Nalukot nang matindi ang mukha ni Mico matapos i-announce ng kanilang teacher kung sino ang nakakuha ng pinakamatataas na average sa kanilang eskwelahan. Ganoon na lang ang lungkot na naramdaman niya nang malaman niyang pumangalawa lamang siya sa ranking. Tila gusto niyang kastiguhin ang kaniyang sarili dahil sa pagiging pangalawa lamang.
“O, bro, bakit malungkot ka? Hindi ka ba masaya na ikaw ang aakyat sa stage bilang salutatorian ng school natin?” may pagtatakang tanong ng kaibigan ni Mico na si Martin.
“Iyong totoo? Hindi. Hindi ako natutuwang pangalawa lang ako, dude. Madi-disappoint lang ang parents ko sa akin,” namumroblema namang sagot ni Mico sa kaibigan.
“What? Geez, dude! Decimal points lang ang pinagkaiba ng grade ninyo ng valedictorian! Kung hindi ka nga lang na-late ng pasa sa isang project natin baka nataasan mo pa siya, eh!” giit naman ni Martin.
Alam ni Mico na pinagagaan lang ng kaibigan ang kaniyang damdamin. “Iyon na nga, eh. Kung hindi lang sana ako nag-overtime noon sa part-time job ko, eh, ‘di sana hindi lang ako pangalawa.”
“Dude, huwag ka ngang ganiyan! Sure ako na proud na proud sa’yo ang mga magulang mo. Hindi ka naman nila pini-pressure, ‘di ba? Ikaw lang ang nagpe-pressure sa sarili mo. Chill and go with the flow. Kung sa tingin mo naman ay ibinigay mo ang best mo be proud of it! Kung hindi naman lagi kang mayroong chance na bumawi. Kung pangalawa ka lang ngayong taon then make up for it sa college pero make sure na hindi mo ipe-pressure ang sarili mo kasi isa ‘yon sa dahilan kung bakit lalo kang natatalo.” Tinapik pa ni Martin ang kaniyang balikat.
Nakaramdam naman ng kaunting paggaan ng kalooban si Mico. “Salamat, pare.”
Nabawasan man ang kaniyang pangamba ay nananatili siyang nag-aalala para sa magiging reaksyon ng kaniyang mga magulang. Sanay kasi ang mga ito na lagi siyang una sa lahat.
Isa pa ay gusto niya talagang ipakita sa mga ito na siya ang magiging daan tungo sa kanilang pag-unlad. Natatakot siyang baka isipin nilang nagpapabaya na siya sa kaniyang pag-aaral.
Dahil doon ay bagsak ang balikat niya habang siya ay pauwi. Naglalakad pa lang siya sa kanto ng kanilang subdivision ay para na siyang masusuka sa kaba. Tila ba nasasaktan na siya ngayon pa lang habang ini-imagine niya ang dismayadong mukha ng kaniyang inay at itay.
“Kaya mo ‘yan, Mico. Tanggapin mo ang sasabihin nila sa’yo. Ginawa mo ang best mo,” pagpapalakas niya ng kaniyang loob nung ilang hakbang na lamang ang layo niya sa kanilang bahay.
“Teka, ano kaya ‘yon?”
Nagtatakang napatitig si Mico sa tarpaulin na nakasabit sa gate ng kanilang bahay. Hindi niya kasi gaanong makita kung ano ang nakalagay sa naturang tarpaulin dahil hinubad niya kani-kanina lang ang salamin niya sa mata. Agad niyang isinuot iyong muli upang makita kung ano nga ba ang nakalagay sa misteryosong tarpaulin at ganoon na lamang ang kaniyang gulat nang makita niya ang nakasulat doon!
“CONGRATULATIONS, MICO FRANCISCO, FOR BEING THE SALUTATORIAN! WE ARE SO PROUD OF YOU!”
Tulala si Mico at pakiramdam niya’y nakalutang ang kaniyang mga paa habang naglalakad siya papasok sa kanilang bahay.
Unti-unti ay naririnig niya ang masasayang ingay ng halakhakan ng mga taong naroon sa loob. Naaamoy din ni Mico ang halimuyak ng mga bagong lutong pagkain mula sa loob ng kanilang bahay.
“Mare, eh, ‘di ang saya mo dahil pumangalawa sa pinakamataas ang anak mo ngayong taon? Aba’y napakatalinong bata niyan, ah!” dinig ni Mico na sabi ng isa sa bisita ng kaniyang ina.
“Aba, oo naman, mare! Napakasipag ng batang iyon. Alam mo bang nagpa-part-time job din siya para makabawas sa gastusin namin? Wala na kaming mahihiling pa sa anak naming ‘yon,” sagot naman ng kaniyang ina.
“Balita ko nga rito sa best friend niya kung hindi nga lang na-late ng pasa sa isang project niya si Mico, eh, ‘di mas mataas pa ang grade na nakuha niya at siya ang valedictorian ngayon. Noong araw kasi ng pasahan ay kinailangan niyang mag-overtime sa trabaho kaya’t kinabukasan na siya nakapasok at nakapagpasa ng proyekto,” singit naman ng nabobosesan niyang ama.
Pakiramdam ni Mico ay tila inilulutang siya sa ulap dahil sa kaniyang narinig. Tinakbo niya ang kinaroroonan ng mga magulang at niyakap ang mga ito bago siya lubusang nagpasalamat.
Mali pala ang inaakala niya. Hindi niya kailangang manguna palagi sa eskwela dahil sadyang proud ang mga magulang niya sa lahat ng kaniyang mabuting ginagawa maliit man ito o malaki. Sapat na sa kanila na ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya dahil anumang achievement ang makamit niya ay pinahahalagahan talaga ng mga ito.