Niyaya ng Binata ang Nobya sa Isang Simpleng Kainan Lamang Imbes na sa Mamahaling Restawran; Sasama Kaya Ito sa Kaniya?

“Happy anniversary, babe!” masayang bati ni Cheska sa nobyong si Marvin, saka ginawaran ng magaang halik ang labi nito. “Saan tayo?” nasasabik nitong tanong.

Ito na ang pangatlong anibersaryong magkasama sila at sana’y tumagal pa silang dalawa’t malampasan ang kahit anong pagsubok na dumaan sa relasyon nila.

Alanganing ngumiti si Marvin, nagtanggal muna ito ng bara sa lalamunan saka nagsalita. “Babe, doon na muna tayo sa tapsilugang alam ko, pwede?” nag-aalangang sambit ni Marvin sa nobya.

Matamis namang ngumiti si Cheska saka tumango. “Sige, game!”

Agad namang sumilay ang ngiti sa labi ni Marvin. Mabuti na lang at hindi kinuwestyon ng nobya ang sinabi niya. “Tara,” aya ni Marvin.

Nang may dumaang jeep ay agad niya itong pinara upang ihatid sila ni Cheska sa tapsilugang kaniyang paboritong kainan.

Nang makarating sa naturang tapsilugan ay agad na naghanap si Marvin nang bakanteng upuan para sa kanilang dalawa ni Cheska at saka umorder ng kanilang makakain.

Habang hinihintay ang pagdating ng pagkain ay tahimik na pinagmasdan ni Marvin ang nobyang panay ang tingin sa ibang taong kumakain sa paligid. Ito ang unang beses na dinala niya sa ganitong klaseng lugar ang nobya.

Advertisement

Madalas ay sinisikap niyang dalhin ito sa mamahaling lugar, ‘di baleng maubusan siya ng budget para sa sarili. Ang mahalaga’y maibigay lamang niya sa nobya ang nararapat para dito. Ang palagi niyang katwiran sa sarili’y minsan lang naman niyang nalilibre ang nobya. Kaso— talagang kinakapos siya ngayon.

“Babe,” mahina niyang tawag sa pangalan nito.

“Hmm?”

“Sorry ah, kung ito lang ang nakayanan ko. Alam kong iniisip mong ang cheap ng lugar na ito, at dapat hindi kita rito dinala lalo na’t anibersaryo natin ngayon,” nahihiyang sambit ni Marvin, habang mahigpit na hinahawakan ang kamay ng nobya. “May mga binayaran kasi ako babe, saka nangailangan si bunso ng extra allowance, malapit na raw kasi ang exam nila kaya marami nang project na kailangang bilhin.

Saka no’ng isang araw birthday ni papa, nakakahiya namang hindi ako maglabas ng pera. Kaya wala akong sapat na pera upang dalhin ka sa mamahaling restaurant ngayon. Pangako babe, babawi ako next time. Sa ngayon ay pagpasensiyahan mo muna ako,” malungkot niyang wika.

Agad namang ngumiti si Cheska saka malamyos na dinama ang pisngi ng nakokonsensyang nobyo. “Ano ka ba, babe? Okay lang naman sa’kin ito. Masaya ako kasi sabi mo kanina’y ito ang paborito mong kainan, kaya mo ako dinala rito. Promise, wala akong naisip kung ‘di iyon lang.

Ang totoo’y hindi naman mahalaga sa’kin kung saan tayo kakain ngayon, ang mas mahalaga’y magkasama tayong dalawa sa anibersaryo natin. Doon pa lang ay masayang-masaya na ako, bonus na lang ito. Hindi mo kailangang makonsensya’t manghingi ng pasensiya sa’kin. Ang effort at oras na ibinibigay mo’y sapat na upang malaman kong mahal mo ako,” ani Cheska, saka malambing na ngumiti.

“Talaga babe?” masayang sambit ni Marvin.

Advertisement

Tumango-tango si Cheska saka dinampian ng halik ang labi ng nahihiyang nobyo. “Masaya ako kasi magkasama tayo ngayon, wala akong pakialam kung saang lugar o ano ang pagkaing kakainin natin. Ang presensya mo pa lang, babe, ay sapat na sapat na upang sumaya ako. At saka sino ba naman kasi ang may sabing dalhin mo ako sa mamahaling restaurant?”

“W-wala,” nakayukong wika ni Marvin. “Gusto ko lang ibigay sa’yo ang lahat ng kaya kong gawin, gano’n kita kamahal.”

“Ang sweet naman talaga ng nobyo ko,” nang-aasar na sambit ni Cheska. “Masaya ako kasi nadadala mo ako sa gano’ng klaseng lugar, pero alam mo ba kung saan talaga ako mas masaya? Siyempre sa presensya mo. Ikaw lang sapat na, babe. Kahit sa turo-turo mo pang ako dalhin ay okay lang, basta ikaw ang kasama ko. Hindi mo kailangang gumastos ng mahal sa’kin, ibigay mo lang nang buo ang pagmamahal mo’t ang sapat na oras ay ayos na ako.

At saka kung tutuusin nga’y pwede mo lang naman akong batiin ng happy anniversary at huwag nang yayaing mag-date kasi sabi mo nga’y wala kang sapat na budget ngayon. Pero inaya mo pa rin ako at sinikap na mag-effort kahit sa simpleng paraan. Doon pa lang ay plus pogi points ka na sa’kin, babe. Mahal kita, kaya presensya mo lang ay sapat na sapat na,” nakangiting wika ni Cheska at muling dinampian ng halik ang pisngi ni Marvin.

“Salamat, babe. Nag-alala talaga ako kanina kasi baka ma-disappoint ka sa’kin kasi dito lang kita dinala kanina,” ani Marvin na tila nahugutan ng tinik sa puso.

“Salamat babe, at naiintindihan mo ako. I love you, babe. Ngayon ko mas napatunayan na ang swerte ko kasi ikaw ang nobya ko,” masayang wika ni Marvin saka niyakap ng mahigpit si Cheska.

Tama si Cheska, hindi mo kailangang gumastos ng malaki para lang patunayang mahal mo ang isang tao. Oras at effort lang ay sapat na upang iparamdam sa mahal mo kung gaano sila kahalaga.

Masaya silang kumaing dalawa at nakikita naman ni Marvin na totoong masaya si Cheska sa pagkaing isinilbi ng tapsilugang kaniyang paboritong kainan.

Advertisement

Pagkapatos nilang kumain ay saka sila namasyal upang mas gugulin ang oras na magkasama silang dalawa sa kanilang ika-tatlong taong anibersaryo.