
Nagpanggap na Pulubi ang Babaeng Ito Para sa Kaniyang Vlog; Hindi Niya Akalaing Dahil Doon ay Matatagpuan Niya ang Matagal na Niyang Hinahanap
“What’s up, guys! Sobrang exciting ng magiging vlog natin for today dahil magpapanggap ako bilang isang—pulubi! Pagkatapos ay mamimigay ako ng pera sa mga taong tutulong sa akin ngayong araw, kaya sana ay samahan n’yo ako… tara!”
Masaya ang pambungad na bati ni Lianna, isang sikat na vlogger, sa intro ng kaniyang panibagong ginagawang video. Kakaiba kasi sa karaniwan niyang mga contents ang kaniyang gagawin ngayon dahil ngayon ay ibang klaseng pagtulong na naman sa kapwa ang kaniyang pinaplano.
Maghahanap siya ng mga good samaritan na maaari niyang bigyan ng papremyong nararapat para sa kanila, ngunit hahanapin niya sila sa pamamagitan ng pagpapanggap na isa siyang pulubi!
Isang matagumpay at mayamang negosyante si Lianna sa edad lamang na bente otso. Maganda na ang kaniyang buhay ngayon, hindi tulad noong siya ay bata pa na talagang naghihirap sila ng kaniyang ina. Nagsikap kasi si Lianna kaya nakamit niya ang kaniyang kinalalagyan ngayon dahil gusto niyang mahanap ang noon pa man ay nawawala niya nang ama. Dahil doon ay napunta siya sa pagba-vlog. Naisip kasi ng dalaga na kung sakaling sisikat siya ay baka mapanuod siya ng kaniyang papa na dati ay isang OFW na bigla na lamang hindi umuwi sa kanila sa hindi malamang dahilan.
Walang sama ng loob si Lianna sa ama. Handa siyang tanggapin ang anumang magiging rason nito. Wala na rin siyang pakialam kung may iba na itong pamilya. Ang gusto lamang niya ay muli itong makita at makapiling o mayakap man lang kahit sandali.
Sinimulan na ni Lianna ang paghahanap ng mga good samaritan. Naranasan niya kung gaano kahirap mamalimos kahit pa halos ayaw siyang pansinin ng mga tao. Pagod na si Lianna sa paglalakad sa ilalim ng tirik na tirik na araw ngunit kakaunti pa lamang ang mga taong tumutulong sa kaniya na kalaunan ay kaniya ring nabibigyan ng biyaya.
Naisipan ni Lianna na maupo muna sa isang waiting shed. Nakatutok pa rin sa kaniya ang camera na hawak ng kaniyang tauhan sa ’di kalayuan. Nakaramdam siya ng pagkalam ng kaniyang sikmura kaya naman hindi niya namalayang napahawak na pala siya sa kaniyang tiyan. Nagulat na lang siya nang biglang may mag-abot sa kaniya ng pagkain…
“Hati tayo rito, gusto mo?” anang isang tinig na siyang may-ari ng marungis at maruming kamay na nag-aabot sa kaniya ngayon ng isang tinapay. Napangiti naman si Lianna at nag-angat siya ng tingin, ngunit… nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang mukha nito!
Hindi mapigilan ni Lianna na mapaluha nang makilala ang kaniyang ama! Tumanda man ang hitsura nito dahil sa paglipas ng panahon, naging marungis man ito’t humaba ang balbas at bigote, hindi siya maaaring magkamaling ito nga ang kaniyang ama.
Tinanggap ni Lianna ang tinapay na iniaabot nito. Naupo rin ito sa kaniyang tabi. “Anong pangalan mo?” tanong nito.
“L-Lianna po…” sagot naman niya. Tila biglang natigilan ang kaniyang ama ngunit maya-maya ay nagsalita ulit ito.
“Ang ganda naman ng pangalan mo. Ilang taon ka na po?” muli ay tanong pa nito. Tila kakaiba dahil animo ito bata kung magtanong ngayon.
“B-bente otso po,” garalgal namang sagot muli ni Lianna.
“Ako naman, hindi ko alam kung ano’ng pangalan ko at kung ilang taon ako.”
Agad na kumunot ang kaniyang noo sa sinabi ng kaniyang ama. “Bakit naman po?”
“Kasi, sabi sa akin n’ong doktor doon sa ospital dati, ulyanin daw ako. Kaya raw ako pinauwi dito. Sa ibang bansa kasi ako nakatira dati, e. Pero ayaw ko doon sa mga doktor kasi ayaw nila akong palabasin doon, e. Kaya umalis na ako doon,” paliwanag naman nito. Doon pa lang, pakiramdam ni Lianna ay nasagot na ang lahat ng katanungan sa kaniyang isip. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya kaya pang pigilan ang damdamin at niyakap na niya ang matanda.
“Ikaw po ang papa ko! Ikaw po si Idelfonso Marasigan!” bulalas niya habang iyak siya nang iyak. Hindi niya akalaing sa kaniyang tangkang pagbibigay ng biyaya sa kapwang may mabubuting puso ay matatanggap din niya ang pinakamalaking biyaya sa kaniyang buhay… ang makita ang kaniyang ama!
Matapos iyon ay agad na pinaimbestigahan ni Lianna ang nangyari sa kaniyang papa. Nalaman niyang nakulong pala ito sa ibang bansa nang ilang dekada dahil sa paglaban nito sa malupit nitong amo na naging sanhi ng pagkalagot ng hininga nito. Iyon ang naging dahilan kung bakit nawala sa katinuan ang isip ng kaniyang ama at basta na lamang pinauwi sa Pilipinas nang wala man lamang dalang gamit na magpapatunay ng pagkatao nito! Nang tumakas ito sa ospital ay nagpalaboy-laboy ito sa daan kaya ito naging pulubi.
Labis na tuwa ang nadarama ngayon ni Lianna, ngunit mababawi na niya ngayon ang lahat ng nawalang taon na buo ang kanilang pamilya.
Umani naman ng sangkatutak na likes at views ang kaniyang vlog kaya naman lalo pang nadagdagan ang kaniyang mga tiga-subaybay. Ngayo’y palagi na niyang kasama ang kaniyang pinakamamahal na ama sa kaniyang mga vlogs. Ginamit niya rin ang perang kaniyang kinikita sa mga videos na ginagawa niya upang ipagamot ang kaniyang ama. Makalipas lamang ang ilang buwang gamutan, kasabay ng pagtutok at pag-aalaga niya rito, tuluyan nang bumalik ang alaala nito at nagbalik na sa katinuan. Ngayon nga ay plano na nilang libutin ang mundo upang ipasyal ang kanilang buong pamilya. Tiyak na mag-eenjoy ang lahat dahil sa wakas ay buo na silang muli!