
Pinainom ng Binata ang Matandang Nauuhaw; Ang Kabutihang Loob Niya ang Mag-Aahon sa Kaniya sa Hirap
Wala pang isang buwan na nagtatrabaho ang binatang si Julio sa pinapasukang water refilling station. Isa siyang utusan doon na naglalagay ng tubig sa mga plastic na container at nagdedeliber sa mga umoorder na kustomer. Panganay siya sa tatlong magkakapatid, dalawang taon na ang nakalipas nang pumanaw ang ama niyang nagkaroon ng malubhang sakit sa bato at ang kanyang ina naman ay hirap nang makalakad dahil sa rayuma kaya hindi na ito lumalabas sa tinitirhan nilang maliit na barung-barong. Bilang panganay ay siya ang bumubuhay sa kanyang pamilya.
Kahit mahirap ay pilit niyang kinakaya para sa nanay at mga kapatid niyang maliliit pa. Isinakripisyo na nga niya ang pag-aaral at ipinaubaya na sa mga kapatid ang pagpasok sa eskwela. Kung kaya nga lang niyang doblehin o triplehin ang pagtatrabaho para mas kumita pa ng pera ay gagawin niya.
“Hoy, Julio, umorder ng tatlong container ng tubig si Mrs. Cuaresma, ideliver mo sa bahay niya ha? Pagkatapos ay dalhin mo naman kina Mr. Santos ‘yung inorder niyang dalawang container. Bilisan mo at madami ka pang gagawin dito!” utos sa kanya ng among si Mr. Tapia.
“O-opo, sir, tapusin ko lang itong paglalagay ng tubig sa mga nakapilang plastic container ng mga walk-in nating kustomer na kanina pa naghihintay sa labas,” sagot niya.
“Aba, ang kupad mo naman! Kung babagal-bagal ka diyan ay walang mangyayari at baka malugi pa ang negosyo ko! Bilisan mo ang kilos kung ayaw mong mawalan ng trabaho!” harapang pamamahiya ng lalaki sa kanya.
Nataranta naman si Julio at nagmadali na sa ginagawa at maya maya ay sinunod na ang utos ng amo. Matapos ideliber ang mga inorder na tubig ay pawis na pawis siyang bumalik sa refilling station at ipinagpatuloy ang paglalagay ng tubig. Kahit hindi pa nanananghalian at nakakaramdam na ng gutom ay tuloy pa rin ang pagtatrabaho niya. Ayaw niyang muling mapagalitan ng amo at mawalan ng pinagkakakitaan.
Ilang minuto pa ang nakalipas, tapos na siya sa ginagawa niya kaya kahit malapit nang matapos ang lunch break ay nagmamadali siyang lumabas para bumili ng makakain sa malapit na karinderya nang isang matandang lalaki ang kumalabit sa kanya. Maayos naman ang kasuotan nito na hindi mapagkakamalang palaboy o taong grasa.
“Totoy, baka pwedeng makahingi ng isang basong tubig. Nagsimba ako diyan sa Sta. Catalina Church tapos ay naisipan kong maglakad-lakad muna pero sa init ng panahon ay nakaramdam ako ng hilo at uhaw. Nakita ko itong refilling station niyo, nagbabakasakali akong makahingi man lang ng maiinom,” sabi nito na halatang pagod na pagod at uhaw na uhaw.
“H-ho? Eh, sandali lang po manong at kukuha ako sa loob. Dapat po ay nagdadala kayo ng tubig kapag lumalabas ng bahay dahil mainit po talaga ang panahon ngayon. Lika’yo dito sa tabi, baka mabangga kayo diyan ng mga nagdaraang sasakyan,” akay niya rito. Inalalayan niya ito sa braso at inakay sa tabi ng refilling station. Saktong wala si Mr. Tapia, pinaupo niya sa gilid ang matanda at inabutan ito ng isang basong tubig. Kinuha niya ang tubig sa plastic container na nasa loob.
“Uminom na po kayo, manong. Malamig po ‘yan at malinis. Pasensya na po kayo kung hindi ko kayo maalok man lang ng pagkain. Bibili pa po kasi ako sa karinderya, eh, pero mahihintay niyo po ba ako rito? Saglit lang po ako, bibili lang ako ng makakain natin. Hahatian ko na lng po kayo para malamnan din ang sikmura niyo,” sabi niya.
Napangiti ang matanda sa tinuran niya.
“Naku, tama na sa kain ito, totoy. Pamatid-uhaw lamang ang kailangan ko at hindi ako nagugutom. Maraming salamat sa kabutihan mo,” sagot nito.
“Sa uulitin po ay huwag kayong lalabas ng bahay at maglalakad lalo at kainitan. Baka mamaya ay matumba kayo sa daan sa sobrang hilo. Ang nanay ko nga po mula nang atakehin ng rayuma ay pinatigil ko na sa paglalabada at ako na ang bahalang magtrabaho,” kuwento niya.
“Nakakatuwa ka naman, napakasipag mo palang bata. Pasensya ka na at wala akong perang maibabayad sa iyo, ngayon ko lang napansin na hindi ko rin pala dala ang wallet ko sa sobrang pagmamadali. Diyan lang naman ako nakatira sa kabilang kanto. Bagong lipat ako roon,” tugon ng matanda.
Nanghingi ito ng kapirasong papel at ballpen. Isinulat ng matanda sa papel ang address at numero ng telepono nito.
“Puntahan mo ako sa bahay ko o tawagan mo ako sa numero na ‘yan at babayaran kita,” wika ng matanda.
“Naku, hindi na po. Isang basong tubig lang naman po ang ibinigay ko sa inyo. Hindi niyo na po ako kailangang bayaran,” nahihiya niyang sabi.
“Kung ayaw mo ay itabi mo na lamang ‘yan. Kapag nangailangan ka ng tulong ay huwag kang magdalawang-isip na puntahan ako sa address na ‘yan,” tugon nito at nagpaalam na sa kaniya na aalis na.
Nang wala na ang matanda ay saktong labas naman ni Mr. Tapia.
“Put*ngna mo kang Julio ka, kanina pa kita hinahanap nandito ka lang pala sa labas? Kanina pa tapos ang lunch break mo a! Dapat ay nagtatrabaho ka na sa loob tapos ay madaratnan kita rito sa labas na nagpapabandying-bandying lang?” galit nitong sabi.
“Sir, sorry po. May matanda po kasing nanghingi ng maiinom kanina. Binigyan ko po ng isang basong tubig na kinuha ko sa plastic container sa loob kaya hindi ko po namalayan ang oras,” paliwanag niya.
Mas lalong nag-init ang ulo ng lalaki.
“Ano? Talagang sa tubig ko pa ikaw kumuha ng maiinom nung matandang sinasabi mo? Anong karapatan mong pakialaman ang tubig ko? Ang g*gong ito, ang kapal ng mukha mong ipamigay ang tubig na ibinebenta ko sa isang palaboy? Alam mo mamalasin ang negosyo ko dahil sa kagag*han mo, eh. Umalis ka na, huwag ka nang babalik dito. Ayoko nang makita ang pagmumukha mo ha,” pagtataboy ng matapobreng lalaki sa kanya. Nanlaki ang mga mata ni Julio, ‘di niya akalaing tatanggalin siya ng amo sa trabaho sa mababaw lang na dahilan.
“Sir, parang awa niyo na po. Huwag niyo po akong alisin sa trabaho, ako lang ang inaasahan ng pamilya ko,” pagmamakaawa niya.
“Tigilan mo ako! ‘Yan ang napapala mo sa pagka-intrimitido mo, akala mo siguro ay hindi ako makakakuha agad ng kapalit mo? Lumayas ka na! Umuwi ka na sa inyo at alagaan mo na lang ang nanay mong labandera,” sabi pa nito.
Sinubukan pang magmakaawa ni Julio pero ‘di na siya pinagbigyan ng lalaki at ipinahiya pa siya sa mga kustomer na naroon. Ni hindi rin nito ibinigay ang huling sahod niya. Lulugu-lugo at luhaan siyang naglakad pauwi, ano ngayon ang ipapakain niya sa kanyang pamilya? Naisip din niya na napasama pa yata ang pagtulong niya sa matanda.
Nang bigla niya itong naalala. Sinabi nito na kapag nangailangan siya ay puntahan lang niya ang bahay nito. Dahil nawalan siya ng trabaho dahil dito ay magpapabayad siya rito sa ginawa niya kanina o hihingi ng tulong para magkaroon ng bagong trabaho. Baka pwede siyang manilbihan sa bahay nito bilang boy o hardinero man lang.
Pinuntahan niya ang address na nakasulat sa papel. Laking gulat niya nang makita ang malaking gate sa harap niya. Pinindot niya ang doorbell, maya maya ay pinapasok siya ng kasambahay na parang alam na alam na darating siya. Mas namangha siya nang makapasok sa loob dahil tumambad sa kanya ang napakalaking bahay.
“Diyos ko, ito ba ang bahay nung matanda? Ang laki at ang ganda naman,” bulong niya sa isip.
Nang makita siya ng matanda ay masaya siya nitong sinalubong.
“O, totoy, sabi ko na nga ba at pupuntahan mo ako rito sa bahay ko. Lika, tuloy ka sa loob,” yaya nito.
Nang makapasok siya sa loob ng bahay nito ay mas lalong nanlaki ang mga mata niya. Kahit luma na ang istilo niyon ay hindi maipagkakaila na mayaman ang nakatira roon dahil puno ng mga antigong kagamitan ang buong kabahayan. Luminga-linga siya sa paligid at bigla siyang natigilan nang makita ang malaking larawan na nakasabit sa pader. Naroon ang isang lalaki na sa tingin niya ay ang matandang tinulungan niya na medyo bata-bata pa. Malamang kasi ay matagal na panahon na sigurong ipininta ang larawang iyon. Kasama nito ang isang magandang babae na sa palagay niya ay asawa ng matanda at isa pang lalaki na hinding-hindi niya maaring hindi makilala. Ang mukhang iyon ay nakatatak na sa isip at puso niya.
“B-bakit kasama niyo sa larawan ang tatay ko?” gulat niyang tanong sa matanda.
Napalingon ito sa kanya at ‘di makapaniwala sa sinabi niya.
“A-anong sabi mo, totoy? T-tatay mo kamo? K-kilala mo ang anak kong si Severino?” sunud-sunod na tanong nito.
Napamulagat si Julio.
“A-anak? P-paano niyo pong naging anak si tatay?” naguguluhan niyang tanong.
At nagsimula nang magkuwento ang matanda.
“Ako si Silverio Manrique, isang retiradong inhinyero at negosyante. Ang nasa larawang iyan ay ang aking asawang si Celestina na apat na taong nang namayapa at ang nag-iisa naming anak na si Severino na naglayas sa edad na dalawampu’t anim at nakipagtanan sa kanyang kasintahan. Tutol ako sa pakikipagrelasyon niya sa babaeng sinamahan niya dahil isa lamang itong hamak na labandera, si Luzviminda samantalang siya ay may pinag-aralan at mula sa buena pamilya. Mas pinili niya kaming iwan at ipinagpalit ang sarili niyang mga magulang sa babaeng iniibig niya. Mula noon ay hindi ko na siya nakita. Sinubukan ko siyang hanapin pero palagi akong bigo. Hanggang sa lumuwas ako rito sa Maynila at nagbabakasakaling dito ko mahanap ang aking anak. Matagal ko nang pinagsisihan ang paghadlang ko sa kanyang kaligayahan. Ngayon ay gustung-gusto ko na siyang makita. Ang sabi mo’y ikaw ang kanyang anak? Ibig sabihin ikaw ang aking apo? Nasaan si Severino, ang pinakamamahal kong anak?” naiiyak nang sabi ng matanda.
Nagulat man sa ipinagtapat nito’y napaluha na rin ang binata.
“W-Wala na po siya. Pumanaw na rin po ang aking amang si Severino dalawang taon na ang nakakaraan dahil sa pagkakaroon niya ng malalang sakit sa bato. Naulila niya po ako, ang nanay kong si Luzviminda at dalawa ko pang kapatid. Minsan niya pong sinabi sa amin na nilayasan niya ang aming lolo ngunit sa bandang huli ay pinagsisihan din po niya iyon. Ang sabi nga po niya ay kapag nakita ko ang aking lolo, ihingi ko raw po siya ng tawad at matagal na rin daw po niya itong napatawad sa ginawang pagtutol sa kanila ng nanay ko. Mahal na mahal po kayo ni tatay, lolo. Pinapatawad niya na po kayo,” sambit ni Julio na tuluyang nang napahagulgol. Inilabas pa niya sa bulsa ang wallet niya at ipinakita rito ang maliit na litrato nilang mag-anak na nang makita ng lolo niya ay kumbinsido na ito na siya ang apo nito.
Halos atakehin ang matanda sa nalaman ngunit inalalayan ito ni Julio at pinaupo sa sofa.
“Wala na ang anak ko? Kasalanan ko ito, kundi dahil sa aking pagiging mapagmataas ay hindi mawawala sa akin si Severino. Patawarin ninyo ako,” hagulgol din nito.
Niyakap ni Julio ang kanyang lolo na tanda na pinapatawad na niya ito.
“Napatawad ka na po ni tatay, lolo. Napatawad ka na rin namin,” sabi niya.
Mahigpit din siyang niyakap ng matanda.
“Salamat, aking apo. Hindi ako makapaniwala na pagtatagpuin tayo ng tadhana. Ngayong nagkakilala na tayo ay hindi ako papayag na magkalayo pa tayo. Dalhin mo ako sa nanay mo at iba ko pang apo para personal na makahingi ng tawad sa kanila. Isasama ko na kayo rito sa bahay ko, dito na rin kayo titira. Magsasama-sama na tayo bilang pamilya,” wika ng matanda.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Julio na sa isang iglap ay nakilala niya ang lolo niya na matagal na nawalay sa kanila. Sa isip niya ay may magandang resulta pala ang pagpapaalis sa kanya ni Mr. Tapia sa trabaho kundi ay hindi niya matutuklasan ang katotohanan.
Tinanong ulit ng lolo niya kung bakit siya nagpunta roon at sinabi niya na tinanggal siya sa trabaho ng malupit niyang amo. Nagdesisyon ang matanda na puntahan ito hindi para sugurin at awayin kundi para pasalamatan ang lalaki dahil nakita nito’t nakilala ang apo nang paalisin ito sa refilling station.
Nang malaman naman ni Mr. Tapia na apo pala siya ng mayamang negosyante ay laking pagsisisi nito sa lahat ng pamamahiya at pagtanggal sa kanya sa trabaho.
Ang dating nagdedeliber lang ng tubig ay isa nang milyonaryo dahil kapag pumanaw na ang kanyang lolo ay paghahatian nilang magkakapatid ang yamang maiiwan ng matanda.
Sa malaking bahay na ng kanyang lolo sila tumira kasama ang kanyang ina at mga kapatid at masayang namumuhay na magkakasama.
Habang may buhay ay may pag-asa at kapag gumawa ng kabutihan sa kapwa ay may kapalit na gantimpala, tulad ni Julio na sa munting pagtulong ay biglang nagbago ang kapalaran.