Na-Promote ang Lalaki Kahit Hindi Magaling Mag-Ingles; Alam Pala ng Boss ang Kanyang Sikreto
Mag-iisang taon na si Makoy sa pinapasukan niyang opisina malapit sa SM Mall of Asia. Ang pagkakapasok niya roon ay talaga naman pinagdasal niya ng todo. Siguro ay mga apat na beses siyang bumagsak sa interview bago nakapasa. Talaga namang inaral niya ng mabuti ang mga tanong sa interview kaya kabisado na niya ang mga iyon.
Nang matanggap na ay aaminin niyang hirap pa rin siya lalo na kung magsasalita ng Ingles. Nakatapos naman siya ng kolehiyo pero sadyang may iba-iba yatang galing ang tao, at wala sa kanya ang abilidad na iyon. Madiskarte siya sa buhay, matyaga at magaling makisama, mahina lang talaga siyang magsalita ng Ingles. Kapag kinakausap siya ng mga kasama ay tila ba umuurong ang dila niya at nagkakapilipit na sa sobrang hiya.
“English only policy, remember? Makoy, you shouldn’t be shy. Be yourself! Our clients are foreign business owners so we have to adopt, gets mo?” pabulong na sabi ng kanilang operations manager, si Mr. Gandeza.
“Y-yes, yes ser!” nahihiyang sabi ni Makoy.
Ang ilang mga kasamahan niya ay pinagtatawanan ang lalaki, paano kasi ay parang laging mahihimatay kapag kinakausap ng Ingles. Sa trabaho nila sa call center ay kailangang magaling doon, bakit ba nakapasok ang lalaking ito?
Karamihan pa ay parang sinasadya siyang kausapin para lamang mapahiya siya, alam kasi ng mga ito na di siya makakasagot.
“Makoy, it’s time to go home. Don’t be so workaholic, ha? Ingatan mo rin ang health mo.” pansin muli ni Mr. Gandeza sa kanya. Ito ang boss pero madalas itong magtagalog. Mas mataas pa ang ere ng mga kapwa niya ahente, na kung makaasta ay parang sila na ang may ari ng kumpanya.
“M-may tinatapos lang po ako Ser, kailangan na ho kasi ito bukas.” sagot naman ng lalaki.
“Nga pala, may opening tayo ng Team Lead, baka gusto mong mag apply.” nakangiting sabi nito.
“Team Lead? Sir.. hindi ho ba-“
“Oo, supervisor. Magha-handle ng sariling team, sariling mga tao. Tingin ko ay kaya mo, tutal ang requirent doon ay atleast 6 months ka sa kumpanya, mag-iisang taon kana rito diba?” sabi ng matanda.
Nababaliw na ba ito? Makapasok nga lang sa kumpanya ay hirap na hirap na siya, ma-promote pa kaya?
Tila nabasa naman ng matanda ang iniisip niya.”Kaya mo yan, walang imposible, Makoy sa taong ma-tyaga at may determinasyon.” sabi nito at tumalikod na.
Napailing nalang ang lalaki. Pag-uwi niya sa bahay ay mapag isipan niya ang sinabi ng amo, napasulyap rin siya sa kanyang misis na noo’y naghehele ng kanilang anim na buwang sanggol—isa lang ang naisip niya.
Kailangan niyang subukan.
Di bale nang mapahiya, mapahindian.Ang mahalaga sinubukan niya para sa mag-ina niya. Hindi maaring lumaki ang kanyang anak na ganoon na lang, nais niyang maipagmalaki siya nito. Nais niyang tularan siya ng bata, maging mabuting halimbawa na kahit na talunan sa buhay ay sumusubok ang kanyang tatay. Nakangiting natulog si Makoy nang gabing iyon sa piling ng mag ina niya, kailangan niya ng pahinga dahil buung buo ang loob niya para sumubok bukas.
Kinabukasan ay nag-submit ng resume si Makoy para mag-apply bilang team lead, alam niyang pinagbulungan siya ng ilang ka-opisina. Marahil iniisip ng mga ito na nasisiraan na siya ng bait.
“Ilusyonado”, “Ambisyoso..” narinig niya pang bulong ng iba.
Matinding pagrereview, practice ng Ingles at pagdarasal ang ginawa ng lalaki. Kaakibat ng lakas ng loob niya, at ang matinding kaba na baka hindi siya matanggap.
“Hayaan mo na, basta sinubukan mo.” wika ni Makoy sa kanyang sarili matapos lamang ang interview, kalalabas niya lamang noon sa meeting room. Nakaharap niya si Mr. Gandeza, at ang dalawa pang manager na si Ms.Pangan at Mr. Torres.
Makalipas ang tatlong araw ay iaanunsiyo na kung sino ang natanggap bilang bagong Team Leader.
“Everyone… attention, please. My co-managers and I, together with the other onshore partners have decided. We are very happy to introduce our new Team Lead who will handle the 12 newly hired agents, Mr. Makoy Ilagan!” masayang sabi ni Ms.Pangan.
Tahimik ang lahat, ni walang pumalakpak. Si Makoy ay nakatulala lang. Ako ba talaga? Ano ‘to, Joke time? tanong niya sa sarili.
Pero hindi talaga biro! Nagising siya sa pagkakatulala nang biglang pumalakpak si Mr. Gandeza. Napahiya na ang iba kaya nagsisunuran na rin.
Makalipas ang isang buwan ay maayos na nagagampanan ni Makoy ang kanyang bagong posisyon, mahal siya ng mga tao. Bukod kasi sa malinis siyang magtrabaho ay nararamdaman ng mga ito ang kanyang malasakit, hindi siya gahaman sa oras at iniintindi niya ang pangangailangan ng bawat miyembro ng kanyang team.
“Hindi ako nagkamali,” komento ni Mr.Gandeza, napalingon si Makoy na noo’y kasalukuyang nagkakape sa kanilang canteen.
“Sir! Kayo pala, upo ho! Kape?” alok niya rito. Maaga siyang pumasok ngayon kaya wala pang masyadong tao sa opisina, ang janitor lang ang nakita niya pagdating niya sa kanyang table.
Umiling ang matanda, saglit lang daw ito at di na magtatagal.
“Sir, bakit ho pala..ako? Ang ibig ko hong sabihin, magaling ho si Arthur, si Annalyn rin..bakit ho akong hindi naman magaling sa-“
“Sa ingles? Wala iyan dyan.. ang karunungan ay natututunan.Pero ang ugali at pagkatao, nariyan na yan sa puso mo.At yan ang nakita ko sayo Makoy.. iyan rin siguro ang nakita ng dating boss ko sa akin, kaya narito ako ngayon..” pagbabahagi nito na ikinagulat ni Makoy.
“Ibig hong sabihin, mahina rin kayo sa Ingles noon?” di maiwasang tanong niya sa matanda.
“Mas mahina pa sayo! Hahaha! Sige na, lalamig na ang kape mo. ” sabi ng matanda at tumalikod na.
Napangiti nalang si Makoy, ang bait talaga ng boss niya.Lumipas ang isang oras at noon niya lamang naalala ang mga papeles na dapat palang pirmahan ni Mr.Gandeza.
Marami nang tao sa opisina noon, di niya alam pero tila kay lungkot ng mga ito. Kumatok siya sa pintuan ng opisina ng matanda at sinalubong siya ng sekretarya nito.
“Amy, papipirmahan ko lang sana ito kay Sir.” sabi niya rito.Namumula ang mata ng babae.
“Wala na siya Makoy, kagabi pa. Inatake raw sa puso.” sabi ng babae. Tinantya pa ni Makoy kung nagbibiro ang kausap pero seryoso ang mukha nito. Sa katunayan, nang masulyapan niya ang loob ng opisina ni Mr.Gandeza ay may ilang tao nang nagliligpit ng mga gamit ng matanda.
Wala na nga si Sir.
Napaluha nalang si Makoy.. sa lungkot at sa saya.Baon niya ang isang magandang aral na iniwan nito sa kanya kani kanina lang.
“Salamat, Sir..” bulong niya sa sarili.