Hindi Marunong Tumanaw ng Utang na Loob ang Babaeng Ito, Napagtanto Niya ang Pagkakamali nang Singilin Siya ng Matinding Karamdaman
Nakakunot ang noo ni Mildred habang nagsusuot ng bra, mahimbing na kasi ang tulog niya nang may biglang kumatok sa kanilang bahay. Sinilip ito ng mister niya at hinahanap raw sya, emergency. Paglabas niya sa sala ay naroon si Lyn, ang pinagkautangan niya dati ng puhunan ng ngayo’y malaki at malago na niyang tindahan. Hindi niya maintindihan kung bakit narito ito sa ganitong oras, gayong matagal na panahon na siyang bayad sa pagkakautang. “Lyn, napadalaw ka?” sabi niya rito, hindi naitago ang pagkairita dahil naabala ang tulog. “P-pasensya ka na Mildred, wala na kasi akong ibang malapitan. Ang ate ko kasi naitakbo sa ospital, malubha na ang c*ncer niya eh. Si Ate Cate natatandaan mo ba, yung laging nakangiti pag pumupunta ka?” sabi nito. “Di ko matandaan,” tamad na sagot ni Mildred kahit ang totoo ay naaalala niya, wala lang siya sa mood makipag usap dito. “Eh ayaw tanggapin sa ospital nang wala akong down. Pasensya kana, kasi sa isang araw pa ang sahod ko.Naubos ang ipon sa gamutan ng ate, kahit sana magkano basta may hawak lang kami,” sabi nito na nangingilid ang luha. “Teka lang,” sabi niya sabay tayo, kukunin na niya ang pera nang maalala niyang masama nga palang maglabas ng pera sa gabi. “Ay Lyn, sorry hindi pala ako naglalabas ng pera sa gabi, malas daw.” wika niya na di alintana ang matinding pangangailangan ng tao, paano na lang kung maapektuhan ang negosyo niya dahil sa malas na ito? “Kahit 500 sana Mildred, maawa ka n-na..” mahinang sabi ng babae na nilunok na ang pride. “Di talaga eh, sorry.” sabi niya at bumalik na sa kwarto. Walang nagawa ang babae kung hindi umalis. Ilang araw ay nabalitaan ni Mildred na pumanaw na ang ate ni Lyn, ang bali-balita ay hindi na umabot dahil palipat lipat ng ospital. Sus, wala akong kasalanan dun.Dati pa naman may c*ncer yun, pangungumbinsi niya sa sarili. Makalipas ang ilang taon, hindi na maganda ang negosyo ni Mildred. Nagloko ang asawa niya, sumama sa iba kaya pakiramdam niya ay nawala ang lahat sa kanya. Napabayaan niya ang katawan, madalas sumakit ang ulo niya at naisipan niya na lang magpatingin sa doktor nang tumumba na siya. Halos gumuho ang mundo niya nang sabihin ng doktor na may stage 3 c*ncer siya, sa utak. Kailangan ng matinding gamutan para gumaling siya pero saan naman siya kukuha non sa sitwasyon niya ngayon? Wala siyang choice kung hindi lumapit sa mga kapitbahay, pero walang nagpahiram sa kanya. Isa na lang ang nasa isip niya, si Lyn. Pero duda siya kung pahihiramin siya nito, kilalang mabuti ang puso ng babae pero matapos ng pagtanggi niya dati, baka di na siya pautangin pa. Pero iba ang nangyari, hindi pa siya tapos magsalita ay iniabot na nito ang pera. Tulong na daw sa kanya, at nang tinanong niya ito kung bakit? “Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.” makahulugang sagot nito. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.