Mabuti Na Lang at Ikaw ang Tita Ko!

Bata pa lamang ay hindi na magkasundo-sundo ang magkakapatid na sina Fatima, Maria at Rita. Hindi na gumaling ang lamat sa kanilang pamilya at mas tumindi lamang ito nang mawala ang kanilang mga magulang nang dahil sa sama ng loob.

“O, uulitin niyo na naman. Oo na nga, ‘di ba? Ako na ang may kasalanan kung bakit tayo lubog sa utang, pero ‘wag kayong mag-alala. Babayaran ko kayo!” bulyaw ni Fatima na kakauwi lamang sa kanilang bahay.

“Ang amin lang naman, sana magtipid ka naman ng kaunti kasi ang daming gastusin. Tapos si Eva ay nag-aaral na, pero party ka pa rin nang party,” sita naman ng bunsong si Rita.

“Hoy, Rita, hindi porke kumikita ka na ay sinisita mo na ako ng ganyan?! Ate mo ako, hoy! Isa pa, manager ako sa opisina kaya laging may party. Siyempre, inaalagaan ko ang mga hawak kong tao, kasi kung hindi maganda ang performance ng team ko ay mawawalan ako ng trabaho. Pag wala na akong trabaho, wala na akong pera na mas lalong mas masakit sa bulsa niyo. Kaya tigilan mo ako,” sagot naman kaagad nito sa kapatid.

Manager ng isang call center si Fatima at may anak siyang isa na si Eva. Simula nang iwan siya ng tatay ng bata ay napariwara ang buhay ng babae. Nalulong ito sa sugal na siyang naging dahilan ba’t nakasangla ngayon ang bahay ng kaniyang mga magulang na kanilang tinitirhan.

Naitaya niya ito ngunit naitalo, kaya naman ngayon ay binabayaran nilang tatlong magkapatid ang utang ni Fatima. Ayaw kasi nilang mawala ang bahay na iniwan sa kanila ng mga magulang.

“Ikaw, Eva, umakyat ka na sa kwarto. Wala namang maitutulong ‘yang pagmumukha mo sa’kin,” sita ni Fatima sa kaniyang anak saka ito kumuha ng sigarilyo sa kaniyang bag at sinindihan. Humihit at bumuga ng usok kahit na nasa loob ito ng bahay.

Napailing na lang si Rita habang nakatitig sa kaniyang kapatid. Iniakyat niya ang kaniyang pamangkin at saka ito pinatulog.

Advertisement

“Kawawang bata, walang nagmamahal,” isip-isip niya habang nakatitig kay Eva na pinagsisipilyo niya sa banyo.

“Tita, may tanong po ako?” wika ni Eva sa kaniya. Tumaas naman ang kilay ni Rita na siyang senyales ng pagtango niya sa pamangkin.

“Bakit hindi mo po ako sinasaktan sa tuwing inaaway ka ni mama? Ayaw mo bang gumanti sa kaniya? Bakit hindi mo siya inaaway kahit na bad person siya?” tanong ng bata sa kaniya.

Isang malalim na lagok ng laway ang kaniyang naging sagot habang nag-iisip ng tamang sasabihin sa bata. Paano nga ba niya ipapaliwanag na kahit siya ay nauumay na rin sa away nilang magkapatid. Na kahit siya, nabibigatan na rin sa pagiging magulang niya sa kaniyang pamangkin.

Paano ba niya sasabihin sa bata na kahit buhay niya at relasyon niya sa nobyo ay naapektuhan na dahil kailangan niyang umuwi para alagaan si Eva. Paano ba niya sasabihin na minsan gusto niyang gantihan ang kapatid at paluin na lang si Eva kapag nagmamaktol ito o kapag pinapahiya siya ni Fatima na parang bata.

Parang ng mga oras na ‘yun biglang gusto niyang kumawala sa galit at sumigaw sa pagrereklamo. Bakit nga ba hindi niya ginagantihan ang kapatid? Bakit nga ba siya ang pumapasan sa responsibilidad at bakit kailangan niyang magtrabaho at kumita ng malaki para lamang sa kalokohan ng kaniyang ate? Natulala na si Rita at nakatingin lamang kay Eva.

“Alam mo, tita, alam ko na ang sagot kung bakit,” saad pang muli ng kaniyang pamangkin na siyang nagpabalik muli ng kaniyang ulirat.

“Kasi, mabuti ang puso mo. Kasi si Papa Jesus ang lagi mong inuuna at hindi ka nagpapadala sa galit. Saka, alam kong love na love mo po ako. Sana tita, ikaw na lang ang naging mama ko!” wika ni Eva sabay yakap ng mahigpit sa kaniya at naramdaman niyang umiiyak ng bata.

Advertisement

Doon naman siya nagising na walang kasalanan si Eva sa lahat nang nangyayari. Biktima lang din ang kaniyang pamangkin at nangungulila rin ng pagmamahal ito.

“Nandito lang si tita, Eva, mahal na mahal kita!” sagot niya rito at pinatahan na ang bata. Simula noon ay natutunan niyang kalimutan ang galit sa kapatid lalo na pagdating kay Eva at mas pinuno niya ito ng pagmamahal. ‘Yung pagmamahal na napagkait sa bata ng kaniyang mga magulang.

Lumipas ang maraming taon, ngayon ay matanda na si Rita at si Eva na ngayon ang nag-aalaga sa kaniya kahit na nandiyan ang mga anak niya.