Inday TrendingInday Trending
Di Inaasahang Dalaw

Di Inaasahang Dalaw

Nagmamadaling inilagay ni Marga sa tupperware ang ulam na iniluto niya. Medyo nag aalala nga siya kasi mainit pa, baka mapanis kung tatakpan niya kaagad.

May bitbit rin siyang tinapay, prutas, mga biscuit at juice. Sa katunayan ay puno ng pagkain ang dalawang ecobag na dadalhin niya. Sinulyapan niya ang orasan, alas diyes na ng umaga. Hindi siya maaaring ma-late. Bago siya lumabas ng bahay ay nasulyapan niya muna ang larawan ng kanyang ina at hindi niya mapigilan ang maluha.

Nangangatog na nabitiwan niya ang ecobag at hinaplos ang litrato.

“Ma..mahal kita, gabayan mo sana ako.” bulong niya rito.

Apat na taon na ang lumipas nang may nanloob sa kanilang bahay. Mag isa lang ang matanda noong panahong iyon at ang masakit pa, hindi pa nakuntento sa pagnanakaw. Pinagsasaksak nito ang mama niya hanggang masiguro na di na humihinga ang ale.

“Ma.. Diyos ko, Ma!” sigaw niya nang makita ang duguan nitong katawan sa kusina.

Kung sinu-sinong santo na ang tinawag niya, hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Nagtatakbo siya sa labas at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Agad dumating ang ambulansya pero di na umabot pang buhay ang kanyang ina sa ospital.

Napapikit nang mariin si Marga nang bumalik ang eksenang iyon sa kanyang balintataw. Kahit siguro tumanda na siya ay di na mawawala pa ang sakit. Mabuting tao ang kanyang ina at di ito karapat dapat sa ganoong paraan ng pagkawala- kahit na sino naman siguro.

Pilit niyang kinalma ang sarili at niligpit ang mga nalaglag na pagkain. Lumabas na siya ng bahay at pumara ng taxi.

Tuloy-tuloy sa pagdarasal si Marga hanggang sa marating niya na ang destinasyon. Nangangatog ang kamay na nagbayad siya sa driver.

“Ma’am, sigurado ho ba kayo?” tanong ng guard.

Ilang buntong hininga ang pinakawalan ni Marga, sigurado nga ba siya? Punung puno ng takot at pangamba ang puso niya. Nate-tensyon siya.

Naglakad siya pabalik pero napatigil rin nang masulyapan niya ang malaking billboard sa unahan, may nakasulat roon na isang verse mula sa bibliya.

Hebrews 8:12 Sapagka’t ako ay magiging mahabagin sa kanilang kalikuan. At ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.

Lumakas ang loob ni Marga. Bumalik siya at hinarap ang guard, “Oho kuya. Sigurado na ho ako.”

Tumango ito at pumasok sa loob, may tinawag.

Maya-maya pa ay bumalik na ito kasama ang isang lalaki.

“Ma’am hanggang 11:15 lang po.” wika ng gwardya.

Nabigla ang lalaki nang makita siya, napuno ng takot at pagsisisi ang mukha nito.

“A-Ate..”

Hindi na napigilan pa ni Marga ang maiyak. Nangangatog ang kamay niya na hinarap ito. Lumuhod naman ang lalaki.

“Te patawarin mo ako! Patawarin mo ako lulong ako noon.” iyak nang iyak na sabi nito.

Humahagulgol namang pinatayo niya ito. Oo narito siya sa bilangguan at oo, ang kaharap niya ngayon ay walang iba kundi ang pinsan niyang kumitil sa buhay ng kanyang ina.

Tandang-tanda niya pa na ang matanda pa ang nagpaaral rito kundi lang ito nagbulakbol noon. Nang mag asawa naman ito ay hindi pa rin nahinto ang tulong nila, sila pa kadalasan ang nag aabot rito ng pera kapag wala itong pambili ng gatas ng anak nito.

Kaya nga hindi lubos maisip ni Marga kung paano pumasok sa utak nito na gawin ang ganoon? Sa isang matanda na walang ibang ipinakita kundi kabutihan sa pamilya nito.

Kahit na kailan ay di niya nagawang harapin ito, at di niya akalaing sa muli nilang pagkikita ay dadalhan niya pa ito ng pagkain.

“Rico, alam kong mahirap paniwalaan pero pinatatawad na kita. Para makalaya na tayong dalawa sa nakaraan. Pero Rico, ang sakit sakit kasi.” humihikbing wika niya.

Humanga ang lahat ng nakasaksi sa kanyang ginawa. Di nila akalaing may ganito palang tao na sobrang laki ng puso, na sa kabila ng pasakit ay nagawa pa ring magbigay ng pangalawang pagkakataon.

Isa itong malaking aral na kailanman ay walang magandang naidudulot ang bato. Nilalason nito ang utak ng tao, sinisira ang buhay at pamilya.

Para naman kay Marga, kaakibat niya ang Diyos. Alam niya naman na ayaw rin ng kanyang mama na nakikita siyang may pag iimbot sa puso. Hindi ba at ganoon rin naman ang ginawa ng Panginoon? Kahit na gaano kasakit, kahit gaano katindi ang ating kasalanan ay pinatawad niya tayo at iniligtas pa. Kung Siya nga, nagpapatawad.. tayo pa kayang tao lamang?

Advertisement