Ikinahiya ng Dalaga ang Kuya Niyang Mang-mang at Walang Pinag-aralan, Isang Pangyayari ang Tuluyang Naglayo sa Kanya Dito
Hanggang Grade 3 lang ang inabot ni Nestor, kumbaga’y “No Read No Write” ang kanyang estado sa buhay. Noong namatay ang mga magulang nila ay siya na ang umako ng responsibilidad na palakihin ang kapatid na babae pati na rin ang pinsan na si Lando na inampon niya matapos iwan ng mga magulang.
Matalino at puno ng ambisyon sa katawan si Rebecca, nag-apply ito ng scholarship sa hindi pipitsuging kolehiyo at pumasa naman kaya hindi ito magkamayaw sa pagpipilit kay Nestor na lumuwas patungong Maynila.
Ayaw pa sana itong payagan ng kuya niya pero sa bandang huli ay napagpasyahan din nitong paalisin siya dahil ayaw nitong maging balakid sa mga pangarap ng kapatid.
“Kuya, ano’ng ginagawa niyo dito?” gulat na gulat na tanong ng babae pag-uwi nito sa bahay ng kanilang Tiyo Martin.
“Becca, bakit ganyan ang hitsura mo hindi mo man lang ba ako yayakapin? Miss na miss na kita.”, papilit na niyakap ng dalaga ang kuya niya. Sumunod sa Maynila si Nestor at Lando, hindi kasi nito matiis ang kapatid na babae dahil sa sobrang pagmamahal nila dito.
“Sobrang pagod lang kuya, madami kasi kaming ginawa sa eskwela kaya magpapahinga na ako ah, maaga pa akong aalis bukas.”
“O sige, saka na tayo magkwentuhan maghahanap nga pala ako ng trabaho bukas para makatulong dito sa pag-aaral mo.”
Kinabukasan..
“Iyong mga nag-aaply diyan lumapit na dito at isulat niyo pangalan niyo dito para mabilis tayo. Ikaw, sir! Bilisan mo naman diyan aber di ka ba marunong sumulat?” Saad ng lady guard. Pinagpapawisan ng malagkit at nanginginig ang mga kamay ng binatilyo.
Sinuyod ni Nestor ang lahat ng posibleng mapapasukang trabaho, pero dahil sa kanyang kakulangan ay hindi ito natatanggap. Pero hindi siya sumuko, alam niya sa sarili niya na maabilidad siya kahit hindi siya nakapag-aral. Sa kabutihang palad ay may isang mabuting samaritano ang kumuha sa kaniya bilang kargador sa pier.
“Yan dagdag mo sa baon mo, unang sweldo ko yan.” Masayang inabot nito ang pera sa kapatid.
“Ito lang eh kulang pa ito para sa mga school projects ko eh, tapos baon ko pa tsaka pamasahe ko, sa susunod dagdagan mo naman, kuya.” Banat ng dalaga.
“Pasensya na, arawan kasi ang sweldo ko pero nakapangako naman yung bisor ko, sabi’y dadagdagan niya ‘yan sa susunod na buwan.”
“Sus antagal pa ‘non, di bale pagtyatyagaan ko na lang ito.” Nakasimangot pa itong umalis.
Lingid sa kaalaman ng Kuya niya ang mga ginagawa nito sa kolehiyo. Simula ng mabarkada sa mga kaibigan na mayayaman ay nag-iba ang ugali nito, nasilaw ito sa materyal na bagay.
“Becca, pakigawa nga itong assignment ko pag natapos mo yan isasakay kita sa kotse ko.” Utos ng isang lalake.
“Naku talaga, sige kayang-kaya ko yan! O, kayo baka may mga papagawa pa kayo diyan ako na bahala basta sama niyo lang ako sa inyo ah.”
Dahil sa madalas nitong pagsama sa mga mayamang kaibigan ay napabayaan na nito ang pag-aaral at nanganganib na mawala pa ang scholarship niya.
Ginabi ng uwi si Nestor ng araw na iyon dahil pinili nitong mag-overtime para sa panggastos ng kapatid ngunit laking gulat niya nang makita itong bumaba sa kotse na puro lalake ang sakay.
“Becca wag mong kalimutang tapusin ‘yan kailangan ko na ipasa yan bukas. Kilala mo ba yan?” Sabay tingin kay Nestor.
“Okay sige, ako na ang bahala dito. Wala ‘yan, houseboy namin ‘yan.” Bulong na sagot ng dalaga.
“Sino ang mga yon?” Tanong ng kuya niya.
“Ano ba’ng pakialam mo, lahat na lang inaalam mo! Tsaka pwede ba wag kang haharap sa mga kaibigan ko na ganyan ang suot mo? Ano na lang ang sasabihin nila, nahihirapan na ‘kong alagaan ang pagkatao ko pero ikaw hinihiya mo ako sa kanila palibhasa mahina ang ulo mo.” Pagbubunganga ng babae.
Binalewala lang ito ng binata, mahal na mahal niya talaga ang kapatid niya. Naniniwala siyang ang mga kaibigan lang nito ang sumisira dito. Ang alam niya ay ang lahat ng tao’y kahit mukhang masama sa panlabas ay may naitatago pa ring na kabaitan sa loob.
Di katagalan ay nalaman na rin ng Kuya niya na delikado na ang lagay ng scholarship niya. At dahil hindi nila kakayanin ang matrikula ay niyaya na lamang siyang bumalik sa probinsya ng kapatid pero nagulat ito sa isinagot niya.
“Hindi na ‘ko babalik don! Bakit pa? Para mabulok doon kasama mo? Mas mabuti pa sa mga mayaman kong kaibigan! ‘Pag dumikit ako sa kanila’y may kinabukasan ako pero kung sa ’yo? Mamalasin lang ako! Hanggang diyan lang kaya mo! Huwag kang magmagaling!” Napuno na ng tuluyan si Nestor sa pambabastos ng kapatid nito, sinampal niya ito at tinapon ang mga damit sa labas ng bahay.
“Lumayas ka! Ako na ang nagpapakahirap dito para buhayin ka! Iyan pa ang igaganti mo sa akin? Wala kang utang na loob! Kung ikinahihiya mo ako, ikinahihiya din kita!” Wika nito habang dinuduro ang dalaga.
“Kung ano man ang utang ko sa iyo, bayad na ako!” Sagot ng babae at sabay umalis.
Napaluhod sa kinatatayuan ang lalake. “Diyos ko bakit mo ko pinahihirapan? Anu ba nagawa kong mali sa iyo at ganito ginagawa mo sa akin? Hindi naman ako naging masamang kapatid, pero bakit ganito sinusukli mo sa akin” lumuluhang panalangin niya.
Ngunit hindi ata natatapos ang paghihirap ni Nestor, maya-maya dumating ang pinsan nitong si Lando na hapong hapo na nanakbo sa kanya, “Kuya tulungan mo ko hinahabol nila ako.”
“Sino?” Sa isang mabilis na iglap, umalingawngaw ang putok ng baril.
Bagsak ang lalake habang nakahawak sa duguang dibdib, “Rebec-ca” mariing bulong nito habang nag-aagaw buhay.
Hindi nagpakita ng ilang linggo si Rebecca sa pamilya niya, nilapitan niya ang mga mayayamang kaibigan pero sinampal siya ng reyalidad na pawang pekeng kaibigan pala ang mga ito. Lubos na nanlumo ang dalaga at biglang naisip ang buong panahon na pinaghihirapan ng kanyang Kuya na buhayin siya pero minaliit niya ito at ikinahiya kaya naisip nito na humingi ng paumanhin.
“Tsong Martin? Kuya? Lando? Pabukas po ng pinto.” nagtatakang bakit walang sumasagot sa bahay.
“Miss, walang tao diyan kakaalis lang nila, hindi mo ba alam?
“Alam ang alin?” kinakabahan na tanong ng dalaga.
“Ngayon ang libing ni Nestor, ang balita pinagtanggol niya yung pinsan niyang si Lando dun sa mga sindikato, kaya lang napuruhan siya ng tama ng baril sa dibdib. Kamag-anak ka niya diba?” kwento ng kapitbahay.
Gumuho ang mundo ng dalaga, sumugod ito kaagad sa sementeryo at baka abutan pa ang kapatid ngunit huli na ang lahat. Dahan-dahan itong napaluhod at kinakapa-kapa ang lupa kung saan nakahimlay ang kapatid.
“Kuyaaa-kuyaaa” tanging mga salita na lumalabas sa bibig nito habang umiiyak. “Pangalan mo lang ang tinatawag niya hanggang sa maubos ang hininga niya, mahal na mahal ka niya, Ate Rebecca” kwento ni Lando sabay pahid sa pumapatak na luha.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!