Tinuring Niyang Kapatid ang Matalik na Kaibigan, Ngunit Nang Bawian ng Buhay ang Kanyang Ina ay Hindi Niya Nakita Ni Anino Nito
“Condolence, Rina.” Naiiyak na lamang ang dalaga sa tuwing maririnig ang paulit-ulit na tinig ng mga taong bumabati sa kanya. Hindi naman sa ayaw niya, ngunit paulit-ulit kasi itong pinapaalala na wala na nga talaga ang kanyang ina. Nagpapasalamat rin siya sa mga nagpupunta sa lamay upang damayan siya. Ngunit pakiramdam niya ay tila may kulang. Sa dami kasi ng nakikiramay ay wala ang taong gusto niyang dumamay sa kanya. Wala kasi ang matalik niyang kaibigan na si Karrie upang makasama niya. Si Karrie ay ang kanyang matalik na kaibigan simula pa noong mga high school students sila. Sa lahat ng problema ay siya ang kadamay nito noon. Lalo na kapag may nang-aapi dito noon ay palagi siyang dumarating upang ipagtanggol ito. Ngunit ngayon ay sobra siyang nadidismaya dahil pangatlong araw nang binuburol ang kanyang ina ay wala pa rin ito. Kahit na sa kabilang baryo lamang ito nakatira. Ito pa man din ang pinaka-inaasahan niyang unang dadamay sa kanya. “Nasaan si Karrie, Rina?” tanong pa ng kanyang ate. “Busy pa ate sa trabaho niya,” pagsisinungaling niya dito. “Busy ba talaga? O nakalimutan ka na?” nahuli agad siya nito. Nagtungo na lamang siya sa kanyang kwarto at doon nag-iiyak ng sama ng loob. Nakailang beses na niya kasing sinubukang tawagan ito at ichat sa facebook. Ngunit kung hindi nito irereject ang tawag, ay isi-seen lang ang chat message niya. Hindi niya akalaing sa loob ng ilang taon nilang pagiging magkaibigan ay ganito lang ang sasapitin nila sa huli. Nang sumapit ang libing ng kanyang ina at wala talagang Karrie na nagpakita sa kanya ay doon na niya napag-isip na patawarin nalang ito para sa ikatatahimik ng kanyang loob. Ngunit hindi niya inaasahan nang pag-uwi niya sa kanila ay naroon ang kanyang kaibigan, “Karrie?” Bigla siya nitong niyakap habang umiiyak, “Sorry, Rina.” “Bakit ngayon ka lang?” iyak na rin siya nang iyak. Tila ngayon niya lang naibuhos talaga ang sama ng loob at kalungkutan niya. “Sorry, may sakit rin kasi si Mama. Naoperahan siya eksaktong araw nang iburol si Tita,” tukoy nito sa nanay niya. “Eh bakit hindi ka man lang nag-message sa akin?” bahagyang nagtatampo pa rin siya dito. “Nasa kapatid ko ‘yung cellphone. Kasi 24 hours ako kay Mama noon. Nainis nga ako kay Elton kasi hindi niya sinabi sa akin na tumatawag ka.” “Para makapagpahinga ka naman ate. Huwag ka nang mag-alala kay Ate Rina, nagpapadala kami doon ng mga pagkain.” Muli siya nitong niyakap habang umiiyak, “Sorry talaga. Gusto kong iuntog ang sarili ko noong nalamang ko ‘yun. Patawarin mo ako, Rina.” “Wala ‘yun, naiintindihan na kita. Kamusta na si Tita?” tukoy niya sa ina nito. Gumaan ang kanyang paghinga nang malamang okay na rin ang mama nito. Bumawi rin naman ang kaibigan sa kanya sa pamamagita ng pagdalaw dito sa tuwing nalulungkot siya. Sa pamamagitan niyon ay unti-unti siyang nakabangon sa mapait na katotohanang wala na ang kanyang ina. Dahil rin sa pangyayaring iyon ay natutunan niya, hindi lamang pagpapatawad, kundi ang pagtitiwala sa kaibigan. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.