Inday Trending

Inday Trending

Ipinaampon ng Ina ang Tatlo Niyang Anak Dahil sa Hirap ng Buhay at sa Pagkakaroon ng Malubhang Karamdaman, Hindi Niya Akalain na Kusang Babalik ang mga Ito Para sa Kanya

Ipinaampon ng Ina ang Tatlo Niyang Anak Dahil sa Hirap ng Buhay at sa Pagkakaroon ng Malubhang Karamdaman, Hindi Niya Akalain na Kusang Babalik ang mga Ito Para sa Kanya
FamilyHeartbreakingStories

Maagang nabiyuda si Precy sa kanyang asawa kaya hindi niya alam kung paano bubuhayin ang tatlo niyang anak.

Huli na nang malaman ng babae na may malubha palang sakit ang kanyang mister. Inilihim nito sa kanya ang kalagayan kaya hindi maialis sa kanya ang sumama ang loob rito.

“Precy, anong plano mo ngayong wala na si Narciso? Paano na kayong mag-iina. Wala ka namang permanenteng trabaho,” sabi ng kaibigang si Cenia.

“Hindi ko alam. Hindi ko nga alam kung paano ko bubuhayin ang mga anak ko. Pinapaalis na rin ako sa puwesto ko sa talipapa dahil wala naman daw akong permit kaya bawal daw akong magtinda roon.”

Pagdating niya sa inuupahang apartment ay agad siyang binungangaan ng may-ari dahil apat na buwan na siyang hindi nakakapabayad ng renta.

“Hoy, Precy, kailan ka ba magbabayad ng renta? Hindi ako charity para magkawanggawa ha! Pinagbigyan na kita pero umaabuso ka naman!” bulyaw ng babae.

“Pasensya na, Aling Zeny. Alam niyo naman pong kalilibing lang ng asawa ko at malaki ang nagastos namin sa ospital kaya hindi po ako agad nakabayad sa inyo. Konting palugit pa po ang hinihingi ko sa inyo,” pakiusap niya rito.

“Hay naku, hindi na! Negosyo ‘to kaya kung hindi ka makakabayad ngayon ay magbalot-balot ka na at lumayas na kayong mag-iina dito sa apartment ko!” pagbabanta ng babae.

Dahil wala siyang mailabas ni isang kusing ay napilitan si Precy na umalis sa apartment at makituloy muna sa kaibigang si Cenia.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko, e! Buti na lang at maluwag dito sa tinitirhan ko,” anito.

“Huwag kang mag-alala, magbibigay naman ako ng pera kapag nakahanap ako ng bagong mapagkakakitaan.”

Nang biglang umiyak ang bunsong anak ni Precy.

“Nagugutom na yata ang anak mo,” sabi ng kaibigan.

“W-wala na kasing lumalabas na gatas sa dibdib ko, e kaya pinapainom ko na lang ng gatas sa bote itong si Cloe. Pero wala akong pambili ng gatas, baka naman mayroon kang pera, pahiramin mo muna ako,” aniya.

“Wala akong sobrang pera, Precy. Alam mo namang gipit din ako at sapat lang ang kinikita ko sa parlor. Magbabayad pa nga ako ng renta dito sa bahay, e!”

Walang nagawa si Precy kundi padedehin ang anak ng tubig na hinaluan ng asukal. Iyon lang ang paraan para maitawid ang gutom ng anak.

Nang sumunod na araw ay isinugod naman ang anak niyang si Suzette sa ospital dahil sinumpong ito ng hika. Awang-awa ang babae sa anak dahil hirap na hirap itong huminga. Buti na lang at naagapan ito ng doktor kundi ay nagkaroon ng kumplikasyon ang bata.

“Misis, hindi ko po masasabi kung kailan ulit aatakehin ng hika ang inyong anak kaya kailangan ay palagi pong nakahanda ang gamot na ito para maagapan ang kanyang hika,” sabi ng doktor sabay abot ng reseta sa kanya.

Nang makita niya ang reseta ng doktor ay nanlaki ang mga mata niya dahil napakamahal ng halaga ng gamot na kailangang bilhin.

“Kay mahal naman ng gamot na ‘to. Saan ako kukuha ng perang pambili nito?” nag-aalala niyang wika sa sarili.

Nang umuwi siya sa bahay ay naabutan naman niyang inaapoy ng lagnat ang panganay niyang anak na si Tyrone kaya bumalik ulit siya sa ospital at pinatingin ang bata. Laking tulong talaga ng pampublikong ospital sa lugar nila dahil wala siyang binabayaran sa sebisyo ng doktor ngunit ang nagbibigay naman ng problema sa kanya ay ang mahal na mga gamot na inirereseta ng mga ito. Dahil sakitin rin ang panganay na anak ay nag-alala si Precy sa kalagayan nito.

“Dyusko, kawawa naman ang mga anak ko. Hindi ko na kayang nakikita na ganito ang kalagayan nila,” maluha-luha niyang sabi.

Kinagabihan, habang nagpapatulog siya sa bunsong anak ay biglang nanakit ang kanyang dibdib. Sa sobrang sakit ay halos hindi siya makahinga. May nakapa rin siyang bukol sa gilid ng isa niyang dibdib kaya kinaumagahan ay siya naman ang nagsadya sa doktor para magpatingin.

“Sorry, misis pero ayon sa resulta ng medical findings ay mayroon kang stage two na ka*ser sa dibdib,” bunyag ng doktor.

“Po, may sakit ako, dok?” napapailing na tanong ng babae.

“Ikinalulungkot ko misis. Pero madadaan pa naman sa gamutan at chemotheraphy ang sakit mo,” anito.

Napaiyak na lang si Precy sa natuklasan. Kaya pala hindi na niya mapadede ang bunso niyang anak sa kanyang dibdib ay may malala na pala siyang sakit. Paano na ang anak niya kung pati siya ay dinapuan na rin ng karamdaman? Hindi lang basta karamdaman, isang malubhang karamdaman.

Humantong sa punto na nagdesisyon na si Precy na ipaampon ang mga anak. Masakit man sa loob niya ay kinailangan na niya iyong gawin para sa ikabubuti ng mga ito. Ayaw niyang idamay pa ang mga anak sa paghihirap niya.

Mabilis naman siyang nakahanap ng mga aampon sa mga bata. Labis-labis ang pagluha niya nang mawalay sa kanya ang mga anak.

“Patawarin niyo ako mga anak! Ito na lang ang naiisip kong paraan para mabuhay kayo ng maayos!” hagulgol niya.

Mabilis na lumipas ang mga taon. Nakaratay na sa kama si Precy ngunit patuloy pa ring nakikipaglaban sa kanyang sakit. Laking pasasalamat niya sa Diyos dahil pinapahaba pa Nito ang buhay niya. Naisip niya na may misyon pa siguro siya sa mundo kaya hindi pa siya Nito kinukuha. Nagpapasalamat rin siya sa kaibigang si Cenia na patuloy na tumutulong sa pag-aalaga sa kanya.

Isang araw ay may kumatok sa pinto ng inuupahang bahay ni Cenia. Nang pagbuksan iyon ng babae ay nagulat ito sa nakita. Nakatayo sa harap niya ang isang binatilyo at dalawang dalagita.

“Nariyan po ba si Precy Ledesma?” wika ng binatilyo.

“S-sino sila? Kilala niyo ba ang kaibigan ko?” tanong ni Cenia.

“K-kami po ang mga anak niya. Ako po si Tyrone, sila naman po ay sina Suzette at Cloe.”

Nang marinig ni Cenia ang sinabi ng binatilyo ay agad niyang pinapasok ang mga ito. Agad nitong pinuntahan ang kaibigan sa kuwarto kung saan ito nagpapahinga.

“Precy, Precy, m-may mga bisita ka,” anito.

“S-sino?” mahinang tugon ng babae.

“Kami ito, inay!” sagot ng isang dalagita.

Nang imulat ni Precy ang mga mata ay laking gulat niya nang makita ang mga hindi inaasahang bisita.

“Inay, narito na po kami nina Kuya at Ate!” sabi naman ng isa pang dalagita.

“Di namalayan ni Precy na umagos na pala ang luha sa kanyang mga mata. Hindi niya akalain na babalikan pa siya ng mga anak na pinaampon niya.

“Paano niyo nalaman na…” hind na natapos ng babae ang sasabihin nang biglang magsalita ang anak na binatilyo.

“Inay, alam na po namin ang totoo, na hindi po namin tunay na magulang ang kinagisnan naming mga nanay at tatay. Napag-alaman din po namin na kaya niyo lang po kami pinaampon ay dahil sa hirap ng buhay natin noon at ang pagkakaroon niyo ng malubhang sakit,” anito.

“Naiintindihan po namin ang sakripisyo niyo, inay! Alam po namin na ginawa mo lang iyon para sa kapakanan namin,” sabi ng dalagitang si Suzette.

“Mahal na mahal ka namin, inay! Anuman po ang mangyari ay ikaw pa rin ang nanay namin,” wika pa ng kanyang bunsong anak.

Sabay-sabay na niyakap ng tatlo ang kanilang ina. Labis naman ang kasiyahan ni Precy sa ginawang pag-unawa ng mga anak sa kanyang ginawa.

“Salamat, mga anak! Mahal na mahal ko kayong tatlo!”

Ngayon ay alam na niya kung bakit hindi pa rin binabawi ng Diyos ang kanyang buhay, ito ay dahil gusto Nito na maiparamdam sa kanya ang pagmamahal ng mga anak na matagal na nawalay sa kanya. Mula noon ay palagi na siyang dinadalaw at inaalagaan ng tatlong anak. Kahit sa ibang bahay na umuuwi ay hindi kinalimutan ng mga ito ang kanilang responsibilidad bilang mga anak sa kanilang tunay na ina.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories