Inday TrendingInday Trending
Hindi Inakala ng Batang Mangangalakal ng Basura na Makakapulot Siya Isang Kayamanan na Hindi Matatawaran

Hindi Inakala ng Batang Mangangalakal ng Basura na Makakapulot Siya Isang Kayamanan na Hindi Matatawaran

Si Alissa ay isang batang lumaki sa buhay ng kahirapan. Ang mga magulang niya ay kapwa naghahakot ng basura at ibang mapapakinabangang mga bagay. Sa murang edad ay namulat na siya sa pagiging masigasig at pagtityaga sa buhay. “Alissa, anong ginagawa mo d’yan?” tanong ng kanyang ina nang makita siyang nagsusulat. “May napulot po kasi akong mga gamit pang-eskwela sa basurahan. Sumusubok lang po ako kung marunong na po ako magbasa at magsulat,” paliwanag niya sa kanyang nanay. “Huwag ka nang umasa, bata ka. Sa hirap ng buhay natin, kailanman ay hindi ka na makakapag-aral pa.” Nalungkot man sa sinabi ng ina ay hindi niya pa rin tinigil ang ginagawa. Pilit niyang pinag-aaralan ang sumulat at bumasa. Araw-araw sa tuwing natatapos siya sa ginagawa at trabaho, ay pagbabasa’t pagsusulat na agad ang inaatupag ni Alissa. Madalas siyang pagalitan ng ina sa ginagawa pero pilit niya pa ring pinag-aaralan ang mga bagay na gusto niyang matutunan. “Ang…bata..ay…na-ka…” nahihirapan at nauutal man ay pinipilit pa rin niya. “Nakain.” Nangingiti si Alissa sa tuwing nakakatapos siya ng isang talata sa isang araw. Grade 1 lang kasi ang narating niya at hindi pa nakapagtapos dahil sa kakapusan sa pera. Laking-pasalamat niya at nakita niya ang mga gamit-pang eskwelang ito tulad ng lumang libro, lapis at papel sa basurahan. Doon ay muling nag-alab ang kanyang damdamin na matutong mag-aral. Hanggang isang matanda ang nakakita sa kanya habang nagbabasa siya sa tabi ng tambakan ng basura, “Ineng bakit hindi ka sa paaralan mag-aral?” Ngumiti siya sa matanda, “Mahirap lang po kasi kami.” “At kailan pa naging hadlang ang kahirapan para magkaroon ng sapat na edukasyon?” Natulala siya sa sinabi ng matanda. Lalo na nang sa sumunod na sinabi nito, “Gusto mo bang mag-aral.” “Po?” hindi niya mapaniwalaan ang sinabi nito. Hindi niya malaman kung seryoso ba ang matanda o hindi. Pero ang tanging nasa isip niya ay pumayag at magpasalamat sa sinabi nito. “Salamat po!” Hindi naman siya binigo ng matanda dahil kinabukasan ay agad siyang pinuntahan nito upang ienroll siya sa eskwela. Hindi na rin naman tumanggi ang pamilya niya dahil para na rin iyon sa anak nilang may pangarap sa buhay. Naging maganda ang simula ng bawat araw para kay Alissa. Kahit pa nag-aaral na siya ay hindi niya pa rin nalilimutang tumulong sa mga magulang. “Pangako po, hindi ko sasayangin itong oportunidad na ipinagkaloob niyo sa akin,” masayang ika ni Alissa. Hindi niya planong biguin ang kanyang magulang, lalo na ang matandang nagbigay ng tulong sa kanya upang makapag-aral. Pinagbutihan niya ang pag-aaral hanggang sa makatapos siya sa kolehiyo. Nagsunog siya ng kilay upang siguraduhing mapagtatagumpayan niya ang buhay na hindi niya inakalang makakamit. Ngayon ay isa na siyang boss sa sariling negosyo. Nagtayo din siya ng isang charity house na ang layunin ay ang mabigyan ng oportunidad na mag-aral ang mga kabataang mangangalakal ng basura. Alam niyang ang mga batang ito ay naghihintay lamang din ng anghel na sasagip sa kanila. Ito ang naisip niyang paraan upang makapagbayad ng utang na loob sa anghel na tumulong sa kanya upang makabangon sa lugmok niyang buhay noon. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement