Burol ni Mister

Dalawang araw na ang lumipas mula nang pumanaw ang mister ni Aida. Hindi niya inaalala ang pera dahil mayroon naman silang maliit na grocery, napakasakit lang dahil matagal nilang hiniling na magkaanak. Kung anu-ano nang paraan ang ginawa nila upang makabuo lamang. Nagsayaw na sila sa Obando, dinasalan ang dapat na dasalan pero wala pa rin.

At ngayon namang ipinagbubuntis niya na ang kanilang panganay ay saka naman naaksidente ang kanyang asawa. Iniwan siyang nag iisa, hindi malaman kung paano itutuloy ang buhay na wala ito,

“Aida, kain na muna. Masama ang magpalipas ka ng gutom. Kawawa naman ang anak ninyo ni JR.” sabi ng matandang tiyahin niya. May bitbit itong orange juice at dalawang pirasong sandwich na may palamang mayonnaise.

Malungkot naman na tumango ang babae tapos ay muling minasdan ang ataul ng asawa.

“Bakit ka naman ganyan? Ni hindi mo na makikita si baby,” kausap niya sa lalaki. Himas-himas niya ang tiyan habang lumuluha. “Paano na kami ngayon ng anak natin?”

Samantala, sa tabi naman ng mga nagsasakla ay nakatayo ang lalaking si Renan. Napalingon pa nga siya dahil grabe kung makasigaw ang kanyang katabi palibhasa ay tumama ang barahang tinayaan nito.

“Sobrang bastos!” sabi ng balasador.

Napamura ang iba dahil lugi, malaki ang itinaya pero talo. Maya-maya pa ay dumating ang dalawang tanod.

Advertisement

“Mga pare, hanggang alas diyes lang ang sugal ha? Baka si Kap naman ang madali kapag pinayagan kayo.” sabi ng mga ito. Sumang ayon naman ang balasador pero nagreklamo ang ibang mananaya. Ayon sa mga ito, bitin raw.

Muling bumalik ang tingin ni Renan kay Aida. Hinaplos ng matinding awa ang puso niya dahil sa sinapit nito. Tiyak niyang napakasakit ng pinagdaraanan ng babae, damang dama niya mismo sa kanyang dibdib.

Lalapit na sana siya rito nang mapansin niyang tinabihan naman ito ng isa pa sa mga tiyahin. Napangiti siya dahil hinimas ng matandang babae ang tiyan ng ginang.

“Naku, tiyak kong kasing pogi ng ama iyan. Ganyang ganyan si JR noong nasa tyan ng nanay niya. Ubod ng likot, sipa nang sipa.” sabi pa ng matanda.

“Sana nga ho, para kahit na wala na si JR ay hindi ako malulungkot. Aalagaan ko pong mabuti ang baby dahil siya ang bunga ng pagmamahalan naming dalawa.” matamlay na wika ng babae.

Nakaramdam ng pag aalala si Renan dahil buntis ito, tapos ay nangingitim ang ilalim ng dalawang mata. Halatang puyat. Hindi ba masama sa mga buntis ang magkulang sa tulog?

Lumipas ang mga araw at lagi siyang naroon sa burol. Di siya umaalis, palagi siyang nakamasid sa mga tao at binabantayan niya rin ang buntis na ginang.

Hanggang sumapit ang oras na ililibing na ang mister ni Aida ay naroon siya. Sa katunayan, habang umiiyak ito sa unahan ngayong sinasabi ang huling mensahe para sa asawa ay umiiyak rin siya.

Advertisement

“Nasaan ka man mahal, sana alam mo na mananatili ka sa puso ko. Hinding hindi ka mapapalitan rito. Sana bantayan mo kami ni baby, sana hawakan mo ang mga kamay ko kapag dumating ang oras na manghina ako sa hamon ng buhay..” humihikbing wika ni Aida sa unahan ng simbahan.

Maging ang mga nakikinig ay nagluluksa rin. Bilib sila sa tatag ng babae na nagagawa pa ring tumayo at magsalita sa unahan kahit alam naman ng lahat kung gaano kasakit ang nadarama nito ngayon.

Maya-maya pa ay nagulat si Renan nang masilaw siya dahil sa matinding liwanag.

Hindi niya malaman kung saan nagmula ang isang makapangyarihang boses, pero tinatawag noon ang pangalan niya.

“P-Paano po ang mag ina ko?” tanong niya.

“Hindi ko sila pababayaan anak. Tumawid kana.”

Huling sulyap muna kay Aida.. Oo. Siya si Renante Cruz Jr. Siya ang mister ng ginang.

Biglaan ang lahat, ni hindi niya nga alam na naaksidente siya. Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makita ang katawan sa ataul pero hindi umalis ang kanyang kaluluwa. Hanggang kaya niya ay binantayan niya ito.

Advertisement

Minsan nga ay niyayakap niya pa si Aida, idinidikit niya rin ang mukha sa tyan nito kaya ganoon nalang kung sumipa ang bata. Hindi man siya nakikita ng ina nito ay nararamdaman naman siya ng sanggol.

Nakangiting tumawid si Renan sa liwanag. Baon ang pag-ibig sa kanyang puso, at ang pangako ng Diyos na hindi pababayaan ang kanyang pinakamamahal na mag-ina.