Ang Bumuo Ulit sa Puso Ko
Ilang buwan na ang lumipas simula ng binawian ng buhay ang ama ni Diane ng dahil sa malubhang sakit. Bunsong anak si Diane at siya ang pinakamalapit sa ama, kaya naman siya ang pinakalabis na dinadamdam ang pagkawala ng matanda. Hindi lang kasi ama ang nawala sa dalaga kundi pati na rin ang kanyang nagsisilbing pinakamatalik na kaibigan.
Buong buhay niya ay kaagapay niya sa lahat ang ama. Parati niyang kasama ang ama sa lahat ng kanyang pinagdaanan sa buhay, inaalalayan sa bawat hakbang at deisiyon na kanyang gagawin. Paano na lamang siya ngayong wala na ang pinakamamahal niyang ama na nagsilbing tagapagligtas niya? Labis na sakit at pighati ang hatid ng trahedyang ito sa dalaga.
Hindi matanggap ni Diane ang pagkawala ng matanda at labis itong dinibdib. Parati na lamang siyang nasa loob ng kanyang kwarto at hindi na magawang lumabas. Iyak lamang siya ng iyak habang nagluluksa sa pagkawala ng pinaka-importanteng lalaki sa buhay niya.
At dahil nga sa labis na pagluluksa ay hindi na nagawang pumasok sa eskwela ng dalaga, hindi na rin siya lumalabas kasama ang mga kaibigan o kahit na ang mga kapatid o pinsan. Ikinulong niya na lamang ang sarili sa loob ng kanyang kwarto.
Hindi na nakatiis ang kanyang ina at nagpatulong na sa unang anak na lalaki na minsan lang din nilang makita at makasama dahil nasa Maynila ito nakatira kasama ang pamilya niya. Pinuntahan si Diane ng kanyang nakakatandang kapatid at sinubukan siya nitong kausapin.
“Diane please, alam naman namin ang nararamdaman mo. Nawalan din kami. Ama din naman namin siya. Parang awa mo na tigilan mo na ito. Bumangon ka na. Pakawalan mo na siya,” pakiusap kay Diane ng kanyang nakatatandang kapatid.
Hindi naman pinansin ng dalaga ang ginoo at nakatulala lang na nakatingin sa kawalan. Nasa pinaka gilid ang dalaga ng kanyang kama at mugto ang mga mata hawak ang litrato nila ng kamamatay lamang na ama. Mahal na mahal niya ang kanyang ama at hindi niya matanggap na wala na ito sa buhay niya.
Hindi na nakayanan ng nakatatandang kapatid ni Diane ang nakikita sa kapatid. Labis na napapabayaan na ng dalaga ang kanyang sarili dahil sa labis na pagluluksa at paghihinagpis. Para bang animo’y kahit ano mang oras ay handa itong sumunod sa ama.
“Bakit ka ba nagkakaganyan ha?! Alam kong nasaktan ka ng sobra sa pagkamatay ni tatay pero p*tang *na naman Diane hindi lang ikaw ang nasasaktan dito! Hindi pa katapusan ng mundo! Marami pang nagmamahal sayo! Nandito pa kami para sayo,” bulyaw ng nakakatandang kapatid ni Diane sa dalaga.
“Nawalan ako ng ama. Wala na si tatay. Wala nang makikinig sa mga kwento ko at magsasabi sakin kung ano ba ang dapat kong gawin. Wala ng magtatanong sakin kung okay lang ba talaga ako at papatawanin ako hanggang sa sumakit ang tiyan ko kakatawa. I lost my hero, mahirap bang intindihin yun?” madamdaming sagot ni Diane sa nakatatandang kapatid.
Lumapit naman ang lalaki sa dalaga at niyakap ito ng mahigpit. Nagulat naman ang dalaga sa ginawa ng nakakatandang kapatid. Ni minsan ay hindi sila naging malapit ng kapatid. Para bang napakalayo ng loob ng lalaki sa kanya.
“Hindi ko na kaya na nakikita kang ganyan. Hindi ko alam kung kakasuklaman mo ba ako o matatanggap mo ang katotohanang ito, pero sa tingin ko ay panahon na siguro para ipagtapat ko ito sayo,” kumalas sa yakap ang lalaki at tiningnan sa mata si Diane bago nagpatuloy sa pagsasalita.
“Labinlimang taon na ang nakararaan nang magluwal ng isang panibagong sanggol ang aking asawa. Pareho kaming nag-aalala sa magiging kinabukasan namin ng aming mga anak,
“Mahirap lamang kami at hindi na namin kayang tustusan pa ang mga pangangailangan ng mga bata. Sakto naman na binisita ako ng aking mga magulang ng wala man lang pasabi,
“Doon sila nag-alok na tumulong. Kinuha nila ang bagong silang na sanggol at pinalaki bilang sarili nilang anak. Masakit man para sa amin ng aking asawa ay nagpapasalamat pa rin kami dahil nakita namin lumaki ang batang iyon ng puno ng pagmamahal at pag-aaruga,
“At ikaw ang batang iyon Diane. Alam kong mahirap paniwalaan pero anak kita at ako ang iyong tunay na ama,” tumulo ang luha sa mga mata ng lalaki pagkatapos nitong sabihin ang mga katagang iyon.
Hindi naman makapaniwala si Diane sa kanyang narinig. Hindi niya alam kung paano tatanggapin ang kanyang nalaman. Umalis na muna ang lalaki at binigyan siya ng sapat na oras para makapag-isip.
Kinabukasan ay kinausap naman siya ng kinagisnang ina. Ipinaliwanag ng matanda sa kanya ang tunay na nangyari at pinayuhan siyang bigyan ng pagkakataon ang kanyang tunay na mga magulang. Nag-iyakan silang dalawa. Pero sa puso ni Diane ay alam niyang baka ito na rin ang sagot para mapunan ang pagkukulang sa puso niya na naiwan ng pumanaw ang kanyang pinakamamahal na ama.
Sumama si Diane sa kanyang tunay na ama para makilala ang babaeng nagluwal sa kanya at ang kanyang mga kapatid. Nakita niya naman na ang mga ito ngunit isang beses pa lang. Nung bumisita ang mga ito ng anibersaryo ng kanilang mga magulang.
Kinilala niya ang mga ito at nanirahan kasama sila ng isang buwan bago bumalik sa Maynila para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa pasukan. Napaka-iksi man ng panahon na nakasama niya ang kanyang tunay na pamilya ay naging sapat na ito para malaman niya na marami pa siyang rason para ipagpatuloy ang buhay.
Nagsikap ng mabuti si Diane para sa kanyang ina at para na rin makatulong sa kanyang tunay na pamilya. Pa minsan-minsan ay bumibisita sila ng kanyang ina sa tunay niyang pamilya para makasama ang mga ito. Nakapagtapos rin naman si Diane sa kanyang pag-aaral at naging isang ganap na Nurse.
Nagpunta sa Amerika ang dalaga para doon magtrabaho at para mas makatulong sa kanyang pamilya. Siya na rin ang nagpaaral sa iba niyang mga kapatid na siyang kasama na ngayon ng kanilang lola.
Hindi inakala ni Diane na sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal na ama, ay siya namang pagkahanap niya ng kanyang tunay na pagkatao. Ngayon ay patuloy na nagsisikap si Diane para sa kanyang mga mahal sa buhay at pilit na lumalaban sa mga pagsubok ng buhay para sa isang magandang kinabukasan na alam niyang makakamit din nila sa tamang panahon.