Inday TrendingInday Trending
Wala Nang Pag-asa, Suko Na

Wala Nang Pag-asa, Suko Na

Alam ni William na maraming magagalit sa kaniyang gagawin ngunit hindi na rin malaman ng binata ang bigat ng kaniyang puso. Kaya naman kinuha na niya ang gunting at dahan-dahan nang sinugatan ang kaniyang pulso.

“Bakit sabi nila ay malalagutan agad ako ng hininga?” naiiyak na wika ng lalaki sa kaniyang sarili habang sakit na sakit sa kaniyang ginagawa.

“Baka kailangan na mas malalim pa, o baka kailangan kong sabayan ng mga gamot,” baling niyang muli at patuloy na umaagos ang dugo mula sa sugat na kaniyang ginawa.

Dinamihan niya pa ito ngunit hindi pa rin siya nalalagutan ng hininga, hanggang sa maramdaman niya ang pamamanhid ng kaniyang mga kamay. Tinigilan na niya ang paghiwa sa kaniyang pulso at nahiga na lamang siya sa sahig, tinitigan ang kisame at saka umiyak.

“Paalam na, hanggang dito na lamang,” bigkas niya sa sarili hanggang sa naramdaman na niya ang panghihina ng kaniyang mata at katawan. Narinig pa niya ang katok sa kaniyang kwarto at ang sigaw ng kaniyang ina. Gusto niyang hawakan ito ngunit hindi na niya magawa, nanghihina na siya. “Ma, magiging maayos na din ang lahat…” isip-isip ni William.

Halos tatlong oras din ang lumipas.

“Nasa langit na ba ako?” tanong ng binata.

“Anong nasa langit ka diyan? Pagkatapos mong tapusin iyang buhay mo tatanungin mo kung nasa langit ka na? Sa tingin mo ba talaga tatangapin ka doon?” tanong sa kaniya ni Martina, ang nars na nakabantay sa binata.

Agad na tinignan ni William ang kaniyang sugat, nakabenda na ito.

“Hindi mo napuruhan yung pulso mo kaya naman buhay ka pa ngayon, alam mo, William, nalulungkot ako. Dati inaalagaan kita kasi ayaw mong mawala ang buhay mo, pero ngayon inaalagaan kita ulit kasi ikaw mismo ang nagtangkang tumapos doon. Anong nangyari?” malungkot na tanong sa kanya ni Martina.

Hindi kaagad nakasagot si William sa sinabi sa kaniya ng babae, tila ba kumirot ang kaniyang puso at nakonsensya siya nang maalala ang lahat ng paghihirap ng kaniyang nanay.

“Dati, halos araw-araw kang nagdadasal na sana gumaling ka na, kasi gusto mo pang mabuhay, pero ito ka ngayon… Sinayang mo lang ang lahat ng paghihirap mo saka ng nanay mo,” dagdag pa ng nars habang kinukuhanan siya ng BP.

Biglang bumalik ang lahat sa kaniyang alaala, anim na buwan pa lang ang nakakalipas nang ibigay sa kaniya ng doktor ang magandang balita. Wala na raw c*ncer sa kaniyang katawan at natalo ito ng gamot kaya naman mabubuhay na siya.

May sakit ang binata at halos limang taon silang sumailalim sa gamutan, kahit naging napakahirap noon ng buhay ay araw-araw siyang bumabangon na puno nang pag-asa.

Pag-asa na mabubuhay pa siya ng matagal at magagawa pa niya ang kaniyang mga pangarap. Ngayon lamang niya naisip na halos isangla ng kaniyang mga magulang ang kanilang kaluluwa mabuhay lamang siya, ngayon lamang niya naisip na naging makasarili siya sa pagtatangkang tapusin ang sariling buhay.

“Anak, bakit mo ginawa iyon?” tanong ni Aling Gina na kakarating lamang sa ospital.

Hindi kaagad nakasagot si William sa ale at saglit niyang tinitigan ang kaniyang nanay. Napakapayat na nito at lubog na rin ang mga pisngi at mata, malaki ang pinagbago ng itsura.

“Ma, hindi ka ba nagsisisi na ako ang naging anak mo?” malungkot na tanong ni William.

“Bakit mo ginawa iyon? Bakit, anak?” tanong muli ng ale.

“Kasi dahil sa akin at sa sakit ko ay napabayaan mo ang sarili mo, nalubog tayo sa utang nang dahil sa letcheng naging sakit ko. Sana sinabi mo sa akin dati pa na wala na tayong pera, sana hindi na ako lumaban kung ganito lang rin ang kakahinatnan natin, mama,” umiiyak na sagot ni William sa kaniyang nanay.

Simula kasi noong gumaling siya at nakauwi sa kanila ay doon lamang tumambad sa kaniya ang katotohanan na plato na lang at kutsara ang natira sa kanilang pamilya.

Naipagbenta na pala halos lahat ng kanyang ina ang kanilang mga gamit matustusan lamang ang mga gastusin sa ospital. Bukod doon ay napakarami nilang utang at kahit na tatlo na ang trabaho ng kanyang nanay ay hindi pa rin nagiging sapat ito upang makabayad sila.

“Kaya ba tatapusin mo na lang ang buhay mo, dahil marami tayong utang? Marami tayong problema na kinakaharap? Ganun ba ang nasa isip mo, anak?” baling ni Aling Gina.

“Sobrang malas ninyo sa akin dahil ako ang naging anak niyo,” saad naman ng binata.

Nagulat si William nang bigla siyang sampalin ng kaniyang nanay.

“Nasa tiyan pa lamang kita, dugo ka palang ay pinagpapasalamat na kita sa Diyos dahil ibinigay ka niya sa akin. Kaya noong nagkasakit ka ay nilaban ko ang lahat kasi mahal kita, anak.

Wala akong pakialam kung wala na tayong pera o kung mamalimos tayo sa kalsada, dahil mas mahalaga sa akin yung didilat ka at makikita pa kitang lumalaban sa buhay. Hindi kita pinalaki na maging ganyan kahina, hindi pagtakas ang solusyon sa problema, William.

Alam ko na nahihirapan ka na, alam kong nabibigatan ka na, pero anak, huwag mo naman sana akong iwan, huwag mo naman sana akong sukuan,” pahayag ng kaniyang nanay habang bumabagsak ang luha galing sa mga mata.

“Mahal na mahal kita, anak. Sa tingin mo ba kung mawawala ka ay mas gagaan ang lahat? Hindi, dahil kapag nawala ka ay nandiyan pa rin ang mga utang natin, nandiyan pa rin ang mga problema. Dahil ang pera, kinikita, pero ang buhay isa lang iyan kaya nga inilaban kita, ‘di ba?” dagdag pa nito.

Doon nahimasmasan ang binata, naging napakamakasarili niya sa kaniyang ginawa, dahil hindi niya naisip ang naging sakripisyo ng kaniyang nanay.

Kaya naman nang makalabas na sa ospital ay agad na naghanap ng trabaho ang lalaki at nagsimulang tumulong kay sa kanyang ina. Ngayon niya nakikita ang halaga ng buhay, dahil mas masarap pa rin ang lumaban kaysa sa maging duwag at tapusin ang buhay nang hindi man lang sumubok kahit isang pagkakataon.

Lumipas ang tatlong taon at nakaahon na ang mag-ina mula sa problemang pinansyal at pinagkakautangan. Ngayon ay nag-iipon naman si William upang makapagbakasyon sila ng kaniyang nanay sa ibang bansa.

“O di ba, anak. Mas masarap ang mabuhay, mas masarap ang lumaban dahil kasama natin ang mga mahal natin sa buhay. Ganito lang talaga ang buhay ng mga tao, lulubog pero lalaban, mapapagod pero hindi susuko,” nakangiting pahayag ni Aling Gina sa kaniya.

“Salamat, mama,” sagot naman ni William at nagyakap ang mag-ina.

Advertisement