Inday TrendingInday Trending
Iniligtas ng Babae ang Lalaki sa Tangka Nitong Tapusin ang Sariling Buhay, Di Niya Inakalang Ito Rin Pala ang Kasagutan sa Matagal na Niyang Hiling

Iniligtas ng Babae ang Lalaki sa Tangka Nitong Tapusin ang Sariling Buhay, Di Niya Inakalang Ito Rin Pala ang Kasagutan sa Matagal na Niyang Hiling

Pagkatapos ng kolehiyo ay nakakuha agad ng magandang trabaho si Marilou sa Makati. At dahil sadyang magaling ang babae ay na-promote siya agad sa loob ng maikling panahon lamang. Sa edad na 26 ay isa na siyang manager. Lahat na sana ay nasa kanya kaya nga maraming nagtataka kung bakit hanggang ngayon, wala pa ring nabibighani sa kanya. Maganda naman ang dalaga, mabait at magalang sa kapwa. May mga nanligaw noon pero hindi tumuloy dahil halata naman nilang hindi pa priority ng dalaga ang magka-boyfriend.

“Hija, nasa tamang edad ka na! Ako nga noon, ganyang edad ay buntis na sa panganay namin ng tito mo!” sabi ng kanyang tita Emily, kausap niya ito ngayon sa cellphone.

“Darating din ako dyan tita. Hindi ko pa lang po siguro sya nakikita,” maikling sagot niya rito.

“Paano mo makikita eh puro ka trabaho! Hindi ka pakakasalan ng kumpanya mo. Tsaka, gusto ko nang magkaapo.” pagmamaktol nito, tuwing mag uusap sila ay iyon ang pakiusap sa kanya nito.

“May dalawang anak ka naman po tita at puro lalaki pa. Sila ang kulitin nyo..” natatawang sagot niya rito.

“Sus! Nasa Amerika ang mga yon at puro kalokohan ang alam. Matagal pang mag aasawa dahil takot magpatali. Ikaw nalang ang pag asa namin ng tito mo, alam mo namang para ka na naming anak… My only girl.” paglalambing nito na nagpangiti kay Marilou.

“Mahirap po kasi, wala akong maramdaman sa mga nagtatangka. Alam mo yun? Naniniwala kasi akong pag dumating na siya, may sign. May mararamdaman dapat, diba? O sige na po. Nagda-drive ako eh. Mamaya lang mga 3pm nandyan na ako.” sabi niya rito. Di na naman nakipag-argumento pa ang kanyang tita.

Tuwing nakakapag vacation leave siya sa kumpanya, ay nagpupunta siya sa probinsya ng kanyang tita at tito para mag relax, tulad ngayon.

Pagdaan niya sa isang tulay ay may natanaw siyang kotse. Medyo hindi maayos ang pwesto noon. Nakabalandra sa dadaanan ng iba pang sasakyan kaya hindi makadaan si Marilou. Natanaw niya ang isang lalaki sa gilid, nakatanaw sa matarik na tanawin at nakatalikod sa kanya.

“Excuse me? Pakitabi naman ng sasakyan mo.. hindi kasi ako makadaan.” magalang na sabi ni Marilou. Hindi man lang siya nilingon ng lalaki pero alam niyang narinig siya nito dahil sa bahagyang paggalaw ng balikat nang marinig ang boses niya.

“Hello?” ulit ni Marilou. Wala. Natatakot man ay bumaba na ng sasakyan si Marilou, maliwanag pa naman at mabilis lang tumakbo kung sakaling magtangka ang lalaki na gumawa ng hindi maganda.

Nang papalapit na siya rito ay nakita niya ang mukha nito..ang gwapo! at… umiiyak?

Teka, magpapakamatay ba ito?!

“H-huy!” sabi niya sabay dakma sa braso nito.

“Miss, mind your own business. Wag mo kong pakialaman..” supladong sabi nito.

Ang bilis ng tibok ng puso ni Marilou. Natataranta siya at… kinikilig? Teka! bawal muna ang kilig, emergency situation ito! Nag isip siya ng dahilan para ma-distract ang lalaki.

“Ano kasi nga hindi nga ako makadaan, ah… yung, yung kotse mo kasi nakaharang baka pwedeng pakitabi tapos—” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil iniabot nito sa kanya ang susi ng kotse nito.

“Itabi mo.” hindi pa rin ito lumilingon.

“Mas gusto kitang tabihan.” Lintik! Hindi alam ni Marilou kung bakit niya iyon nasabi. Agad siyang namula. Nakakataranta naman kasi! Pero infairness, effective iyon dahil napalingon sa kanya ang lalaki.

“Ano’ng sabi mo, Miss?” tila natigilan rin ito nang mamasdan siya, nagulat sigurong maganda pala ang babaeng kanina pa nangungulit.

Makalipas ang anim na buwan

“Honey, excited ka nang makilala si mama?” nakangiting tanong ni Kenneth, nilingon nito si Marilou habang nagmamaneho.

“Oo naman…” kinikilig na sagot naman ni Marilou.

Dinampian ng halik ni Kenneth ang kamay ni Marilou. Oo, siya ang lalaking magpapakamatay na sana noon. Mula nang pigilan siya ng babae ay di na ito naalis pa sa isip niya. Buti nalang ay hindi na siya pinahirapan pa nitong manligaw.

Si Marilou ang dahilan kung bakit maligaya, at buhay pa siya ngayon. Nais niya na itong alukin ng kasal, siguro mamaya kapag nakilala na nito ang kanyang ina.

Samantala, medyo nagulat si Marilou nang sa sementeryo sila nakarating ni Kenneth. Marami mang katanungan ay nanahimik ang babae. Naglakad sila palapit sa isang puntod.

“Honey, ang mama ko. Ma, si Marilou po.” pakilala ni Kenneth. Napasulyap naman ang babae sa lapida ng ina ni Kenneth.

Marilou Peralta… kapangalan niya pala ang mama nito?

“Kalilibing mo lang noon, ‘ma nung nakita ako ni Marilou na magpapakamatay. Wala nang saysay ang buhay ko noon at sobrang lungkot na mawalan ng ina.. Pero ang babaeng ito ang nagligtas sa akin.. at nang malaman ko ang pangalan niya, parang sinabi ng Diyos na di mo ko iniwan.. Marilou rin. Iniligtas mo ako ‘ma.”

Nanlaki ang mata ni Marilou, oo nga!

“Nawalan ako ng Marilou.. pinalitan rin ng Diyos.. maraming pong salamat sa pagpapadala ng isa pang anghel sa buhay ko. Malou, pakasalan mo ako?” sabi ng lalaki sa kanya, at lumuhod habang ipinapakita ang kay gandang gintong singsing.

Lumuluhang tumango si Marilou at niyakap ang umiiyak na ring nobyo.

Advertisement