Kapag Napundi ang Ilaw ng Tahanan

Pagod na pagod na si Aling Celia nang araw na iyon. Galing siya sa maghapong paglalabada sa kaniyang regular na kostumer na si Mrs. Valdez. Naglaba siya ng isang tambak na mga damit na may kasama pang comforter, kurtina at mga bed sheets.

Ganoon na lang ang panlulumo ni Aling Celia nang maabutang nag-aaway pa ang kaniyang dalawa sa kaniyang mga anak. Parehong may hawak na kutsilyo ang dalawa at nagsasaksakan!

“Magsitigil na kayo!” nagmamadaling hiyaw ni Aling Celia habang inaawat ang kaniyang mga anak. Parehong amoy alak ang mga ito.

“Pagsabihan mo ʼyang anak mong ʼyan, inay. Ang hilig makialam ng gamit niyan!” panduduro ng panganay niyang si Allen sa kapatid nitong si King.

“Napakadamot mo! Sana hindi ka na lang namin naging kapatid! Ad*k!” sigaw naman ni King sa kaniyang Kuya Allen.

Hindi na alam ni Aling Celia kung papaano pa niya aawatin ang dalawang magkapatid. Simula nang magbinata ang mga ito ay naging sobrang pasaway na nila sa kaniya. Nabuntis nang maaga ang kaniyang bunso, naging pariwara ang dalawang anak na lalaki, habang ang kaniya namang asawa ay sumama sa ibang babae. Mag-isa niyang itinataguyod ang kanilang pamilya, pagkatapos ay sa kaniya pa ang baling ng sisi mula sa ibang tao, tungkol sa nangyayari sa kaniyang mga anak.

“Pakiusap, tumigil na kayo!” hiyaw pa ni Aling Celia na noon ay napapahawak na sa kaniyang dibdib.

Maya-maya pa ay nag-umpisa nang manikip ang dibdib ni Aling Celia. Doon lang natigil sa pag-aaway ang kaniyang dalawang anak na lalaki. Nag-panic ang mga ito!

Advertisement

“Nanay? Nanay!”

Napasigaw na ang magkapatid nang mabuwal sa kaniyang kinatatayuan si Aling Celia. Nawalan ito ng malay!

“Kuya, dalhin natin sa ospital si nanay!” hiyaw ni King.

“Sandali, tatawag ako ng sasakyan!” tarantang sabi naman ni Allen bago nagtatakbo palabas ng kanilang bahay.

Malala ang lagay ni Aling Celia nang madala na nila ito sa ospital. Na-stroke ito at paralisado ang katawan.

“Kasalanan natin ʼto, kuya. Kasalanan natin ʼto! Sana hindi na lang tayo nag-away para hindi nagkaganito si nanay,” namomroblemang sabi ni King sa kaniyang kuya habang sapo ng dalawang kamay ang kaniyang mukha. Si Allen naman ay nananatiling tahimik, habang ang bunso nilang si Karyl ay humahagulgol nang iyak.

Nanatiling walang malay si Aling Celia nang ilang araw. Hirap na hirap ang magkakapatid sa kanilang kalagayan, dahil unang-una ay hindi nila alam kung paano gawin ang kanilang gawaing bahay. Doon nila napagtanto kung gaano kahirap maging isang inang katulad ni Aling Celia. Kung tutuusin nga ay napakasuwerte na nila!

Natutong magluto sina Allen at King. Natutong maglinis ng bahay, maglaba at natutong humanap ng pera sa loob lang ng maiksing panahon dahil sa kanilang pangangailangan. Sila ang tumatanggap ng mga labada ni Aling Celia upang may ipangtustos sila sa bayad sa ospital ng kanilang ina.

Advertisement

“Kuya! Kuya!” humahangos na sigaw ni King mula sa kanilang laundry area. May bula-bula pa ang kamay nito na halatang hindi pa tapos maglaba.

“Oh, bakit?” tanong naman ni Allen na ang kamay ay may hawak na sandok. Pawis na pawis, dahil galing ito sa pagluluto.

“Kuya, tumawag si Karyl. Gising na raw si nanay!” sabik na sabik si King sa sinabi sa kaniyang kuya. Napangiti na rin si Allen at halos mapaluha pa.

“Salamat, Panginoon!” sa unang pagkakataon ay nasambit ng kaniyang bibig.

Nanlulumo si Aling Celia habang pauwi mula sa ospital. Iniisip niya kung ano na kaya ang hitsura ng kanilang tahanan gayong wala siya nang ilang araw doon. Saan kumukuha ng kakainin sina Allen at King, gayong pareho namang walang trabaho ang mga ito? Gusto niyang magtanong sa bunsong si Karyl na tanging naiwang nagbabantay sa kaniya sa ospital, ngunit hindi naman siya makapagsalita dahil hindi pa nakaka-recover ang katawan niya mula sa pagkaka-stroke.

“Nanay!”

Patakbong sinalubong siya ng kaniyang dalawang anak na lalaki nang makitang papasok na sila ni Karyl sa kanilang bakuran. Kapwa ang linis ng hitsura ng mga ito at mukhang hindi nanggaling sa inuman.

“Nanay, patawarin po ninyo kami. Hindi na kami magiging pasaway ni King sa inyo,” sinserong paghingi ni Allen ng tawad sa ina na ikinabigla ni Aling Celia.

Advertisement

“Sorry, nanay. Mahal na mahal namin kayo!” sabi naman ni King na noon ay umiiyak na habang nakayapos sa kaniya.

Lumipas ang ilan pang linggo at nakahanap na ng matinong trabaho sina King at Allen. Pinagaan nila ang buhay ng kanilang ina, at tinulungan na rin nila ang bunso nilang kapatid na si Karyl. Mula noon ay mas naging masaya ang kanilang pamilya. Hindi na nila muling hihintayin pang muling mapundi ang pinakamaliwanag na ilaw ng kanilang tahanan.