Inday TrendingInday Trending
Nakitang Muli ng Lalaking Malapit nang Maging Pari ang Dating Nobya na Sinaktan ang Puso Niya, Hindi Pa Pala Huli ang Lahat sa Kanilang Dalawa

Nakitang Muli ng Lalaking Malapit nang Maging Pari ang Dating Nobya na Sinaktan ang Puso Niya, Hindi Pa Pala Huli ang Lahat sa Kanilang Dalawa

Ilang taon na lang ay malapit na maging ganap na pari ang seminaristang si Elmer. Bata pa lang siya ay naninilbihan na ito sa kanilang parokya bilang isang sakristan at mula noon ay nagpasya na siyang ituloy-tuloy ang paglilingkod sa Diyos.

“O siya humayo kayo at pagpalain ng Diyos na Maykapal. Tandaan niyo hanapin niyo sa inyong mga sarili ang tawag ng Panginoon at pakinggan niyo ng mabuti ang boses na sinisigaw ng puso niyo.” bilin ng Obispo bago sila lumabas ng seminaryo.

Isa sa mga ritual bago ka ordinahan ng Obispo na maging ganap na pari ay pinapakawalan ka muna nila upang makapagisip-isip kung buo na ang loob mo tanggapin ang tunay na tawag ng pagpapari o di kaya’y babalik ka sa normal na pamumuhay.

“Pare sa wakas laya muna tayo, san ang balak mo?” tanong ng lalake. “Uwi muna ako sa amin, kakamustahin ko si Tatang at Inang panigurado sabik na akong makita ng mga yun.” sagot ni Elmer.

Matagal na rin noong huling nakita ng binata ang mga magulang, ngunit mayroong nakaraan ang binata na naiwan niya limang taon na ang nakalipas. Hindi niya maiwasan ang magbalik-tanaw.

“Niloko mo ko sabi mo tayo lang pero huling-huli ko kayo ni Bobby. Mga baboy kayo!” galit ng galit ang lalake.

“Makinig ka sa akin Elmer, hayaan mo kong magpaliwanag” iyak na sagot nito.

“Mga traydor kayo! Hinding-hindi ko makakalimutan ang kalapastangang ginawa niyo dalawa sa akin.”

Naging kasintahan ng binata si Mercy bago niya naisipan pumasok sa seminaryo. Wagas ang pagmamahal niya sa dalaga na dapat sana ay papakasalan na niya pero dahil sa kataksilan na nagawa ng nobya noon ay nag desisyon itong maging pari.

“Inang, kamusta na?” niyakap niya bigla ang ina habang nagwawalis.

“Elmer, sus maryosep ginulat mo ako anak. Naku nagpasabi ka naman sana para nakapaghanda kami ng Tatang mo.”

“Nasan po ba siya?”

“Naku nasa bayan bumili ng pagkain ng manok, di bale pabalik na iyon panigurado matutuwa siya kapag nakita ka.”

Masayang kumakain ng tanghalian ang mag-anak sa kanilang kubo habang kinukwento ng anak nila ang mga pangyayari sa seminaryo ngunit hindi matiis ng binata na tanungin ang kalagayan ng dating nobya.

“Maiba po pala ako, si Mercy po may balita ba kayo sa kanya?”

“Naku anak simula nang umalis ka dito eh wala na kaming nabalitaan kung nasaan siya. Ang chismis tinanan daw ni Bobby.” saad ng ina.

“Kalimutan mo na yun, intindihin mo na magpapari ka na kaya diyan mo na ibuhos ang oras mo.” payo ng ama.

Hindi makapaniwala ang binata na si Bobby ang nakatuluyan nito. Mantakin mo, nakilala nila ni Mercy sa isang tree planting noon at kaagad-agad ay may nangyari na dito. Ang malala sila pa ang nagkatuluyan. Pero parang iba ang hinahanap ng puso ni Elmer, hindi ito pinamugaran ng galit o pagkamuhi bagkus gusto niya lang malaman ang totoong pakay ng kanyang puso.

Habang nag-iikot sa loob ng isang mall ang binata ay nagulat ito ng makasalubong si Bobby, dali dali niyang nilapitan ito. Noong una naghalo ang bugso ng galit. Gusto sana niyang sapakin ito sa mukha pero nangibabaw ang pagkamahinahon niya.

“Pare, kamusta na?” nakangiti pa ito. Ngunit nagulat siya na may ka-holding hands na lalaki si Bobby.

“Elmer, masaya kang makita kang muli. Ito nga pala ang boyfriend ko, si Johnny.”

Inamin ni Bobby sa kanya ang lahat, doon lamang tuluyang nalantad ang katotohanan. “Walang kasalanan si Mercy, wala rin nangyari sa amin dahil hindi kami talo. Noong nakita mo kami na magkayakap, siya lang ang tanging nakakaintindi sa pagkatao ko kaya nagpasalamat ako sa kanya. Eh ikaw nag drama-drama ka naman arte-artehan kung nakinig ka sa kanya eh di sana okay pa kayo.” paliwanag ng baklang si Bobby.

Pinilit hanapin ng binata ang dating kasintahan pero wala nang makapagsabi kung saan ito nagpunta, sinabi na lang niya sa sarili niya na baka talagang tinadhana siya para pagsilbihan ang Diyos. Bigo mahanap ni Elmer ang pag-ibig na naudlot dahil sa maling akala, bumalik ito sa seminaryo dala ang pagkalito dahil iba ang sinisigaw ng puso niyang si Mercy ang ninanais.

Noong gabing iyon sa loob ng seminaryo nagdasal siya ng taimtim, “Panginoon, buong buhay kong iaalay ang sarili ko na pagsilbihan ka at maging kawal ng simbahang ito, tanging hiling ko ay gabayan mo ang tunay na hinihiyaw ng puso ko.”

Kinaumagahan ay napansin ng binata na may nakaupong babae sa loob ng opisina ng Obispo, paglabas ng isang kasamahan ay di niya natiis tanungin ang pakay nung babae. “Anong meron dun?” tanong niya.

“Ah ikakasal na yan, ‘pre. Naku kung nasa labas lang ako at nakita ko siya panigurado di na ko babalik dito.” natatawang hirit nito.

Nag-aayos ng mga upuan at lamesa ang binata ng maya-maya ay lumabas na ang babae, nagsulyapan ang kanilang mga mata at tila tumigil ang mundo nila. “Mercy?”

“Elmer?” sabay na hirit nito.

“Totoo ba na ikakasal ka na?”

“Oo, sa susunod na buwan na. Kinausap ko si Father kasi siya ang magkakasal sa amin.”

Hindi nabali ang malalim na pagkatitig nila sa isa’t-isa. Ang pag-apaw ng naiwang pagmamahalan ay umusbong muli at namumulaklak. “Patawarin mo ko, alam ko na ang tunay na nangyari sa inyo ni Bobby. Ang laki kong tanga.” habang hinahaplos nito ang mukha ng babae.

“Bigla kang nawala, sinabihan ako ng magulang mo na tigilan na kita kaya nagparaya na ko.”

Iba ang init na nadama nila ng maglapit ang mga labi. Ang mga katawan nilang nagdikit ay parang nagliliyab at sumisigaw ng isa pang pagkakataon ngunit dahan dahang bumitaw ang babae.

“Hindi na tama ito, magpapari ka na at may iba na ko.” sabay umalis ang dalaga.

Habang nanunumpa ng panata si Elmer sa pagkapari ay hindi na ito mapakali pa, nagulantang ang buong mundo niya na muling makita ang dating nobya na parang gusto na niyang tumawalag sa simbahan ngunit parang huli na rin ang lahat.

Pinatawag ang binata ni Father Albert at binilinan siya ng kanyang unang gagampanang trabaho, “Father Elmer bilang iyong baptism of fire ika nga nila, ikaw na muna ang mag-misa bukas. May lalakarin kasi akong importante.” ika ng kapwa pari.

“Okay Father, salamat po sa tiwala. Matanong ko lang po regular mass po ba ang hahawakan ko?” “Ah hindi, yung ikakasal bukas”

Napaubo bigla ang bagong pari. “Si Mercy iyon.” pabulong nito.

Maaga pa lang ay busy na ang mga tao sa simbahan para sa kasal ni Mercy. Magagandang puting bulaklak ang nakapalibot sa buong paligid at ang himig ng choir ay parang nasa langit ang pakiramdam mo.

“Umayos ka Elmer, pari ka na mahiya ka sa Diyos siya na ang pinili mo wag ka na magbalak pa” habang sinasampal ang mukha nito. Nagdatingan na ang mga ninong at ninang ng kasal, mga kamag-anak at bisita. Nakatayo na sa gitna ng altar si Elmer na pawis na pawis at may parang bomba sa loob ng dibdib niya na gusto ng sumabog.

Tumugtog na ang organ at nagkantahan na ang choir habang inaantay ang pagpasok ng bride mula sa pinto ng simbahan, mala-anghel ang hitsura ni Mercy na nakasuot ng mahabang gown na kulay puti habang binabaybay nito ang daan papuntang altar.

Dito na mas lalong kinabahan si Elmer, nang makarating na sa groom ang babae at sabay itong lumakad papunta sa kanya nagtinginan sila ni Mercy na pawang sila lang ang nagkakaintindihan. Tumigil na sa pagkanta ang choir at naupo na ang lahat. Isang nakakabinging katahimikan ang bumalot sa buong paligid.

Bago pa man makapagsalita si Elmer ay iba ang lumabas sa bibig nito, “Mercy” malakas na sigaw nito na bumasag sa katahimikan ng lahat. “Di ko alam kung ano itong ginagawa ko pero sinabi ko sa Diyos na buong buhay ko iaalay ang sarili ko sa kanya pero humiling ako na gabayan niya ang puso ko na mahanap ang tunay na kasiyahan, at ikaw ang sinisigaw nito.” sabay dutdot sa dibdib niya.

Hindi natuloy ang kasal ni Mercy, nagkagulo sa simbahan at sa sobrang kahihiyan ay kinausap ni Elmer ang Obispo na nais na niyang tumiwalag sa pagpa-pari. Umuwi ito ng may napakabigat na dala-dala sa kanyang mga magulang. Ngunit hindi niya akalain nang makita ang mukha ni Mercy sa labas ng barong-barong nila.

“Anu ginagawa mo dito” magkahalong lungkot at tuwa na tanong niya.

“Pinagtabuyan ako ni Oscar nang malaman niya ang tungkol sa iyo dahil sa ginawa mo sa kasal namin. Pero imbes na malungkot ako ay mas napuno ng kagalakan ng puso ko dahil sa wakas ay magiging malaya na tayong dalawa na sundin ang isinisigaw ng puso natin.

Nagyakapan ng mahigpit ang dalawa at di nagtagal ay ikinasal din sila sa lugar kung saan nabuo ang pagmamahalan nila.

Advertisement