
Noong Bata pa ang Kaniyang Anak ay Kinukunsinti Niya Ito sa Kalokohan; Laking Pagsisisi Niya nang Tumanda Ito
“Makinig ka sa akin, Lino, ha? Huwag na huwag kang lalabas ng bahay ngayong araw kung puro kalokohan lang ang gagawin mo!”
Naghuhugas ng pinggan sa may kusina si Beth nang dumagundong sa halos buong bahay ang sigaw na iyon ng asawa niyang si Anthony. Dali-dali siyang nagbanlaw ng kamay upang alisin ang mga bulang dumikit doon at pinuntahan sa salas ang kaniyang mag-ama.
“Anthony, bakit naman pinagagalitan mo ’yang anak natin nang ganiyan? P’wede ka namang huminahon,” agad na ani Beth sa asawa at agad na pinuntahan ang kanilang anak na ngayon ay humihikbi na dahil sa takot nito sa ama.
“Huminahon?!” Natawa nang mapakla si Anthony sa tinuran ni Beth. “Paano ako hihinahon? Nakita ko mismo na nanguha sa paninda nina Aling Ising ’yang batang ’yan! ’Ke bata-bata pa niyan, Bethy, pero marunong nang manguha ng hindi kaniya!” galit pang dagdag nito na sa galit ay pumangewang pa.
“Ano ka ba naman, mahal, bata ’yan, e. Hayaan mo’t pagsasabihan ko,” ngunit muli ay katuwiran ni Bethy bago muling hinarap ang anak. “Don’t cry na, anak, hindi na galit si papa,” pag-aalo niya rito.
Dahil sa kaniyang ginawa ay tila lalong nag-init ang ulo ni Anthony. “Ano ka ba naman, Beth?! Kaya lumalaking ganiyan ’yan dahil kinukunsinti mo! Pitong taong gulang na ’yang si Bryan, pagkatapos, parang baby pa rin kung tratuhin mo! Alam mo bang nanggulpi ’yan ng kalaro niya kahapon kahit hindi naman siya inaano?”
Ngunit hindi pinansin ni Beth ang sinasabi ng asawa at patuloy pa ring inaalo ang anak na ngayon ay lalong pinag-igihan ang pag-iinarte dahil nakikitang kinakampihan niya ito. Sa inis ay wala nang nagawa si Anthony kundi ang mapahilamos na lamang sa kaniyang sariling mukha.
“Bahala ka nga!” sabi pa nito bago lumabas ng bahay.
Ganoon na lang palagi ang senaryo nilang mag-asawa. Halos palagi silang nagtatalo at nag-aaway dahil sa ugali ng kanilang anak na si Bryan na habang tumatagal ay tila lalo pang nagiging hindi kaaya-aya. Muntik pa nga iyong pag-ugatan ng kanilang hiwalayan ngunit mabuti na lamang at mas nanaig ang pagmamahal nila sa isa’t isa.
Lumipas ang ilang taon at tuluyan nang nagbinata ang kanilang anak. Nasa high school na ito nang biglang magkaroon ng karamdaman si Anthony. Hindi naman ganoon kalala ngunit kailangan nitong mag-maintenance ng gamot upang pigilan ang paglala ng kaniyang sakit. Dahil doon ay nagkaroon sila ng dagdag gastusin na naging sanhi ng kanilang pagtitipid.
Hindi nagustuhan ni Bryan nang bawasan ng kaniyang mga magulang ang dalawang daang pisong baon niya sa eskuwela araw-araw na naging isang daan at limampung piso na lamang. Dahil doon ay nagpasiya siyang gumawa ng paraan… isang paraang kahit alam niyang masama ay ginawa niya pa rin dahil alam naman niyang kakampihan pa rin siya ng kaniyang inang si Beth—kinupitan niya ang kaniyang mga magulang!
Ang isang beses na pangungupit ni Bryan sa kaniyang mga magulang ay naulit pa ng isang beses… na nadagdagan ng isa pa, at isa pa ulit hanggang sa halos tila nakasanayan niya nang gawin ito.
Noong una ay nagtataka pa sina Beth at Anthony kung bakit tila yata palagi silang nawawalan ng pera, ngunit isang gabi ay naaktuhan ni Beth ang kanilang anak na si Bryan habang nangunguha ito ng isang libong piso sa kaniyang pitaka!
Galit na galit ang babae. Laking pagsisisi niya na kinukunsinti niya noon ang anak. Hindi niya akalaing darating ang araw na sa kanila na mismo gagawin ni Bryan ang mga ganoong bagay na para bang hindi sila nito mga magulang!
“Ang kapal ng mukha mong bata ka! Wala kang utang na loob!” namumula sa galit na hiyaw ni Beth bago inisang hakbang ang pagitan nila ng anak. Agad niyang inabot ang punong-tainga nito at piningot ito nang pino!
Dala ng matinding galit ay talagang napagbuhatan ni Beth ng kamay ang anak na tila nabigla rin nang saktan siya ng kaniyang ina. Ito ang unang pagkakataon na nangyari ito kaya’t agad na nadala ang binata!
Simula nang araw na iyon ay hindi na inulit pa ni Bryan ang kaniyang masamang gawain. Labis kasi ang naging takot niya sa ina. Tila natauhan din siya na talagang sobra na ang kaniyang kasalanan sa mga ito kaya naman simula noon, kahit papaano ay unti-unti niyang pinagtino ang sarili. Laking pasasalamat naman ni Anthony at sa wakas ay nagbukas na ang isip ng kaniyang misis na huwag nang kunsintihin ang kanilang anak sa tuwing ito ay may ginagawang mali.
Ang tunay na magulang ay nariyan upang gumabay sa anak para lumaki itong mabuting tao.