Itinanggi ng Dalagita ang Kanyang Ina Dahil Vendor Lamang Ito ng Mais, Paglipas ng Panahon Ay Siya Naman ang Ikinahiya ng Kanyang Anak
Mangingisda ang ama ni Thea at natitinda naman ng mais ang kanyang ina, siya ang panganay sa apat na magkakapatid at dalawa lang silang nakakapag aral. Sabi ng mga magulang niya, sisikapin ng mga ito na lahat sila ay makapagtapos pero kailangang maghintay ng dalawa pa dahil di kaya ng mga ito na sabay sabay sila. Tuwing nakikipagkwentuhan ang kanyang ina ay palaging nakairap lang ang dalagita, sawang sawa na kasi siya sa mga kwento nito tungkol sa mais, o sa mga customer nito ng araw na iyon. Sa totoo lang, sawang sawa na siya sa buhay niya. Naiinggit siya sa mga dalagitang ipinanganak na may kaya ang pamilya, may magagandang cellphone at nakakapag parebond ng buhok, samantalang siya ay nanay niya lang ang naggugupit ng buhok, palaging pantay at walang design. Si Aling Mila naman, ang nanay ni Thea ay hindi kumikibo tuwing umiirap ang dalaga. Alam naman kasi niya ang hinaing nito, at sa totoo lang ay naaawa siya sa anak. Pero wala naman siyang magawa dahil kahit pagsumikapan nilang mag asawa ay ito lang ang buhay na naibibigay nila sa mga ito. May mga punto nga na hindi sila kumakain maiparaya lang sa apat na anak. Isang araw, pumwesto sa tapat ng eskwelahan ni Thea si Aling Mila. Sinabi kasi ng kumare niya na tuwing hapon raw ay maraming tao doon at wala pang nagtitinda ng mais kaya tiyak niyang magiging mabenta ang kanyang negosyo. Bukod doon, makikita niya pa ang anak at makakalibre ng meryendang mais ito. Natanaw niya na ang anak na papalabas kasama ang tatlo pang dalaga, nagtatawanan ito pero nawala ang ngiti sa mukha ni Thea nang matanaw siya. “Thea!” tawag niya rito sabay kaway, tiyak niyang nasorpresa ito. Gulat si Aling Mila dahil lumingon sa iba ang anak. “Huy, tawag ka nung magmamais.” sabi nung isang kaklase ng dalagita. “Hayaan mo siya.” sabi naman ng kanyang anak. “Thea! Kumain ka nitong mais, mainit ito, bagong laga,” tawag niya ulit sa anak pero hindi pa rin siya pinansin nito. “Naks, may libreng pa-mais ah. Sino ba sya? Nanay mo?” tanong ulit ng isa pang kaklase ng dalaga. “Hindi a. Di ko kilala yan. Magmamais nanay ko? Yuck. Siraulo pala kayo eh,” sabi nito sabay alis. Natulala naman si Aling Mila, hindi niya inakalang ikakahiya at itatanggi siya ng anak. Tumungo nalang ang ale, tinatago ang kanyang mga luha. Paglipas ng maraming taon, ngayon ay isa na ring magulang si Thea. Dito siya sa Maynila tumitigil kasama ang kanyang asawa at tatlong anak. Graduating na ng highschool ang kanyang panganay na si Wilma, ang asawa niya ay karpintero habang siya naman ay isang mananahi. Naisipan niyang dalhan ng pagkain ang anak sa eskwela, nagluto kasi siya ng paborito nitong tinola. Dahil maraming tahi at excited maipatikim sa anak ang luto ay dali daling nagpunta si Thea sa eskwelahan at di na siya nagbihis ng damit. Kumatok siya sa classroom nito, naroon ang guro. “Excuse me po Ma’am, pwede ho ba kay Wilma. Iaabot ko lang ito.” tukoy niya sa baunan na may lamang tinola. Tumayo naman ang kanyang anak at nagtataka siya kung bakit parang nakakita ito ng multo, pinandilatan pa siya nito ng mata na tila di nagugustuhan ang pagpunta niya. “Ms. Dela Cuesta, tawag ka ng nanay mo.” sabi ng guro. “Di ko po yan nanay. Di ko po siya kilala. Sorry mali po yata kayo ng room na napuntahan ate.” sabi nito. Nagulat si Thea sa inasal ng anak. Narinig pa niya ang usapan nito at ng mga kaklase. “Huy, diba nanay mo yun? Bakit sinabi mong hindi?” tanong ng isa nitong kaklase. “Wag ka ngang maingay! Nakakahiya kaya, ang dugyot niya.” sabi nito. Tahimik na naglakad palayo si Thea, naalala niya ang ginawa niya noon sa kanyang ina. Talagang bilog ang mundo at umiikot lang ang tadhana. Ang pinakamasakit, sisingilin na lamang siya ng karma, sa ganitong paraan pa. Sa anak pa niyang pinakamamahal niya.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.