Inday TrendingInday Trending
Naiinggit ang Binatilyo sa mga Kaibigang Inuutusan ng Magulang na Maghugas ng Pinggan; Nakaaantig Pala ang Kaniyang Dahilan

Naiinggit ang Binatilyo sa mga Kaibigang Inuutusan ng Magulang na Maghugas ng Pinggan; Nakaaantig Pala ang Kaniyang Dahilan

Nakaistambay noon ang magbabarkadang sina Francene, Nenita, Anton, at Carlos sa isang bakanteng lote sa loob ng kanilang barangay. Masaya silang nagkukuwentuhan tungkol sa mga naging karanasan nila noong nagdaang bakasyon. Malapit na naman kasi ang pasukan kaya naman ngayon ay ninanamnam na nila ang mga nalalabing araw na sila’y may pagkakataon pang magsaya. Siguradong masusubsob na naman kasi sila sa dami ng gawain nila sa eskwela, oras na sumapit na ang pasukan.

Maya-maya pa ay nakarinig ng malalakas na sigaw ang magbabarkada. Paano kasi ay kanina pa pala sila hinahanap ng kani-kaniya nilang mga magulang.

“Francene!”

“Carlos!”

“Nenita!”

Sunod-sunod nilang narinig ang kanilang mga pangalan. Hindi nagtagal at maya-maya ay namataan na nila ang mga papalapit na pigura ng kani-kanilang mga nanay. Nakakunot ang mga noo nila na ang isa ay may hawak pang hanger bilang pamalo.

“Ano, Francene? Talagang tinakasan mo ang gawain mo sa bahay, ano! Iyong hugasin mo roon sa lababo, tambak na!” galit na anang ina ni Francene.

“Naku, ito nga ring si Carlos, pinag-iigib ko pero hayun at tinakasan din!” singit naman ng ina ni Carlos.

“Ito namang si Nenita, pinagmemerienda ko na lang, aba’y tinakasan pa. Kahilig-hilig magpalipas ng gutom!” Hindi rin nagpatalo ang ina ni Nenita.

Napakamot naman sa kanilang mga ulo ang tatlo, habang si Anton ay napapangiti na lang sa nakita.

Padabog na nagsisunod sina Francene, Carlos, at Nenita sa kanilang mga ina. Wala silang nagawa kundi sundin ang mga ipinag-uutos ng magulang nila, kahit ang totoo ay labag iyon sa kanilang kalooban.

Matapos ang kani-kanilang mga gawain ay nagsibalik na ang tatlo sa kanilang tambayan. Doon ay namataan si Anton na nananatiling nakaupo sa ibabaw ng pinagpatong-patong na troso.

“Hindi ka umuwi?” takang tanong ni Nenita sa kaibigan. Umiling naman si Anton bilang tugon.

Bumuntong-hininga si Francene. “Bakit ikaw, hindi ka tinatawag ng mama mo? Hindi ka nila inuutusang maghugas ng pinggan o mag-igib ng tubig. Nakakainggit ka naman,” nakasimangot pang komento niya ngunit tatawa-tawang umiling muli si Anton.

“Ako nga ang naiinggit sa inyo, e,” napapayukong aniya. “Buti nga kayo, may nanay na tatawag sa inyo para utusan kayo, e. Ako, wala… sumakabilang buhay na kasi si mama noong bakasyon dahil nagkaroon siya ng malubhang sakit,” dagdag pa niya na bigla na lang nalungkot ang ekspresyon sa mukha.

Natahimik naman ang tatlo sa narinig na sinabi ng kanilang kaibigan. Nagkatinginan sila ngunit walang nagtangkang magsalita.

“Wala rin naman kasi akong huhugasang mga plato’t kasangkapan, o timbang iigiban ng tubig, dahil wala naman kaming bahay.” Humalakhak pa nang mapait si Anton. “Ibinenta na ni papa ’yon para lang mailabas namin ang katawan ni mama noon sa ospital.”

“E, saan na kayo nakatira ngayon?” nabibiglang tanong ni Carlos.

“Sa bangketa,” sagot naman ni Anton na may nakaukit na mapait na ngiti sa labi.

Biglang nakaramdam ng awa ang tatlo sa kanilang kaibigan, ngunit higit pa roon ay nakaramdam sila ng pagsisisi. Kung tutuusin pala ay napakasuwerte nila, kumpara sa kaibigan nilang ito, at sa iba pang mga taong dumaranas ng sitwasyong katulad ng kay Anton. Pagkatapos ay wala silang ginawa kundi magreklamong nahihirapan sila, kahit kung susumahin ay napakaluwag nga ng kanilang mga gawain!

Dahil doon, pagkauwing-pagkauwi nila sa kanilang mga bahay ay agad silang humingi ng tawad sa kanilang mga magulang. Nang araw ding ’yon ay bumawi sila at nagsipag.

Mag-iisang linggo nang ganoon ang tatlong bata kaya naman kahit natutuwa ay nagtataka rin ang kanilang mga magulang.

“Anong himala ba ang nangyari at naging napakasipag n’yong magbabarkada? Hindi na kayo umaangal sa gawain, kumikilos na kayo nang kusa at walang reklamo… may nangyari ba?” Isang beses ay nagtanong ang ina ni Nenita.

Dahil doon ay nagkaroon sila ng pagkakataong magkuwento sa kanilang mga magulang tungkol sa sitwasyon ni Anton at ng ama nito. Ikinagulat naman iyon ng mga nakatatanda at dahil sa awa ay nagpasiya silang magbigay ng tulong sa mag-ama.

Ang ina ni Nenita ay binigyan ng trabaho ang ama ni Anton sa bigasan nila sa bayan. Ang ama ni Francene na isang konsehal ay tinulungan naman silang makahanap ng bahay na tutuluyan sa pamamagitan ng programang relokasyon ng kanilang lokal na gobiyerno, habang ang ina naman ni Carlos ay tumulong upang makapasok si Anton sa eskuwelahan ngayong pasukan.

Pasasalamat iyon ng mga magulang ng mga kaibigan ni Anton, dahil naging mabuti siyang impluwensya sa kanilang mga anak. Dahil doon, ngayon ay nagsisimula nang muling umayos ang buhay nilang mag-ama, pagkatapos ng nangyaring trahedya sa kanila.

Samantala, nanatiling inspirasyon si Anton sa kaniyang mga kaibigan na ngayon ay baon na ang aral ng kaniyang buhay bilang rason upang lalo silang magsumikap upang magtagumpay sa buhay.

Advertisement