
Ginamit ng Pulis ang Kaniyang Armas Upang Manakot at Magsiga-Sigaan; Hindi Niya Akalaing Makakahanap pala Agad Siya ng Katapat
“Hoy! Saan mo dadalhin ’yan?” tawag ni Rony sa batang si Carlos na kagagaling lang sa tindahan nina Aling Maria, bitbit ang bote ng softdrinks na binili nito mula roon.
“Sa amin po, ser,” sagot naman ng bata na halata ang takot sa tono ng pananalita. “M-may bisita po kasi kami kaya pinabili po ako ni tatay nito,” dugtong pa ng musmos na hindi naiwasang mapatingin sa nakasukbit na armas sa kaniyang tagiliran.
“Sabihin mo sa tatay mo, tubig na lang ang ipainom d’yan sa bisita n’yo! Akin na ’yang softdrinks na ’yan at ako’y nauuhaw. Dalhin mo ’yan dito!” utos naman niya sa bata.
Halatang nag-alinlangan ito kung susundin siya o hindi. “Pero, ser—” Akma pa sana itong mangangatuwiran nang bigla niyang kapain sa tagiliran niya ang ‘armas’ na madalas niyang gamitin upang makapanakot at magsiga-sigaan sa kanilang lugar.
“Dadalhin mo ba ’yan dito o hindi?!” galit na sigaw ni Rony kaya naman mabilis pa sa alas kuwatrong kumilos ang bata at naglakad patungo sa puwesto niya para ibigay ang naturang inumin bago ito tumakbong pauwi sa kanilang tahanan. Ngingisi-ngisi namang sinundan ni Rony ng tingin ang bata habang tumatakbo ito nang umiiyak.
Tuwang-tuwa si Rony sa kaniyang mga nagagawa simula nang siya ay maging ganap nang pulis, lalong-lalo na nang ibigay na sa kaniya ang armas na kaniyang gagamitin upang gawin ang kaniyang trabaho. Ngunit imbes na ganoon nga ang gawin niya ay naging mapang-abuso siya sa paghawak nito. Ginamit niya ’yon sa upang maghatid ng takot sa kanilang lugar at doon ay magsiga-sigaan sa mga taong alam niyang walang magiging laban sa kaniya, katulad na lang ng ginawa niya sa batang si Carlos kanina! Ang totoo ay bagito pa lang naman si Rony sa pagiging isang pulis, ngunit tila ba kinain na agad ng pagkakaroon ng awtoridad ang kaniyang buong pagkatao. Lumaki na agad ang kaniyang ulo at yumabang siya nang husto!
Samantala, umiiyak namang umuwi si Carlos sa kanilang bahay. Agad na nagtaka ang kaniyang ama at mabilis siyang tinanong nito…
“Anak, ano’ng nangyari? Bakit ka umiiyak?”
“Tatay, si Ser Rony po kasi, kinuha ’yong softdrinks na ipinabili n’yo sa akin. Sabi niya, tubig na lang daw po ang ipainom n’yo sa bisita natin, ’tay,” sagot naman ng bata na umiiyak pa rin.
Napailing naman si Mang Oyo, ang ama ni Carlos. “Nakakaperwisyo na talaga ang bagitong pulis na ’yan. Nakahawak lang ng armas, akala mo kung sino nang hari!” anas niya na hindi mapigilang mag-init ang ulo.
Dahil doon ay napakunot naman ang noo ng kanilang bisitang noon ay kanina pa pala nakikinig sa usapan nilang mag-ama. “Sinong Rony ’yan, Oyo?” tanong nito sa kaniya.
Doon lamang naalala ni Mang Oyo na ngayon ay bisita nga pala nila si Mayor Louise, ang pinuno ng kanilang bayan kung saan nagtatrabaho si Mang Oyo bilang personal nitong tagamaneho. Hindi kasi siya nakapasok ng ilang araw dahil nagkasakit siya kaya naman minabuti nitong dalawin silang mag-ama upang kumustahin ang kanilang lagay. Likas kasing mabait ang nasabing mayor, ngunit kilala rin itong istrikto at magaling na pinuno.
“Mayor, si Rony po ’yong bagitong pulis na naghahari-harian dito sa amin simula nang siya’y makatanggap na ng armas. Sa totoo lang po ay ayaw kong magkaroon ng kaugnayan sa taong ’yon kaya hindi ako kailan man nagsumbong tungkol sa kaniya dahil ayaw ko rin ng gulo, pero sumusobra na po siya, mayor,” sumbong ni Mang Oyo sa butihing pinuno ng kanilang bahay na agad namang nagkaroon ng matigas at malamig na ekspresyon.
“Kung ganoon, samahan mo ako sa kaniya ngayon, Oyo, at ako ang bahalang magturo ng leksyon sa bagitong ’yon,” mariin pang sabi nito.
Bagama’t nagdadalawang isip ay tumalima si Mang Oyo sa utos ng kaniyang boss. Maya-maya pa ay pinuntahan na nila si Rony kung saan ito nakikipag-inuman nang mga sandaling ’yon.
“Ikaw ba si Rony?” diretsahang tanong ni Mayor Louise sa pulis na nabigla nang makilala kung sino ito.
“M-mayor? O-opo, ako nga p-po!” nanginginig na anito na halatang biglang nabahag ang buntot.
“O, akala ko ba’y ikaw ang pinakamatapang at pinakasiga sa lugar na ito, bakit ngayo’y tumitiklop ka yata?” tanong muli ng mayor na halata ang galit sa tinig. “Musmos lamang ba na walang kalaban-laban ang kaya mo?” dugtong pa nito.
Hindi na nakasagot pa si Rony at nanatiling nakayuko na lamang sa isang tabi hanggang sa dumating ang mga kapwa nito pulis, kabilang na ang kanilang hepe dahil sa tawag ng kanilang mayor. Iyon ay upang dakpin siya dahil sa patong-patong na reklamo, kabilang na ang ginawa niya kanina sa batang si Carlos.
Ngunit bago pa siya tuluyang isama ng mga pulis ay may huling pangaral pa sa kaniya ang pinuno. “Tandaan mo, kahit gaano pa tayo kataas ay mayroon at mayroon pa ring hihigit sa atin. Kahit anong taas mo na ay kakailanganin mong tumingala pa rin.”
Iyon lang at halos balutin na ng labis na pagsisisi si Rony, dahil matapos ang pangyayaring ’yon ay hindi na siya kailan man maaaring bumalik sa pagpupulis. Bukod doon ay matagal-tagal din ang panahong gugugulin niya sa likod ng bakal na rehas.

Sinira ng Babae ang Relasyon ng Kaibigan Niya at ng Asawa Nito Upang Siya ang Pumalit sa Puso ng Lalaki; Sa Huli ay Siya rin Pala ang Masasaktan
