
Nagtataka ang Binata sa Palagiang Paghingi ng Pera ng Ina, Nanlambot Siya nang Malaman kung Saan ito Napupunta
“Anak, pahingi nga akong isang daang piso, nagugutom ako, eh,” daing ni Aling Liza sa anak, isang hapon habang ito’y abala sa pagtatrabaho sa sariling silid.
“Bibili pa po kayo ng pagkain? Eh, may pagkain naman tayo riyan, mama. Nagluto po ako ng tinola, may ihaw na liempo pa rin po riyan sa lamesa, ano pa po bang bibilhin niyo?” pang-uusisa ni Renzo habang patuloy sa pagpipipindot sa kompyuter na nasa harapan niya.
“Ayoko ng mga ‘yon, eh. Masyadong mamantika ang luto mo. Saka, ayoko rin kumain ng kanin ngayon, lumulobo na ako, eh,” pagdadahilan nito dahilan isang siya’y mapatigil sa ginagawa niya.
“Eh, ano po palang gusto niyo?” tanong niya rito.
“Biscuit o kaya tinapay, basta, ako na bahala, bigyan mo na ako ng isang daang piso,” pagmamadali nito.
“Mama, naman, may biscuit at tinapay tayo sa kabinet, iyon na lang muna ang kainin mo,” sagot niya rito at ganoon na lang siya nagulat nang bigla itong sumigaw.
“Ayoko noon! Saka, may babayaran pa akong utang sa tindahan, dalian mo na kasi, akin na!” sigaw nito dahilan upang agad siyang mapadukot sa kaniyang bulsa saka inabot ang pera sa kaniyang ina.
“Dalawang daang pisong buo ‘yan, mama, ha? Ibalik mo ang sukli, ha? Iyan na lang ang pera ko, magbabayad pa ako ng in-order mong tocino,” sigaw niya nang agad itong umalis pagkakuha ng pera.
Sa edad na dalawangpu’t isa, ang binatang si Renzo na ang siyang nagtataguyod sa kaniyang ina, dalawang kapatid na babae at amain na may sakit sa puso. Siya ang nagbabayad ng kanilang mga bayarin katulad ng upa sa bahay, kuryente, tubig at maging kanilang pagkain sa araw-araw, siya lahat ang tumutugon.
Nais man niyang magreklamo sa sitwasyon kinabibilangan niya ngayon, hindi niya magawa dahil sa kabaitan at pagkaawaing mayroon siya.
Mabuti na lang talaga at mayroon siyang trabaho ngayon bilang isang call center kahit may kumakalat na sakit. Napakalaking tulong nito upang maibigay niya ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang buong pamilya.
Sa katunayan, may mga araw na lugmok na lugmok siya dahil ang perang kinikita niya, dumadaan lang sa kaniyang kamay. Ni hindi siya makabili ng sariling tsinelas o kahit man lang sabon para sa sarili dahil sa laki ng ginagastos niya para sa kaniyang pamilya. Makailang beses man niyang pakiusapan ang kaniyang ina na maghanap ng trabaho o kahit man lang magtayo ng maliit na negosyo sa harapan ng kanilang bahay ‘pagkat ito’y malakas pa naman, palagi itong nagrereklamo at tila walang ganang tumulong sa gastusin sa bahay.
Bukod pa roon, madalas pa itong nanghihingi ng pera sa kaniya na labis naman niyang pinagtataka dahil ang rason nito, bibili raw ng pagkain. Wika niya, “Bibili ng pagkain, eh, ang dami kong binibiling grocery para nga makatipid.”
Noong araw na ‘yon, pagsapit ng alas siyete ng gabi, tapos na ang kaniyang trabaho. Bahagya na rin siyang nakaramdam ng gutom dahilan upang agad siyang magtungo sa kanilang kusina.
Ngunit pagbukas niya sa niluto niyang ulam, wala na itong mga laman dahilan upang tanungin niya ang kaniyang mga kapatid na nanunuod ng telebisyon sa sala.
“Kumain si mama, si tito at saka ‘yong kapitbahay natin bago sila umalis. Akala ko tinabihan ka ng ulam ni mama,” sambit ng kapatid niya dahilan upang lalo pa siyang magtaka.
“Sabi ni mama, ayaw niya raw ng kanin kaya nanghingi sa akin ng pera tapos ngayon, ako ang walang makakain,” wika niya.
“Binigyan mo pa rin ng pera, kuya?” tanong ng isa niyang kapatid.
“Oo, naaawa ako, eh, saka nakakataranta dahil sinisigawan ako,” sagot niya.
“Alam mo, kuya, pakiramdam ko, may ibang pinatutunguhan ‘yong perang binibigay mo sa kaniya. Kasi kumpleto na tayo sa pagkain dito sa bahay, bakit pa siya humihingi sa’yo? Saka, bakit siya palaging napunta sa kapitbahay natin para makinuod ng telebisyon, eh, mayroon naman tayo?” sabat ng bunso nilang kapatid saka siya nito niyakag na lumabas upang sundan ang kanilang ina.
Habang naglalakad, ganoon na lamang siya nakararamdam ng kaba at nang makarating na sila sa bahay na iyon, sinubukan niyang buksan ang pintuan ngunit itong nakakando sa loob dahilan upang umikot siya patungong likod bahay.
Bago pa siya makarating doon, narinig niya ang boses ng kaniyang ina dahilan upang sumilip siya sa maliit na butas ng dingding nito at ganoon na lang siya nanlambot ng makitang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang kaniyang ina kasama pa ang bagong asawa nitong ipinapagamot niya dahil sa sakit sa puso.
“Mama! Lumabas ka riyan! Kung ayaw niyong tigilan ‘yan, ako ang titigil sa pagsusuporta sa inyo!” sigaw dahilan upang mataranta itong lumabas saka siya agad na tumakbo pauwi hila-hila ang dalawa niyang kapatid.
Pagkauwi sa bahay, agad siyang pinagsabihan ng kaniyang ina. Imbis na humingi ng paumanhin, nagalit pa ito sa kaniya at pinagbuhatan siya ng kamay dahil sa ginawa niya at dahil doon, tuluyan na siyang nagdesisyong tumigil sa pagsusuporta rito at sa bagong asawa nito.
Kinuha niya ang dalawang kapatid niya at humiwalay sila ng bahay.
“Para sa inyo rin ito, hindi tama ang ginagawa niyo sa akin, sa sarili niyo at sa bansang ito,” iyak niya habang inililipat ang kaniyang mga gamit sa bagong bahay nilang magkakapatid.