
Sumakit ang Tiyan ng Kanilang Bisita Matapos Nitong Kainin ang Kaniyang Menudo; Espesyal Niya Palang Inihanda Iyon Para sa Babae
“Heto na ang pagkain!”
Masayang inihain ng maybahay ni Aldrin na si Sonia ang mga putaheng iniluto nito para sa kanilang mga bisita. Kaarawan kasi ng lalaki at naisipan niyang imbitahin ang mga kasamahan niya sa trabaho upang kahit papaano ay makapag-celebrate sila sa kanilang bahay.
Natakam ang lahat nang ilapag na ni Sonia ang mga pagkaing iniluto niya, kasama na ang kaniyang specialty. Walang iba kundi ang kaniyang Menudo.
“Wow, Menudo! Favorite ko ’yan!” halos mapatili naman si Jacky, isa sa mga katrabaho ni Aldrin, nang makita ang inihain ni Sonia. Napakaraming putahe sa kanilang harapan ngunit talagang ito lang ang pumukaw sa kaniyang atensyon.
“Talaga? Naku, tamang-tama, ’yan pa naman ang specialty ko. Sandali’t sasandukan kita,” nakangiti namang sabi ni Sonia bago niya ito sinandukan. Tuwang-tuwa naman si Jacky na napasulyap pa nang palihim kay Aldrin matapos iyon.
Sobrang sarap ng pagkakaluto ni Sonia sa Menudo kaya naman hindi naiwasan ni Jacky na maparami nang kain. Habang ang iba nilang mga kasamahan sa trabaho ay nawili naman sa pagkakaraoke at pag-iinuman.
Ngunit maya-maya pa, tila nakaramdam ng kakaiba si Jacky. Para kasing biglang humilab ang kaniyang tiyan. Napakasakit n’on! Hindi niya malaman kung siya ba ay dudumi o susuka!
“N-nasaan ang banyo n’yo, Sonia?” Hindi na nakatiis si Jacky at nagtanong na sa maybahay ni Aldrin. Agad namang itinuro ni Sonia ang daan papunta sa banyo.
Napatakip ng ilong ang lahat. Paano kasi ay bigla na lang umalingasaw ang napakabahong amoy sa buong kabahayan matapos pumasok ni Jacky sa banyo. Diring-diri tuloy ang kanilang mga kasamahan sa trabaho!
Nang lumabas si Jacky sa banyo ay bigla niyang binuweltahan si Sonia!
“Walang hiya kang babae ka! Ano ba ’yong ipinakain mo sa akin, panis?!” nanghihina ngunit gigil niyang tanong sa asawa ni Aldrin na sa gulat ng lahat ay bigla na lang humalakhak!
“Bakit? Hindi ba at sanay ka namang kumain ng pinagsawaan na ng iba?” makahulugang tanong pa ni Sonia kay Jacky. Matatalim ang titig na ipinukol niya rito.
Biglang namutla si Jacky nang marinig ang sinabi niya. Ganoon din si Aldrin na nagbutil-butil pa ang nanlalamig na pawis.
“M-mahal, ano’ng sinasabi mo?” maang na tanong pa ni Aldrin sa kaniya.
“Tumahimik ka!” Dinuro niya pa ang asawa. “Alam kong may namamagitan sa inyong dalawa! Marami akong pruweba, Aldrin!” Galit na galit si Sonia.
Noon pa kasi niya alam na may relasyon ang asawa niya at ang katrabaho nitong si Jacky, dahil makailang ulit na niyang nahuling gumagawa ng milagro ang mga ito. Sa katunayan, kahapon lamang habang namimili siya ng mga sangkap na gagamitin sa handaan ngayon ay alam niyang pumuslit pa si Jacky at nakipaglampungan sa asawa niya, dito mismo sa kanilang bahay, at iyon na ang pumuno kay Sonia.
Pinindot ni Sonia ang remote control ng kanilang telebisyon at sa isang iglap ay bigla na lamang nag-play doon ang kababuyang ginagawa nina Aldrin at Sonia, dito mismo sa tahanan nilang mag-asawa! Napasinghap ang iba pang kasamahan ng mga ito sa trabaho nang makita iyon! Si Jacky at Aldrin naman ay hindi maipinta ang mukha.
“M-mahal, magpapaliwanag ako! I-inakit lang ako ni Jacky! Hindi ko sinasadya!” halos maglumuhod na ani Aldrin kay Sonia. “Hindi ko naman mahal ang babaeng ’yan, e! Pinaglaruan ko lang ’yan!”
Parang sinampal nang kaliwa’t kanan si Jacky sa narinig mula kay Aldrin. Mas masakit pa iyon kaysa sa paghilab ng tiyan niya ngayon!
Ngunit tila bato na ang damdamin ni Sonia para sa dalawa. Itinulak niya si Aldrin bago siya dire-diretsong umakyat sa kanilang kwarto upang kunin ang kaniyang mga gamit na kagabi pa lang ay inihanda na niya.
Bumaling si Sonia sa babaeng si Jacky na ngayon ay kalalabas lang muli galing sa kubeta. “Huwag kang mag-alala, dahil hindi lason ang inilagay ko sa pagkain mo,” pahabol pang sabi niya sa rito. Ang totoo kasi ay pampurga lang naman ang inilagay niya sa pagkain nito.
Tuluyan nang nakipaghiwalay si Sonia kay Aldrin matapos ang pangyayaring ’yon. Sising-sisi naman ang lalaki dahil hindi naman talaga niya mahal si Jacky.
Matapos iyon ay agad ding nagkasawaan sina Jacky at Aldrin, lalo na at naging tampulan sila ng tsismis sa opisina… ngunit nang akma na silang maghihiwalay ay saka nila nalamang nagdadalantao pala si Jacky! Ngayon ay wala na silang kawala! Magkasama silang magiging miserable sa piling ng isa’t isa habang buhay!
Nagkaroon ng panibagong pag-ibig si Sonia matapos niyang ipawalang bisa ang kasal nila ni Aldrin. Sa pagkakataong ito ay naging maligaya si Sonia at tuluyan nang nakalimutan ang dati niyang manlolokong asawa.