Inday TrendingInday Trending
Nakamasid Lamang Ako sa Hindi Kalayuan

Nakamasid Lamang Ako sa Hindi Kalayuan

Dalawang taong nawala si Christian sa probinsya nila sa kadahilanang pinag-aral siya sa Maynila upang kumuha ng kursong Political Science.

“Chan! Kumusta? Balita ko dito ka na raw ulit mag-aaral?” masayang bati sa kanya ng kanyang kaibigang si Eric. Nakaramdam man ng pagkailang, pinilit pa ring ngumiti ni Christian.

Napilitan lamang siyang kunin ang kursong ito dahil ito ang gusto ng kanyang pamilya na kunin bilang preparatory course bago siya kumuha ng abogasya. Siya kasi ang panganay na anak at pinakaunang apo sa kanilang pamilya. Kaya naman siya ang inaasahang magtataguyod sa pamilya nila at sa inaalagaang reputasyon at pangalan nito.

“Ah oo, sa tingin ko mainam na manatili nalang ako dito sa’tin. Napaka-toxic nang Manila pre,” pagpapaliwanag niya sa kaibigan, “tsaka gusto din ng mga magulang ko na dito nalang ako para makasama na raw nila ulit ako. At syempre, gusto ko ding makasama ang mga kapatid ko. Alam mo namang mahal na mahal ko ang mga iyon,” dagdag pa ng binata.

Kung sa unang tingin ay aakalaing napaka-perpekto ng buhay ni Christian. Galing siya sa isang kilalang angkan sa kanilang bayan. Gwapo, mayaman, at matalino. Medyo suplado nga lang minsan at may pagka-chickboy, kaya naman sikat at habulin ng mga babae mula pagkabata.

Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, napakalayo sa pagiging perpekto ng buhay ni Christian. Ang akalang masaya at perpektong pamilya ay puro pagkukunwari lamang pala.

“Sabagay. Mahirap nga namang mawalay sa pamilya, lalo na at mag-isa ka lang dun sa Manila,” puno ng pang-unawang tugon ni Eric sa kaibigan.

Ang mga magulang ni Christian ay pinagkasundo na magpakasal lamang kaya naman walang pagmamahal ang mga ito para sa isa’t isa. May kanya-kanyang nobyo’t nobya ang mga ito noon nang pilitin na ipakasal, ngunit para sa kanilang mga pamilya, pareho nilang iniwan ang mga ito at nagpakasal.

Dahil mas importante ang responsibilidad kaysa sa pag-ibig. Yun na lamang daw ang inisip ng mga ito. Ito ang naging dahilan kung bakit hindi magawang maniwala ni Christian sa pag-ibig.

Dumaan ang ilang buwan at naging maayos naman ang takbo ng mga bagay-bagay para kay Christian. Hindi palakaibigan si Christian kaya naman madalas siyang mag-isa at tumatambay sa library. At dahil nga sa madalas niyang pag-tambay sa library ay madalas niya ding mapansin ang isang babaeng palaging nakatambay doon.

Pero hindi kagaya ni Christian na madalas ay tahimik lamang, napakasigla at medyo maingay si Antonette. Palakaibigan at napakaaktibo nito sa iba’t ibang mga aktibidad sa kanilang Kolehiyo. Saan man ito magpunta ay may dalang ngiti ito sa kanyang mga labi, kaya gusto ng lahat si Antonette.

Noong una ay nahihiwagaan siya sa dalaga at iniisip niyang nagkukunwari lamang ito. Na tinatago lamang nito ang totoong ugali. Dahil kahit minsan ay hindi niya nakitang nagalit o nainis ito kahit kanino. Napaka-imposible namang walang kapintasan ito.

Dahil sa sobrang interesado siya sa dalaga, sinubukan niyang makipaglapit dito.

“Hello, Antonette right?” nakangiting inilahad ni Christian ang kanyang kamay sa dalaga.

“Ah yes,” nagulat man ay inabot na din ni Antonette ang kamay ng binata. Nagpipigil naman ng kilig at tili ang mga kasamang kaibigan ni Antonette.

“I’m Christian. Ikaw daw yung naka-assign na partner ko regarding sa upcoming event natin, tama ba?” matamis na ngiti ng binata na tila ba hinuhuli ang kiliti ng dalaga.

“Ah oo, ako nga. Ikaw pala si Christian. Nagagalak akong makilala ka,” saad naman ng dalaga na medyo nahihiya pa dahil halatang-halata ang panunukso sa mata ng mga kaibigan.

Magmula noon ay nagkasama na ang dalawa sa maraming aktibidades sa kanilang kolehiyo at unti-unting napalapit sa isa’t isa.

Sa dinami-dami na ng nakilalang babae ni Christian, hindi niya maipagkakailang kakaiba talaga si Antonette. Namumukod tangi ang buong pagkatao nito. Hindi niya alam kung bakit pero kapag nakikita at nakakasama niya ang dalaga ay bigla na lamang nagliliwanag ang kanyang mundo.

Napakahinhin, napakabait, pero napakatatag at napakatapang din nito. Hindi niya maiwasang humanga ng lubusan sa dalaga.

Dumating ang araw at napagdesisyonan ni Christian na suyuin ang dalaga. Liligawan niya ito at handa siyang gawin ang lahat makuha lamang ang matamis nitong oo.

Naghanda ng isang surpresa si Christian para kay Antonette. Napaka hopeless romantic kasi ni Antonette gaya ng kanyang nakababatang kapatid niya, kaya naman nagpatulong ang binata dito na maghanda ng surpresa.

“Wait lang, saan mo ba talaga ako dadalhin ha?” natatawang saad ng dalaga habang may takip ang mata akay-akay ni Christian.

Dinala ni Christian si Antonette sa isang bakanteng lote na may malaking puno, at doon ay balak niya itong tanungin kung pwede niya bang ligawan ang dalaga. Ito kasi ang naisip na gimik ng kapatid na siguradong magugustuhan daw ng dalaga.

“Basta magtiwala ka lang sakin,” mahihimigan ang pagkasabik sa boses ni Christian. Maya-maya lang ay tumigil na sila sa kalalakad at naramdaman ni Antonette na tinatanggal na ni Christian ang piring sa kanyang mga mata.

Tumambad sa kanya ang napakaraming kandila at talulot ng pinakapaborito niyang bulaklak. Hinawakan ng binata ang kanyang mga kamay at dahilan para tumingala siya. Namangha siya sa nakita. Sobrang napakaraming mga alitaptap ang nagliliparan sa puno habang nagpapailaw sa malamig na gabi. Para silang nasa isang pelikulang pantasya ang tema.

“Tonette, nagustuhan mo ba?” kabadong tanong ni Christian sa kanya. Napangiti naman ang dalaga.

“Nagbibiro ka ba? Sobra-sobrang kong nagustuhan! Para tayong nasa fairytale!” masiglang tugon niya sa binata. Nawala naman ang kaba at pag-aagam-agam sa mukha ng binata.

“Tonette,” nakangiting tawag ng binata sa kanya.

“Bakit?” tugon ng dalaga habang manghang-mangha sa tanawin sa kanyang paligid.

Tiningnan niya ang binata at nagtagpo ang kanilang mga mata. Sa di maipaliwanag na dahilan ay sabay na pumintig ng malalakas ang kanilang mga puso.

“Alam kong medyo mabilis pero gusto kong malaman mo na seryoso ako sa sasabihin ko,” saad ng binata habang nakatitig sa mga mata ng dalaga na para bang tumatagos din sa kanyang kaluluwa. Tila ba nalulunod siya sa mga titig nito.

“Gusto kita. Hindi, mahal na kita,” biglang nanghina si Antonette at mabilis na pumatak ang kanyang mga luha.

Nataranta naman si Christian sa biglaang pag-iyak ng dalaga.

“Wait, anong problema? May nagawa ba ako? May masakit ba sayo? Bakit ka umiiyak?” sunod-sunod na tanong ng binata.

Natawa nalang si Antonette sa naging reaksyon ng binata.

“Wala wala,” natatawang saad ni Antonette habang pinupunasan ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Tinawid niya ang distansya sa pagitan nilang dalawa at niyakap niya ang binata. “Alam mo bang napakatagal kong pinangarap marinig mula sa iyo ang mga salitang iyan?”

Nagulat naman si Christian sa sinabi ng dalaga. “Anong ibig mong sabihin?” Naguguluhang tanong niya kay Antonette. Kumalas sa yakap si Tonette at tinignan siya sa mata.

“Matagal na kitang kilala.” Pag-amin ng dalaga kay Christian. “Siguro ay hindi mo na maalala pero minsan na tayong nagtagpo ng tayo’y mga bata pa.”

Hinawakan niya ang mga kamay ng binata. “Noong minsan ay nagpunta kami ng pamilya ko sa amusement park at di sinasadyang nawala ako. Takot na takot ako nun. Akala ko hindi ko na sila makikita. Akala ko hindi na ako makakabalik pa sa piling nila,” napangiti si Tonette habang inaalala ang nakaraan.

“Pero nakita mo ako. Pinatahan mo ako dahil walang tigil ang iyak ko. Napakaiyakin ko kasi talaga noon. Hinanap natin sila ng hinanap hanggang sa nakita nga natin sila. Simula ng araw na yun parati kitang naiisip. Parati akong nagdadasal noon na sana balang araw pagtagpuin muli ang mga landas natin.”

Bahagyang lumapit si Antonette kay Christian, “at nakita nga kita sa unang araw ng high school. Oo, schoolmates tayo. Kaso di mo naman ako nakilala. Pero ako kailan hindi kita nakalimutan.

Gusto sana kitang lapitan at magpakilala. Tanungin ka kung naaalala mo pa ba ako, kaso sikat ka kasi eh. Kaya hindi ko magawang makalapit sayo. Ordinaryong studyante lang naman kasi ako.”

Hindi makapaniwala si Christian sa kanyang mga narinig. Nakatitig lamang siya sa dalaga habang nakikinig sa mga kwento nito.

“Tinititigan lang kita sa malayo. Simula noon hanggang ngayon. Sinong mag-aakala na dadating ang araw na mapapansin mo din pala ako? Na magugustuhan at mamahalin mo din pala ako?” Naluluha at puno ng emosyang saad ng dalaga kay Christian. “Mabuti nalang pala at hindi ako sumuko sayo.”

Hindi na napigilan ni Christian ang sarili at mahigpit na niyakap si Antonette. Sobrang hindi siya makapaniwala na sa lahat ng oras na ito, nandyan lang pala ang dalaga at nakamasid sa kanya. Na ang babaeng ni sa pananginip niya ay hindi niya inakalang makikilala ay matagal niya na palang nakatagpo at nasa paligid lang pala. Kung sana ay naging mapagmasid siya, edi sana matagal niya na itong napansin. Matagal niya na itong nakilala.

“Maraming salamat,” puno ng sinseridad niyang saad sa dalaga, “At patawad kung medyo natagalan.”

“Okay lang. Handa akong maghintay. Basta ba ikaw yung hinihintay ko,” buong pusong sagot ng dalaga sa binata.

Ilang buwan ding nanligaw si Christian kay Antonette na kalaunan kay sinagot din naman ng dalaga. Naging sila ng walong taon at sabay na inabot ang kanilang mga pangarap.

Ikinasal sila at nagkaroon ng tatlong anak. Hindi man naging madali ang kanilang naging relasyon, madami man ang sumubok na sirain kung ano ang meron sila, ay hindi pa rin sila nagpatalo at pinaglaban ang isa’t isa. At araw-araw ay pinaglalaban at pinapatunayan pa rin nila ang pag-ibig nila sa isa’t isa.

Sa buhay na ito, maraming tayong makikilala at maraming tao din ang dadaan sa ating buhay. Pero ating pakatandaan na maaring mabura sa isipan at memorya natin ang ilang alaala, pero ang pusong nagmahal ng totoo ay hindi kailanman makakalimot.

Advertisement