Inday TrendingInday Trending
Maaring Hindi Pwede Kahapon, Baka Sakaling Pwede na Ngayon

Maaring Hindi Pwede Kahapon, Baka Sakaling Pwede na Ngayon

Nakapila noon si Gerald sa isang ahensya upang mag-ayos ng mga papeles palabas ng bansa nang mapansin niya ang isang magandang babae na nakaupo sa isang tabi.

Di naman na nagpatumpik-tumpik pa ang binata kaya’t dahan-dahan siyang lumapit at umupo sa tabi nito. Pinagmasdan niyang mabuti ang mapupulang labi, mahahabang pilik-mata at maamong mukha ng binibini. Sa kanyang pagmamasid, napansin niya na tila ba namimilit sa sakit ang dalaga habang nakahawak sa may parteng tiyan.

“Miss, ayos ka lang ba? May masakit ba sa’yo?” tanong ni Gerald.

“Oo, ayos lang ako. Alam mo na, yung laging sakit sa ulo ng babae kada buwan,” nakangiting tugon naman ng dalaga.

Napatango na lamang si Gerald. Mukhang namimilipit nga sa sakit ang dalaga dahil sa kanyang buwanang dalaw. Umusad noon ang pila kaya’t kinailangan nilang tumayo at lumipat ng upuan. Pagtayo ng magandang dalaga ay agad namang napansin ng lalaki na may mantsa ito ng dugo sa likurang parte ng pantalon.

“Miss, may ano… may mantsa kasi yung pantalon mo,” bulong ng binata.

“Ha? Anong mantsa?” naguguluhang tanong ng dalaga.

“May ano kasi… may tagos ka,” nahihiyang sagot naman ng lalaki.

Biglang namang namula ang pisngi ng dalaga sa narinig at tila ba nataranta. Hindi malaman ng babae kung paano itatago ang mantsa sa kanyang likuran na dulot ng buwanang dalaw.

“May CR malapit dito. Gusto mo bang ihatid kita doon?” alok ng tulong ng lalaki.

“P-paano ako makakapunta doon ng hindi napapansin ng mga tao?” nag-aalalang tanong naman ng babae na halatang-halata sa mukha ang pagkabalisa.

“Halika, mauna ka na muna maglakad tapos tatakpan na lang kita,” wika naman ng binata.

Tumango lamang ang babae at saka umalis kasunod ng binata. Pagkarating sa banyo ay dumungaw saglit ang babae at saka bumulong sa lalaki.

“May favor sana ako na hihingiin sayo. Medyo nakakahiya, pero pwede mo ba akong ibili ng napkin? Kailangan ko lang talaga kasi,” nakangiting tanong ng babae.

“Ha? N-napkin?” napanganga na lamang ang lalaki at saka napakamot ng ulo, pero dahil likas na maginoo, sinunod pa rin niya ang hiling ng dalaga.

Habang bumibili ay labis ang hiya ng binata. Ito kasi ang unang pagkakataon niyang bumili ng napkin. Bumalik siya sa loob ng agency na tagaktak ang pawis habang hawak-hawak ang napkin na binili.

Pagkatapos magpalit ng dalaga ay lumabas ito ng banyo na may problema pa rin.

“Paano kaya ako makakauwi nito? Kita pa rin yung mantsa sa pantalon ko,” saad ng dalaga.

Ngumiti lamang at binata at sinabing, “ganito na lang, kung gusto mo gamitin mo muna itong jacket ko para matakpan.”

Hinubad ng lalaki ang kanyang suot na jacket at saka ipinulupot sa bewang ng magandang dalaga. Tila ba kinuryente ang puso ng binata sa kanyang ginawa. Lalo siyang nabighani nang maamoy ang napakabangong pabango ng binibini at nang matitigan ng malapitan ang mapupungay na mata nito.

“Salamat ha?” nakangiting saad ng dalaga.

“Nako, wala ‘yun. Basta ikaw,” tugon naman ng binata.

“Janna nga pala,” sabay lahad ng babae ng kanyang palad.

“Gerald,” sagot naman ng lalaki at saka naglahad din ng kamay.

Nagpalitan sila ng numero at nagsimula nang magtext at magkausap magmula noon. Sa bawat araw na lumilipas ay para bang lalong nahuhulog ang binata, hanggang isang araw ay nalaman niyang may kasintahan na pala ang dalaga. At ang rason kaya gusto nitong pumunta ng ibang bansa ay para sundan ang nobyo na doon nagtratrabaho.

Labis na sakit ang naramdaman noon ni Gerald. Bago umalis ang dalaga ay nag-aya ito na kumain sa labas at gumala kasama ang binata. Habang nakaupo sa may parke ay inilabas ng dalaga ang jacket at saka iniabot kay Gerald.

“Salamat ulit ha? Pasensya ka na din…” malungkot na pagkakasabi ni Janna.

Hindi naman na nakapagpigil pa si Gerald kaya hinila niya ang babae at saka ito hinalikan ng madiin sa noo. Buong akala niya’y magagalit sa kanya ang dalaga, pero ngumiti lamang muli ito at saka yumakap sa kanya ng mahigpit.

“Darating din yung taong magmamahal sa’yo ng totoo, sa tamang panahon. Pag dumating yun, napakaswerte niya sa’yo,” mahinang wika ng babae.

Pagkatapos ng tagpong iyon, nagtungo na sa Belgium si Janna. Habang si Gerald naman ay nagtungo sa Qatar upang doon magtrabaho.

Makalipas ang dalawang taon, nagkahiwalay sina Janna at ang kanyang kasintahan. Napag-alaman niyang nakabuntis pala ito ng ibang babae, kaya alang-alang sa sanggol, pinakawalan ang lalaki upang lumaki na may kinikilala itong ama.

Bago bumalik noon sa Pilipinas, napagdesisyunan muna ni Janna na magtungo sa Paris, France upang makita ang sikat na Eiffel Tower. Pangarap niya noon na makasama ang lalaking papakasalan kapag pumunta siya rito, pero sa nakakalungkot na dahilan, mag-isa lamang siyang pumunta doon.

“Ang ganda talaga ng Eiffel Tower! Nakakamangha pala pag sa malapitan ito makikita,” manghang-manghang sabi ng dalaga.

Bigla siyang napakapit sa kanyang puson dahil sa biglaang sakit na nadama. Napapikit na lamang siya at napahinga ng malalim dahil sa sakit.

“Bakit ba naman kasi ngayon pa ako nagkaroon ng buwanang dalaw,” inis na bulong ng dalaga sa kanyang sarili.

Maya-maya’y may bumulong sa tenga niya, boses na pamilyar siya, pero hindi niya matukoy kung kanino.

“Miss, may mantsa yung pantalon mo,” bulong ng lalaki mula sa kanyang likuran.

Maya-maya ay may dalawang braso na yumakap sa kanya mula sa likuran habang itinatali ang jacket sa kanyang baywang upang takpan ang mantsa sa likod ng kanyang pantalon.

“Ikaw talaga, di ka na natuto sa nangyari sa’yo noon,” muling saad ng lalaki.

Dahan-dahan siyang humarap at laking gulat niya na mukha ng lalaking pamilyar na pamilyar siya, ang bumungad sa kanya.

“G-Gerald?” gulat na tanong ni Janna.

“Na-miss kita ng sobra… ngayong nandito ka na sa harapan ko, hindi na kita papakawalan pa,” nakangiting banat naman ni Gerald.

“Pero paano? Paano mo nalaman na nandito ako?”

“Tinawagan ko ang mama mo sa facebook noong nakaraang linggo . Nasabi niya sa akin na magtutungo ka daw dito sa Eiffel Tower ngayon. Kaya bago ako umuwi sa Pilipinas, napagdesisyunan ko na puntahan ka muna dito.

Magmula nang makilala kita, wala na akong ibang babaeng inibig pa kundi ikaw. Kaytagal na panahon ko itong hinintay. Kung alam mo lang ang pananabik ko na masilayan ang mapupungay mong mata at matatamis na ngiti…

Ngayong nandito ka na, hayaan mong ako naman ang mag-alaga sa’yo. Ako na ang magmamahal sa’yo hanggang sa pagtanda natin. Hayaan mo lamang ako na ligawan ka at patunayan ang sarili ko. Unang beses pa lang kitang nakita, minahal na agad kita. Please, Janna, pwede ba kitang ligawan?” naluluhang pahayag ng binata.

Tumango naman si Janna at saka yumakap ng mahigpit sa binatang kaharap. Hindi siya makapaniwalang magagawa ng binata na intayin at mahalin siya ng ilan taon. Hindi lahat ng lalaki ay kayang gawin ang ganoong bagay, pero iba si Gerald, nagawa niya lahat ng ito alang-alang sa babaeng iniibig.

Sabay silang umuwi ng taong iyon upang magpasko sa Pilipinas. Di naglaon ay nakamit ni Gerald ang matamis na “oo” ng dalaga. Taong 2017 sila nagpakasal at ang ipinagdiwang ang kanilang honeymoon sa Paris, France kung saan sila muling pinagtagpo ng tadhana.

Sa karanasan nilang ito ay napatunayan na ang tunay na pagmamahal ay nangangailangan lamang talaga ng tamang panahon at tamang pagkakataon. Ang taong inilaan para sa isa’t isa ay magtatagpo pa rin sa dulo. Kaya kaibigan, kung hindi man naging kayo kahapon, malay mo pwede nang magkaroon ng pagkakataon na maging kayo ngayon.

Advertisement