Inday TrendingInday Trending
Matapobre Ka Pala, Eh!

Matapobre Ka Pala, Eh!

Kainitan ng panahon ng tanghaling iyon sa terminal ng jeep. Patuloy sa pagdagsa ang mga pasahero dahil sa init ng tirik na tirik na araw.

Maingay ang dispatser sa naturang lugar dahil sa pagtatawag nito ng pasahero. Kahit mukhang nanlalagkit na sa pawis at nangungunot na ang noo sa init ay patuloy pa rin sa pagsusumikap tulad rin ng mga driver ng jeep.

“Pare, o!” Inabutan na ni Mang Jaime ang kanilang dispatser sa terminal na iyon ng isang daang piso bilang bayad sa pagtatawag nito ng pasahero.

“O, ang laki naman nito, boss?” tila nagtatakang tanong ng dispatser matapos abutin ang pera mula kay Mang Jaime. “Sige na. Sa iyo na ‘yan,” sagot naman nito nang nakangiti.

“Salamat, boss!” natutuwang sabi ng dispatser na agad ding sinilid ang pera sa bulsa nito upang makapagtawag na muli ng pasahero.

Nagsimulang paandarin ni Mang Jaime ang jeep na may kumpiyansang maihahatid niya ng ligtas ang kaniyang mga pasahero sa kani-kanilang destinasyon ngunit ‘di inaasahang bigla na lang tumirik ang kaniyang sasakyan sa kalagitnaan ng kanilang pagba-biyahe. Nasiraan pala sila!

“Mga ma’am at sir, pasensya na po. Nasiraan tayo, eh. Ibabalik ko na lang ho ang mga ibinayad ninyo. Lipat na lang po muna kayo sa iba,” magalang na pagbibigay alam ni Mang Jaime sa kaniyang mga pasahero tungkol sa nangyari.

“Ano ba ‘yan, hassle! Ba’t kasi hindi chini-check kung maayos ang makina bago bumiyahe?!”

Nagulat na lamang si Mang Jaime nang marinig ang reklamong iyon ng isang aleng kaniya ring pasahero.

“Pasensiya ka na talaga, ma’am. Nag-check naman ako kanina. Ayos naman. Hindi ko akalaing masisiraan ako sa kalagitnaan ng biyahe. Ibabalik ko naman po ang pamasahe ninyo. Huwag po kayong mag-alala,” kalmado at magalang pa ring sagot ni Mang Jaime sa naturang babae kahit pa halata naman ang laki ng itinanda niya rito. Mukha kasing nasa late 20s lang ang babaeng nagrereklamo.

“O, so kasalanan pa naming mga pasahero, ganoon? Bawal kaming ma-bad trip dahil hassle ‘yang pagkasira ng sasakyan mo? Bakit ka pa kasi bumabiyahe, eh, mukha namang bulok na itong jeep mo?” gigil na gigil pang pangmamata ng babaeng reklamador kay Mang Jaime.

“Hoy, ate, matuto ka namang gumalang sa matanda. Hindi naman niya ginustong masiraan siya’t mawalan ng kita ngayong araw. Huwag kang matapobre diyan!” Isang pasahero na ang sumingit sa usapan nang hindi na nito kayanin ang naririnig mula sa babae.

“Isa ka pa, eh! Bakit sumasali ka pa? Tsaka puwede ba? Hindi ko kasalanang mawawalan ng kita ang driver na iyan ngayon pero kasalanan niyang male-late ako ngayon sa mga ka-meeting ko! Bwisit!” anas pa ng babaeng matapobre bago bumaba ng jeep at pumara ng panibagong masasakyan.

Napailing na lamang ang iba pang mga pasaherong naiwan sa jeep ni Mang Jaime.

Lingid sa kaalaman ng babaeng matapobre na mayroon pa lang kumuha ng video ng mga pangyayaring naganap sa loob ng jeep at kitang-kita roon kung papaano niya minata ang driver nito.

Sa ilang minutong lumipas ay mabilis na lumobo ang bilang ng views, shares, reactions at comments ng mga netizens matapos iyong mai-upload ng isa rin sa mga pasahero kanina.

Samantala, wala pang kaalam-alam noon ang babaeng matapobre na nagngangalan pa lang Gretchen. Isang sales representative ng isang kompaniya.

Ngayon ay may meeting pala siya sa isa sa kanilang mga investors kaya ganoon na lang din ang galit niya sa kapalpakan ng driver.

Dali-daling nagtungo si Gretchen sa lugar kung saan nila napagkasunduang magkita ng investor ngunit nang abutan niya ito ay mukhang nainip na yata sa kahihintay sa kaniya dahil paalis na ito.

“Sir, pasensiya na po talaga kung nahuli ako ng dating. Mayroon lang pong hassle na nangyari sa daan. Can you please be seated again so that I can make it up to you, sir?” pangungumbinsi ni Gretchen sa kanilang investor.

“Puwede naman, Miss Gretchen Lirio, but can I ask what kind of hassle sa daan ang tinutukoy mo? Ito ba?” sabi ng kanilang investor bago nito ipinakita sa kaniya ang isang video na naka-post sa Facebook, iyong video ng nangyari kanina sa jeep!

Biglang nawalan ng sasabihin si Gretchen dahil sa kaniyang nakita. Maging ang tinging ipinupukol sa kaniya ng kanilang investor ay may halong galit. Pakiramdam niya ay animo siya binuhusan ng malamig na tubig.

“Kung hindi mo kayang makipagkapwa tao paano ako makasisiguro na magiging safe ang perang ii-invest ko sa inyong kompaniya? I will never risk my money for people like you,” matigas pang saad ng investor na ngayon ay mukhang aatras na sa deal.

“Wala pa naman tayong napipirmahang kontrata so sa tingin ko ay puwede ko pa namang gawin ito. I am backing out. Wala na akong balak pang mag-invest sa inyong kompaniya.”

“Pero, sir…” Gusto sanang magpaliwanag pa ni Gretchen sa naturang investor nang muli siyang putulin nito sa pagsasalita.

“Oh, I forgot to mention. Itong driver na minata-mata mo kanina ay ang aking ama na ang libangan lamang ay ang mamasada ng jeep tulad ng kaniyang dating trabaho. So be ready to receive a subpoena because I will file a case against you,” dagdag pa ng matikas na lalaking iyon pagkatapos ay tinalikuran na si Gretchen at tuluy-tuloy nang naglakad palayo.

Naiwan ang matapobreng si Gretchen na tulala at nangangambang baka mawalan na nga siya ng trabaho magkakaroon pa siya ng kaso!

Sana pala hindi na lang siya naging mapagmataas. ‘Di sana ay wala siyang pinagsisisihan ngayon!

Advertisement