Araw na ng kasal nila Kian at Honey, ang lahat ay nasasabik na sa gaganaping pag-iisang dibdib ng dalawa. Sa loob ng pitong taong relasyon nila, nakaipon na sila para engrandeng okasyon na ito.
Isang doktor ng mga bata si Honey habang businessman naman ang mapapangasawa niyang si Kian. Ang kanilang mga pamilya ay labis sumasang-ayon sa kanilang pag-iisang dibdib. Lahat ng suporta na kailangan nila ay ibinigay sa kanila.
Handang-handa na si Honey,suot na niya ang napakaganda niyang wedding gown, nakapagpakuha na rin siya ng maraming litrato ngunit lumipas na ang trenta minuto, wala pa daw sa simbahan ang kanyang mapapangasawa.
“Ma, kahit kalian hindi nahuhuli sa itinakda naming oras si Kian, at lalong-lalo hindi niya ito magagawa sa kasal namin. Kinakabahan na ako Mama, baka may masamang nangyari sa kanya.” ika ni Honey, hindi na niya napigilan ang kaniyang luha.
Nagpumilit na siyang pumunta sa simbahan, pagdating niya doon iba-ibang komento ang kanyang naririnig.
“Naku baka natauhan na ang pamangkin ko.”
“Baka ayaw niya talagang magpakasal kay Honey.”
“Masyado kasing pabebe ito e, sigurado ako nagsawa na si Kian.”
Naiyak ang dalaga sa harap nilang lahat. Napaupo na ito sa dapat lalakaran niya papuntang altar, hinubad na niya ang belo at kitang-kita ng lahat ang luhang umaagos sa mata ng dalaga. Magsasalita na sana siya ngunit bigla siyang hinablot ng matalik nilang kaibigan ni Kian na si Geron, isang pulis.
“Honey, kumalma ka. Kailangan ka ni Kian.” bulong nito sa umiiyak na dalaga dahilan para mapatigil ito sa pag-iyak, “May humarang na tatlong lalaking nakamotor sa sasakyan ni Kian papunta dito, tingnan mo nakuha ko ito sa isang barangay malapit dito.” ipina-panood niya ang CCTV footage sa dalaga.
Habang pinapanood ni Honey ang video, bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa lalaking papakasalan.
“Hello Honey? Kilala mo ba ako? Ito kasing si Kian e, sabi tawagan daw kita.” anang isang babae, naririnig niya rin ang mapapangasawang sumisigaw-sigaw. Si Cynthia, ang unang naging kasintahan ni Kian ngunit naghiwalay sila dahil nais ng dalaga na mapasakanya lahat ng yaman ng lalaki.
“Cynthia, ano nanaman ito? Pwede ba tanggapin mo nang ayaw na sayo ni Kian?” inis na ani Honey.
“Sorry, pero kahit anong gawin mo, hindi ko siya hahayaang ipakasal sayo. Akin lang si Kian, akin lang. Umiyak kana dahil hindi mo na siya makikita.” anito sakay ibinaba ang tawag.
Kumilos agad ang kapulisan sa natanggap na balita, ngunit lumipas ang isang linggo, tahimik pa rin ang kaso kaya naman napilitan nang kumilos si Honey katulong si Geron.
Manu-mano silang nagpunta sa mga barangay at humingi ng CCTV videos noong araw na yon. Ngunit halatang napaghandaan ito ng kumuha sa binata dahil bukod sa video na nakuha ni Geron noong una, lahat ay burado na.
Sinubukan rin nilang tawagan ang numero ni Kian upang malaman kung nasaan ang lokasyon ng cellphone ngunit nakapatay na ito.
Isang buwan na ang nakakalipas at nawawalan na ng pag-asa ang dalaga. Walang gabing hindi siya umiiyak at nagmamakaawa sa Panginoon na ibalik na ang kasintahan.
Isang gabi habang mataimtim siyang nagdarasal, may kumakatok sa kanyang bintana dahilan para kunin niya ang kanyang balisong sa ilalim ng unan. Dahan-dahan siyang lumapi, binuksan niya ito at nagulat siya sa lalaking tumalon papasok na muntik na niyang masaksak. Natulala at nanlambot siya noong makilala ang binatang sira-sira ang damit at puro grasa ang mukha.
“Ginawa ko ang lahat Honey para makabalik dito tapos ayaw mo akong yakapin dahil sa itsura ko? Muntik mo pa akong masaksak.” nakangusong biro ni Kian, napatalon naman sa kanya ang humahagulgol na dalaga.
“Nakakainis ka talaga! Nakuha mo pang magloko sa pinagdaan natin!” inis na iyak ng dalaga.
Doon rin ikinuwento ni Kian ang kanyang sinapit sa kumuha sa kanya. Halata ang sakit at hirap na dinanas nito para lang makabalik dito.
“Hinarang nila ako noong araw na yun. Sumakay sila sa kotse ko, pinagdrive nila ako ng may baril na nakatutok sa ulo ko hanggang sa makating kami sa isang abandonadong gusali, doon iginapos nila ako. Tapos dumating si Cynthia, kinuha ang cellphone ko. May pinapapirma siya saking papeles na nagsasabing sa kanya lahat mapupunta ang ari-arian ko, sa tuwing tumatanggi ako pinapabugbog niya ako sa mga tauhan niya.
Buti na nga lang kanina, nag-inuman yung mga tauhan niya, nakaligtaan nila ang isang kutsilyo malapit sakin dahilan para matanggal ko ang pagkakagapos nila sakin at makatakas. Limang oras akong tumakbo at naglakad para masilayan ka muli.” ani Kian, bakas sa kanya ang panlalambot kaya naman inasikaso na siya ng dalaga.
Kinabukasan ay nagpunta na silang presinto, dahil nga sa mga lasing ang tauhan ni Cynthia, agad silang nadampot ng mga pulis. Sinisisi naman ng mga ito ang kanilang amo. Hindi kalaunan, nahuli rin ang babaeng puno’t dulo ng lahat. Ikinulong siya at walang kasiguraduhan kung makakalabas pa ng bilangguan.
Makalipas ang isang buwan, natuloy rin ang kasal ng dalawa. Hindi man engrande katulad noong una, ang mahalaga ay mapag-isa sila.