Dahil sa Kapansanan ay Wala Nang Gana Pang Mabuhay ang Lalaki, Pero Kinausap Siya ng Diyos sa Isang Panaginip!
Isang taon na ang nakakalipas nang maaksidente si Joren. Simula noon ay halos nagunaw na ang mundo para sa kanya, iniwan siya ng babaeng pakakasalan na dapat, at sobrang liit na ng tsansa na makalakad siya ulit. Isinara niya rin ang puso at isip niya sa mga natitirang tao na nagmamahal sa kanya, pinalayo niya ang mga kaibigan, tanging ang kanyang ina lamang ang nakakapagtyaga sa kanya dahil napakagaspang na ng kanyang ugali. Ang dating magiliw at masayahing binata ay naging halimaw na ngayon.
Kita sa kanyang gwapong mukha ang lungkot at dilim na kanyang dinadala. Pinabayaan na niya ang trabaho sa opisina dahil wala na siyang ganang mabuhay, alam niya naman kasi na habangbuhay na siyang makukulong sa kanyang wheelchair. Inutil, pabigat, walang silbi.
“Anak, come on. Life must go on… marami pa kaming nagmamahal sayo…” bulong ng kanyang ina isang umagang hinatiran siya nito ng almusal.
Hindi kumikibo ang binata, paulit-ulit ang ganitong eksena sa araw niya. Magdadala ng pagkain ang kanyang ina, kukumbinsihin siyang lumabas, minsan ay nagbabato ng jokes pero wala eh, sadyang wala siyang maramdaman.
“Birthday ng kapatid mo, anak isang taon ka na niyang di nakikitang ngumiti. Miss na niya ang kuya niyang masayahin, lumabas naman tayo, kahit para kay Janine lang.” pakiusap nito.
Bata pa lang sila ni Janine nang maghiwalay ang kanilang mga magulang at silang tatlo nalang ang magkasama sa buhay. Nakaramdam ng awa si Joren sa kapatid, kaya pumayag na siya.
“Talaga?! Hay salamat anak ko! Matutuwa ang kapatid mo! Magandang simula na rin ito para magbagong buhay ka-“
“Ma, wala akong gana sa sarili ko. Para kay Janine lang kaya ako pumayag okay? At pwede ho ba, kapag…napahiya na kayo dahil may kasama kayong pabigat, iuwi nyo nalang ako. O iwan nyo ako sa kotse, ayos na ako doon. Baka may makakilala, nakakahiyang makita na ganito ang kalagayan ko.”
Tumango nalang ang kanyang ina kahit pa nais nitong itama ang iniisip niya, para dito, hindi siya kahihiyan. Hindi siya pabigat, hindi siya inutil. Pero ayaw nitong sirain ang mood ng anak dahil baka magbago pa ang isip.
Habang nasa mall sila ay masayang tulak tulak ng dalagita ang wheelchair ng kanyang kuya, napadaan sila sa bilihan ng damit ng mga baby at di sinasadyang nakita ang isang pamilyar na mukha.
“Ate Sheryl?” tawag ni Janine sa babae, pinandilatan naman ito ng mata ng kanilang ina dahil di napigilan ang katabilan.
Si Sheryl ay ang ex ni Joren, magpapakasal na dapat sila pero matapos ang aksidente ng lalaki ay iniwan siya nito.
Naging mailap ang mata ni Sheryl nang mapatingin sa kanila.. teka, malaki ang tyan… buntis ito? Oo, hindi nagkakamali si Joren, nagdadalang tao nga ang babae. Maya maya pa ay sumulpot mula sa likuran nito ang isang lalaki at masuyong hinawakan ito sa baywang. Bago pa tuluyang madurog ang puso ni Joren ay inutusan niya na ang kapatid na italikod ang wheelchair niya roon at iuwi na siya.
Nang nasa kwarto na ay tulala ang lalaki at tinititigan ang kutsilyong iniwan doon ng kanyang ina upang ipanghiwa sana ng mga peras. Tama, ito na lang ang paraan para mawala na ang sobrang sakit na nararamdaman niya ngayon. Unti unti niyang kinuha ito at idiniin sa kanyang pulso, nanlamig ang buong katawan niya nang makitang tumatagas na ang dugo mula sa kanyang braso. Kasunod noon ay nawalan na siya ng malay.
Pagdilat ni Joren ay ubod ng liwanag, halos mapapikit siyang muli dahil sa pagkasilaw. May kamay na nakalahad sa kanyang harapan at inabot niya iyon dahil sa desperasyong makabangon.
“Kumusta ka?” tanong ng boses, ah, sobrang sarap sa pakiramdam pakinggan ang tinig ng lalaking kaharap niya, lamang ay di niya maaninagan ang mukha dahil sobrang liwanag.
“Bakit hindi kita makita?” tanong niya rito.
“Gano’n naman eh, hindi mo ako nakikita. Pero nandito lang ako.” makahulugang sagot nito sa kanya.
Naguguluhan pa rin si Joren at halos matulala dahil sa mga nangyayari, nang muling magsalita ang lalaking katabi niya.
“Alam mo ba yung kwento, tungkol safootprints in the sand?o iyong bakas ng mga paa sa buhangin, iyong akala nila, iniwan Ko na sila, hindi nila alam ay hindi naman Ako nawawala.” sabi pa nito.
“Huy, sa totoo lang, ang gulo mo. Kung anu-anong pinagsasabi mo, footprints in the sand, eh pilay ako! Nanggagago ka ba, wala namang sinabi doon na, wheelchair’s print sa sand. Wala akong panahon dyan, nasaan ba kasi tayo?” tanong niya ulit.
“Wala talaga, at isang pares ng mga paa lang ang naroon lalo na sa pinakamahirap na parte ng buhay mo, iyon ay dahil binubuhat kita, hindi kita pinababayaan.. anak..” at unti unting nang nabalot muli ng liwanag ang paligid.
Anak?
“Anak!” ang tinig ng kanyang ina ang nagpagising kay Joren.
“Diyos ko po anak ko! Huwag mo nang uulitin iyan!” palahaw nito, naroon na pala sila sa ospital, buti at pumasok si Janine sa kanyang kwarto at nadatnan siyang duguan kaya naisugod siya kaagad.
“Ma, patawarin nyo ako.. Lalaban na ako ulit ‘ma, sorry..” hagulgol niya ng iyak. Kung ang panaginip lang ang lahat o talagang kinausap siya ng Diyos ay di na mahalaga, ang alam niya lang, mula nang magising siya ay napakagaan na ng kanyang pakiramdam. Tila ba kinuha na nito ang lahat ng bigat na kanyang nararamdaman.