Mamuhay nang Normal sa Panahon ng Pandemya

Nakatanggap ng Ayuda ang Ginang Mula Sa Lokal Na Pamahalaan; Isang Diskarte ang Naisip Niya Upang Patuloy na Mamuhay nang Normal sa Panahon ng Pandemya

Tuwang-tuwa si Daisy nang makuha ang limang libong pisong ayuda mula sa lokal na pamahalaan dahil na rin sa pandemya. Makatutulong ito nang malaki lalo na’t pansamantala muna silang pinatigil sa trabaho sa pribadong paaralang kaniyang pinapasukan.

Namamasukan siya bilang janitress, at dahil wala namang pisikal na klase, nagbawas ang pamunuan ng paaralan ng mga manggagawa na hindi naman daw masyadong kailangan. Tatawagan na lamang daw sila kapag kailangan na sila.

Kasama ni Daisy ang kaniyang kapitbahay na si Aling Mathel sa pagkuha ng kanilang ayuda sa covered court ng kanilang barangay.

“Naku, itong limang libo na ito ay kulang pa sa amin. Ang mga anak ko, maaarte sa ulam. Ayaw kasi nilang kumakain ng mga hindi masasarap na ulam eh. Gusto nila, lagi akong nagluluto. Mister ko rin, pihikan sa ulam,” reklamo ni Aling Mathel.

“Ganoon po ba? Tipid-tipid na lang po muna Aling Mathel,” payo ni Daisy sa kaniyang kapitbahay, na minsan ay may pagkamayabang. Minsan, nagkukuwento ito ng mga bagay na hindi naman nila tinatanong, tulad ng imported na bag na ipadadala raw sa kaniya ng anak niya sa New Zealand, o mga chocolates na ipadadala sa kaniya sa pamangkin niya na nasa Canada.

“Siguro mga dalawang araw o tatlong araw lang sa amin itong limang libong ito. Minsan nga napapagastos kami ng sampung libo sa isang linggo,” dagdag pa nito.

“Talaga ho? Naku, sa amin po ay isang buwan na sa amin iyan. Grabe naman ho ang gastos ninyo, bongga ka talaga Aling Mathel!” kunwari ay papuri ni Daisy sa preskong kapitbahay. Wala namang masama kung ibibigay ang hilig nitong pagpapabida.

“Oh siya Daisy, pupunta muna ako sa palengke ah? Mamimili muna ako ng stock namin sa ref. Nagrerequest kasi si Mister ng kare-kare. Ingat!” paalam ni Aling Mathel. Dumiretso na ito sa palengke. Naiwan naman si Daisy at patuloy na naglakad pauwi.

Para sa kaniya, malaking halaga na ang limang libong piso. Kayang-kaya na nilang pagkasiyahin iyon. Dalawa lamang naman sila ng kaniyang anak na babae sa bahay. Ang mister niya ay naabutan ng lockdown sa lokasyon ng trabaho nito bilang karpintero sa bandang La Union. Stay-in kasi ito. Hindi pa raw makapagpapadala ng pera dahil hindi pa sila pinapasuweldo. Tamang-tama ang pagdating ng ayuda mula sa kanilang lokal na pamahalaan.

Nag-isip nang mabuti si Daisy. Kailangan niyang maging maingat sa paggastos. Walang katiyakan kung paano siya makababalik sa trabaho. Hindi rin siya tiyak kung makababalik kaagad ang mister, o kung makapagpapadala ito ng pera. Kailangan niyang maging wais.

Pagkauwi, pinag-isipang mabuti ni Daisy kung paano magba-budget. Ang dalawang libo ay itinabi niya para sa pang-araw-araw na gastusin. Ang dalawang libo naman ay naiisip niyang ipamuhunan. Ang isang libong piso ay balak niyang ipadala sa mister para may panggastos ito.

Naisip niyang magtayo ng maliit na barbekyuhan sa harap ng kanilang bahay. Wala namang masama kung susubukan niya. Napansin niya kasing mahilig sa mga barbekyu ang kaniyang mga kapitbahay. Dumarayo pa ito sa ibang lugar para lamang bumili nito.

Inihanda na niya ang mga kakailanganin. Mabuti na lamang at mayroon siyang mga kagamitan: ang ihawan na matagal nang nakatago sa kanilang likod-bahay, ang mga basyo na maaaring paglagyan ng sawsawan, at mga naitabi niyang mga stick noong nagdiwang ng kaarawan ang anak. Kinakailangan na lamang niyang bumili ng uling, gaas, at siyempre, ang mga paninda niya.

Pinili muna niyang bumili ng ilang pirasong isaw, dugo, at adidas o paa ng manok. Batay kasi sa kaniyang pagmamasid, ang mga ito ang paborito nila. Magsisimula muna siya sa kakaunti.

Pagsapit ng gabi, nagsimula na ngang pumwesto sa harap ng bahay si Daisy. Nakatawag-pansin sa kaniyang mga kapitbahay ang mabangong aroma ng iniihaw na mga lamanloob. Nagulat sila dahil may isa sa kanila ang nagtangkang magtinda. Dumagsa ang mga kapitbahay at bumili sa kaniya. Hindi na nga naman lalayo.

Gabi-gabi itong ginagawa ni Daisy hanggang sa naging triple na ang kaniyang puhunan na dating dalawang libong piso. Kumita na siya ng apat na libong piso sa ilang linggo pa lamang na pagtitinda, nahigitan pa ang limang libong ayuda!

Isang gabi, bumili sa kaniya si Aling Mathel. Wala na raw itong maiulam.

“Akala ko ba hindi kayo nag-uulam ng karaniwang ulam, Aling Mathel?” untag ni Daisy.

“Naubos na yung ayuda… matagal na. Wala na kaming pera kaya kailangang magtipid. Buti ka pa nai-negosyo mo pa,” papuri ni Aling Mathel.

“Tamang diskarte lang po sa buhay. Sinuwerte lang din po na pumatok,” nakangiting sabi ni Daisy.

Napagtanto ni Daisy na nasa desisyon ng tao ang ikagaganda ng kaniyang pamumuhay: samahan ng sipag, tiyaga, tamang diskarte, at pananalig sa Diyos. Siguradong matutuwa ang kaniyang mister sa pag-uwi nito.

Advertisement